MALI ang naisip ni Ara na mahihirapan siyang sabayan ang pagpapanggap ni Zeph sa harap ng ina nito. Tama nga ang lalaki—na maging kalmado lang siya at magpaubaya lang sa bawat gagawin nito ay okay na sila.
Sa unang dalawang araw ng dalaga sa Pulosa ay ginugol nila ang maghapon sa labas. Una, sinamahan nila ni Zeph ang ina nito na maglibot sa bayan at mamili ng mga handmade crafts na produkto sa lugar. Tsinelas, bags at baskets ang binili ni Mrs. De Villar—na Tita Freda na lang daw ang itawag niya. Sa kuwento ni Zeph ay ipamimigay lang daw ng Mommy nito ang mga iyon sa mga kasambahay at mga paboritong trabahante.
Nagmasid lang siya sa usapan ng mag-ina at paminsan-minsang argumento na nagtatapos naman sa lambingan. Kapansin-pansin na malapit sa isa't-isa ang dalawa. Na-miss niya tuloy bigla ang pamilya habang pinagmamasdan ang mga ito.
Sa pagpapanggap naman nila ni Zeph ay hindi nagkaroon ng problema si Ara. Nagpaubaya lang siya sa pagpapakita ni Zeph ng 'pagmamahal'. Hindi naman sumusobra kaya napanatag na rin siyang lagi silang magkalapit. Hindi na rin niya pinansin na halos hindi na siya nito binibitiwan tuwing nagkakalapit sila—naroon man o wala ang ina nito. Inisip na lang ng dalaga na sinasanay siya ni Zeph nang sa ganoon ay hindi mahalata ng ina nito na wala talagang namamagitan sa kanilang dalawa.
Kahapon naman ay nagpunta sila sa dinarayong grotto sa lugar. Nagkuwento si Zeph tungkol sa milagrosang Birhen na sinasadya raw hindi lang ng mga locals, pati ng mga turista na napapasyal sa Pulosa. Inakyat nila ang mahigit dalawang-daang baitang patungo sa tuktok. Tumanggi siya sa pag-alalay ni Zeph. Ipinilit niyang ang ina nito ang dapat na alalayan. Sanay siyang magpabalik-balik kahit sa bundok pa kaya walang kaso ang pag-akyat.
Nahalata ni Ara na natuwa ang Mommy ni Zeph na hindi umalis ang lalaki sa tabi nito sa buong oras na umaakyat sila hanggang sa nakababa na. Na-enjoy rin niya ang ilang minutong pananatili nila sa tuktok para manalangin. Pagkababa nila ay saka lang lumapit si Zeph, para tuyuin ang pawis niya. Hindi napigilan ni Ara ang kinikilig na ngiti.
Pagdating sa bahay ay saka niya naramdaman ang pagod. Ibinagsak na lang niya ang sarili sa kama.
Nakarinig siya ng katok sa pinto. "Ara?"
Nag-angat siya ng mukha. Nakasilip si Zeph sa nakaawang na pinto. "May gagawin pa ba tayo?" hindi niya napigilan ang paghikab.
"Antok na antok ka na kaya bukas na lang," Lumapit si Zeph at naupo sa tabi niya. "Dito muna ako, okay lang?"
Ngumiti lang siya bilang tugon. Hindi na napigilan ni Ara ang antok. "Sige, bukas..." Napapikit na siya, hindi na malabanan ang antok. Naramdaman niya ang maingat na haplos ng palad ni Zeph sa kanyang buhok. Nagtagal iyon sa pisngi niya. Masyado nang inaantok si Ara para dumilat pa at hanapin sa paligid ang Mommy nito na siguro ay nagmamasid sa kanila kaya ginagawa iyon ni Zeph.
Nagpaubaya na lang siya. "Matulog ka na, Zeph..." halos wala nang tunog na usal niya bago siya tuluyang nakatulog.
BINABASA MO ANG
Zeph COMPLETED (PREVIEW)
RomantiekUNEDITED COPY. Nakilala ni Ara si Zephyrus "Zeph" De Villar nang gabing tumakas siya para hindi maging biktima ng white slavery. Dinala siya ng lalaki sa hotel na tinutuluyan nito. Noong una ay hindi niya ito pinagkatiwalaan. Pero nang mga sumunod n...
