"Saan tayo pupunta?"
Niyuko siya nito. Hindi sinagot ang pag-uusisa niya pero ngumiti. Iginiya siya ng lalaki patungo sa escalator.
"Ano'ng gusto mong movie?" Saka lang niya na-realize na sa sinehan sila patungo. Hindi na maalala ni Ara ang huling beses na nanood siya ng sine. Mas maraming importanteng bagay siyang dapat unahin kaysa doon kaya kontento na siya sa mga teleserye sa telebisyon pagkatapos ng trabaho. Iyon ang nagsisilbing bonding moment nila ng buong pamilya niya. Hindi kasi kompleto ang araw ng Nanay niya kung hindi nito napapanood ang mga paboritong teleserye na gabi-gabing sinusubaybayan.
"Okay sa akin kahit ano."
"Pumili ka ng movie, bibili ako ng snacks natin."
English movie na comedy ang pinili ni Ara. Pinili niya iyon para tumawa kahit paano ang kasama niya. Hindi naman ito nagprotesta sa napili niyang pelikula.
Magkaagapay na naglakad sila papasok sa sinehan. Huminto ito nang ilang sandali nang nasa loob na sila. Sa tingin niya ay para makapag-adjust ang mga mata nila sa dilim.
"Kumapit ka sa akin," baling nito sa kanya. Si Zeph ang may dala sa snacks nila kaya hindi siya mahawakan. Hindi na siya nag-inarte, sinunod niya ang sinabi nito. Madali naman silang nakahanap ng puwesto. Una siyang pinaupo ni Zeph bago ito umupo sa tabi niya.
Nang mga sumunod na sandali ay tutok na silang pareho sa pelikula habang salitan ang pagkuha nila ng popcorn sa box. Hindi siya nagsising iyon ang pelikulang pinili niya, naaliw siyang pakinggan ang tunog ng tawa nito. Hanggang nakalabas na sila ay nakangiti pa rin si Zeph. Nag-enjoy siya ng husto sa pelikula at sa...
Nag-enjoy siyang kasama si Zeph.
Inakala ni Ara na tapos na ang araw na iyon pero hindi pa pala. Pagkalabas nila ay dinala siya ni Zeph sa isang Salon. Kailangan daw niya ang naisip nitong gawin para hindi na siya basta mahanap ng mga taong tinakasan niya. Naintindihan lang ng dalaga ang ibig nitong sabihin nang pinakialaman na ng mga babaeng naroon hindi lang ang buhok niya, pati ang buong mukha!
At nang matapos ang mga ito sa ayon kay Zeph ay 'make-over' na ginawa sa kanya ay hindi na niya nakilala ang sarili sa salamin. Ang wavy at itim na itim niyang buhok ay layered na ang gupit, tuwid na tuwid at mamula-mula na ang kulay. May shape na ang kilay niya, nakapilantik ang mga pilik mata at parang kuminis ang mukha niyang pinatingkad ng make-up.
"'Ganda mo, Ma'am," anang babaeng na nag-ayos ng buhok niya. "Siguradong mas lalo kang mamahalin ni Sir. Right, Sir?" baling nito kay Zeph na nagpagupit naman ng buhok.
"Right," anito at ngumiti, nakatitig sa mga mata niya na parang girlfriend nga siya nito. Nagtataka man kung bakit hindi itinatama ni Zeph ang maling akala ng mga nag-iisip na magkarelasyon sila ay hindi na lang umimik si Ara. Sa kanilang dalawa, ang lalaki ang mas dapat mahiyang kasama ang isang tulad niya lang. Pero hindi ito nag-aaksaya ng panahong itama iyon kaya hindi na lang din niya pinansin.
Naramdaman na naman ni Ara ang pag-iiba ng pintig ng kanyang puso kaya binawi agad niya ang tingin. Hindi niya maintindihan kung bakit may iba siyang nararamdaman kapag tinititigan siya ni Zeph at nginingitian. Kinakabahan siyang hindi niya maintindihan.
Nakalabas na sila sa Salon ay wala pa rin siyang maapuhap sabihin. Tahimik lang din si Zeph habang naglalakad sila sa mabagal na mga hakbang. Magkahawak-kamay pa rin sila pero wala nang pag-uusap na namagitan.
Ilang pares ng sandals at sapatos ang huling binili nila bago lumabas ng Mall. Pagkapasok nila sa kotse ay saka lang nagbukas uli ng usapan si Zeph. Nagkukuwentuhan na sila hanggang nakarating sa Hotel. Magkatulong nilang ipinasok sa silid nito lahat ng mga pinamili. Pagkatapos ay bumaba rin agad sila.
"Sa Spa," sagot nito sa pag-uusisa niya kung saan sila pupunta. "Masarap magpa-massage kapag ganitong buong araw tayong nasa labas." Nagpagiya na lang si Ara kay Zeph, na hindi niya pinagsisihan matapos ang masarap na masaheng nagpatulog sa kanya.
Ang gaan ng pakiramdam ni Ara pagkabalik nila sa silid ni Zeph sa hotel.
BINABASA MO ANG
Zeph COMPLETED (PREVIEW)
RomanceUNEDITED COPY. Nakilala ni Ara si Zephyrus "Zeph" De Villar nang gabing tumakas siya para hindi maging biktima ng white slavery. Dinala siya ng lalaki sa hotel na tinutuluyan nito. Noong una ay hindi niya ito pinagkatiwalaan. Pero nang mga sumunod n...
