ISANG lalaking nakaputing bathrobe na hindi nakabuhol ang namulatan ni Ara paggising niya. Palakad-lakad ang lalaki sa silid at may kausap sa cell phone. Ilang segundo bago nag-sink in sa kanya kung nasaan siya—sabay lang ang pagsinghap niya at pagpabalikwas ng bangon.
Natigilan ang lalaki, humarap sa direksiyon niya. Kaagad inilayo ng dalaga sa hantad na katawan ng lalaki ang tingin. Inipit ni Zeph sa tainga at balikat ang cell phone para ibuhol ang robe na suot. Pagkatapos gawin iyon ay ngumiti ito sa kanya at itinuloy ang pakikipag-usap sa cell phone.
Wala sa loob na niyuko ni Ara ang sarili. Napasinghap uli siya at animo ay pagong na umuklo—para ikubli ang katawan sa ilalim ng kumot matapos niyang makitang suot parin niya ang halos hubad na niyang uniporme sa Neon.
Saglit na pinakiramdaman ni Ara ang sarili. Wala naman siyang kakaibang nararamdaman sa katawan at may kumot pa siya. Boots lang ang hindi na niya suot. Ibig sabihin, mabuting tao nga si Zeph.
Hindi pala katulad si Zeph ng mga lalaki sa Neon na kulang na lang ay sunggaban siya. Hindi na gustong isipin ni Ara ang naging kalbaryo niya sa bawat gabing pinagpipiyestahan ang katawan niya hindi lang ng tingin kundi ng mga walang pahintulot na haplos na laging nagpapatindig ng balahibo niya. Salamat na lang at nakatakas na siya sa impiyernong iyon bago pa niya pandirihan ang sarili.
"Good morning," kaswal na bati ni Zeph matapos ilapag ang cell phone. "Puwede ka nang mag-freshen up. Gamitin mo na muna ang damit kong kakasya sa 'yo. Magpapahatid ako ng foods, mag-breakfast ka habang wala ako. Mag-usap tayo pagbalik ko, okay?"
Marahan siyang bumangon, hila pa rin ang kumot para itakip sa katawan. Wala nang itinago ang uniporme niya kaya kailangan niyang ibalabal sa sarili ang kumot. Napansin niyang nakasuot na si Zeph ng shorts at puting t-shirt Mas bata pala ang lalaki kaysa sa akala niya.
"Saan ka pupunta—ahm, ang ibig kong sabihin, kailangan ko nang umalis. Hindi na kita hihintaying bumalik—"
Umangat ang mga kilay ni Zeph kaya napatigil si Ara. "Aalis ka nang ganyan ang suot?" tanong nito, bumaba ang mga mata sa bahagi ng dibdib niyang nakalitaw. Hinila uli ni Ara ang kumot hanggang sa may leeg niya. Nawala sa isip ng dalaga na wala nga pala siyang ibang damit na maisusuot. Lahat ng gamit niya ay hawak ni Mami, pati mga identifications, pera at iba pang mga dokumentong dala niya mula sa probinsiya para sa inakala niyang marangal na trabahong dadatnan niya sa Maynila. Nangako si Edgar na kung susuwertehin raw ito ay maibabalik sa kanya ang mga gamit pero binalaan na siya ng kaibigan na huwag masyadong umasa. "Kailangan mo ng damit," sabi ni Zeph at ngumiti. Parang ang bait-bait nito tuwing ngumingiti nang ganoon.
Nang mga sumunod na sandali ay nag-iinit na ng husto ang mukha ni Ara habang sinasagot niya ang mga tanong ni Zeph tungkol sa 'size' niya. Hindi lang kasi damit ang itinanong nito, pati size ng mga panloob niya!
Nahiling ni Ara na lumubog na lang siya sa puwesto nang makitang napapangiti ang lalaki nang palabas na ng silid. Lumingon si Zeph hustong nasa tapat na ng pinto. "Ara ang sinabi mong pangalan mo kagabi, tama?"
Tumango siya.
"Is that your real name?"
Tumango siya. "Carnation Bernardo."
Tumaas ang sulok ng mga labi nito. "May kapatid ka bang Rose, Jasmine or Dahlia?"
"Rose ang Ate ko. Daisy naman ang bunso namin. Tres marias daw kami kaya pangalan sana ng mga Santa ang ipapangalan sa amin ni Nanay pero si Tatay naman, bulaklak ang naisip."
"Oh," anitong lumapad ang ngiti. "Mahilig pala sa flowers ang tatay mo."
Panatag na siyang tumugon ng tipid na ngiti rito. "Oo, eh. Ikaw, saan naman galing ang pangalan mo? Sa hilig rin ng parents mo?"
"Si Dad at si Tito Zer, mukhang mahilig sa Greek Mythology. Zephyrus ang binigay na name sa akin. Only child ako ng mga overly-protective parents ko. Ang nag-iisang pinsan ko naman, Zeus ang name."
"Pareho ba kayong mukhang Greek god ng pinsan mo?" magaang tanong niya para may mapag-usapan na lang.
"Ako lang ang mukhang god," agad sagot nito, kinindatan pa siya. "And that's a secret." Natawa si Ara, hindi niya napigilan. Matagal na nagtama ang mga mata nila ni Zeph habang ngiting-ngiti rin ito. Siya ang unang nagbawi ng tingin. Hindi dapat pero gusto niya ang lalaki. Hindi siya madaling ma-attract sa isang lalaki kaya bago sa kanya ang nararamdamang hatak ni Zeph.
"Hintayin mo na lang ang breakfast," sabi ni Zeph at itinuloy na ang pagbubukas ng pinto.
"Zeph?"
Lumingon ito.
"Salamat, ha?"
Ngumiti si Zeph at tumango. "You're welcome. 'Pahinga ka." Itinuloy na nito ang pag-alis. Mahabang sandaling nakatitig lang siya sa nakasara nang pinto.
Ginagabayan nga siya ng Diyos. Good Samaritan ang natagpuan niya nang sandaling kailangang-kailangan niya ng tulong. Umangat ang kamay ni Ara sa pendant ng kanyang kuwintas na bigay ng ama, na bilin nitong huwag niyang tatanggalin sa katawan. Naging habit na niyang ikulong sa palad ang crucifix pendant na iyon sa mga pagkakataong nag-aalala o natatakot siya.
Pumikit si Ara at paulit-ulit na bumulong ng panalangin ng pasasalamat.
BINABASA MO ANG
Zeph COMPLETED (PREVIEW)
RomanceUNEDITED COPY. Nakilala ni Ara si Zephyrus "Zeph" De Villar nang gabing tumakas siya para hindi maging biktima ng white slavery. Dinala siya ng lalaki sa hotel na tinutuluyan nito. Noong una ay hindi niya ito pinagkatiwalaan. Pero nang mga sumunod n...
