Pretend Girlfriend

7.5K 258 7
                                    

HALOS hindi napansin ni Ara ang limang oras nilang biyahe ni Zeph. May mga inayos pa ito kaninang umaga kaya lunchtime na sila nakapag-check out sa Hotel. Ang kotse pa rin ng kaibigan nito ang gamit nila.

Napansin niyang magaan ang mood ni Zeph habang nasa biyahe sila. Buhay na buhay ang kuwentuhan nila. Gusto niyang makita na ang Pulosa kaya na-excite siya habang palapit sila sa lugar. Hindi na niya namalayan ang oras. Masarap talagang kausap si Zeph, nawawala sa oras ang atensiyon niya.

Nakarating sila sa Pulosa nang hindi man lang namalayan ni Ara.

"Ito na ba 'yon?" paniniyak niya matapos sabihin ni Zeph na pumapasok na sila sa bayan. Hindi nalalayo sa bayan nila ang lugar liban sa napansin niyang tila kakaibang katahimikan. Malinis na malinis rin ang kalsadang dinaaraanan nila. Sa tingin niya ay alaga ng mga mamamayan pati ang kalye kaya walang nagkalat na dumi.

Tumango si Zeph. "Alam mo kung ano ang maganda sa Pulosa? Ang unang unang naghihintay sa mga bakasyunista ay 'yan. Lahat ng pumapasok na bisita, dito muna ang unang stop." Nakangiting iniliko nito ang sasakyan sa tinutukoy. "Ang simbahan ng Pulosa." Itinuloy ni Zeph sa espasyo sa harap ng simbahan ang sasakyan.

Pinatay agad nito ang makina ng sasakyan at mabilis na umibis. Hindi na hinintay ni Ara na ipagbukas siya ng pinto. Lumabas na rin siya.

"Sigurado akong magugustuhan mo rito," sabi ni Zeph, hinawakan ang kamay niya at hinila siya papasok sa nakabukas na gate ng simbahan. Gumanti siya ng hawak sa kamay nito. Nakakasanayan na niya ang gesture na iyon. Kinakabahan siya sa mga nararamdaman pero hinayaan na lang ng dalaga ang sarili.

Maraming magandang katangian ni Zeph ang napapansin na rin ni Ara. Masamang senyales iyon. Hindi niya ito maaring gustuhin nang higit sa isang kaibigan sa maraming dahilan. Inisip na lang niyang napakaikli lang ng mga natitirang araw kaya wala siyang dapat ikatakot. Hindi naman siya mahuhulog rito sa loob lang ng sampung araw kaya wala siyang dapat ipag-alala.

Hindi nga ba? Ipinilig niya ang ulo para iwaglit ang isiping iyon.

Sabay lang ang pagtigil nila ni Zeph nang salubungin sila ng dalawang batang babae pagdating nila sa mismong tapat ng bukas na pinto ng simbahan. Nakasuot ng puting bestida ang mga ito at may hawak na kuwintas na gawa sa puting bulaklak. Sa hula niya ay pito hanggang siyam na taon ang edad ng mga bata.

"Welcome po sa inyo," sabay na sabi ng dalawa, parehong nakangiti. "Ako po si Nina at siya si Asha." Sabi ng mas matangkad sa dalawa.

"Maligayang pagdating sa Pulosa. God bless you po!" sabi naman ng mas bata, si Asha ayon sa kasama nito.

"Maraming salamat, Angels," nakangiting sabi ni Zeph at yumuko. Isinuot ni Asha rito ang kuwintas na bulaklak. Tiningnan siya ni Nina na parang nag-alangan dahil hindi siya tumitinag.

"Akin 'yan?" paniniyak niyang nakangiti.

Ngiting-ngiting tumango si Nina. Yumuko siya para maisuot nito sa kanya ang kuwintas. "Salamat..." na-touch siya sa pagsalubong ng dalawa sa kanila. Parang anghel talaga ang mga ito. Nakangiting nagpaalam ito pagkatapos at naunang bumalik sa loob ng simbahan. Napansin niyang sa isang sulok ng simbahan ang puwestong pinanggalingan ng dalawang bata. May mesa kung saan naroon ang mga kuwintas na bulaklak at puting mga kandila. Sa gitna ng mesa may donation box.

"Walang bayad 'tong kuwintas?" pabulong na tanong niya kay Zeph habang marahan ang mga hakbang nila papasok ng simbahan.

"Wala," bulong rin na sagot nito. "Paglabas natin mamaya, bibigyan nila tayo ng white candles na sisindihan natin do'n," tukoy nito sa side ng simbahan kung saan naroon ang mga nakasinding puting kandila. "Kasabay ng pagsisindi ng kandila ang prayer request natin kay God. 'Tapos, kung gusto nating mag-iwan ng donation, mag-iiwan tayo sa donation box. Kung hindi naman, okay lang. Sa funds ng simbahan napupunta ang lahat ng donations—na ginagamit sa iba't ibang projects. 'Yong mga batang nandito, hindi tatanggap ng pera ang mga 'yan kahit pilitin natin. Ganoon sila rito."

"Wow," nausal niya.

"Yeah, wow," sang-ayon naman nito. "Hindi mo ba napansin na walang vendors? Bawal kasi magbenta rito lalo na ng mga religious items. Namimigay ang simbahan ng free rosaries pero every Sunday morning lang pagkatapos ng mass."

"Ang ganda naman dito," humahangang nausal niya. "Lagi ka bang nagpupunta rito?"

"Kapag nataon na Holy Week at nasa Pilipinas kami ni Dad, sinasamahan namin si Mommy rito. Huli kong punta was two years ago. Last year kasi may business trip ako abroad."

"Ah...kaya pala sanay na sanay ka sa mga bata."

Ngumiti si Zeph at iginiya na siya paupo. Makasunod silang lumuhod at nanalangin nang tahimik. Pagkatapos nilang magdasal ay hinawakan uli nito ang kamay niya at iginiya siya sa puwesto ng mga bata. May kasama pala ang mga bata na sa hula niya ay naglilingkod rin sa simbahan—isang babaeng may edad na. Ang babae ang nag-abot sa kanila ng dalawang puting kandila. Nagpasalamat si Zeph at ibinigay sa kanya ang isa. Naglabas ng wallet ang lalaki at nahagip ng mata niyang dalawang libo ang hinulog nito sa donation box.

Iginiya siya ni Zeph sa side door at lumabas sila roon para sindihan ang mga kandila. Hindi siya humiling ng kahit ano sa Diyos matapos niyang sindihan ang kandila. Nagpasalamat lang siya nang buong puso.

Palabas na sila ng simbahan nang biglang may naisip si Ara. Tumigil siya sa paghakbang. "May camera ang cell phone mo 'di ba?"

"Yes, why?"

"Hindi bawal mag-picture dito?"

"Hindi."

"Pa-picture!" bulalas niya.

Napangiti si Zeph. "iPad na lang ang gamitin natin. Kukunin ko." Patakbong bumalik si Zeph sa kotse. Naghanap naman kaagad ang mga mata niya ng magandang background view.

Pagbalik ni Zeph sa tabi ni Ara ay inutusan niya agad ang lalaki na kunan siya ng litrato. "Gusto ko 'yong kuha ang front view ng simbahan, ah!" hiling pa niya. Lumayo si Zeph ng ilang metro para sundin ang gusto niya. Tiningnan niya kaagad ang kuha pagkatapos. "Ang ganda! Souvenir ko 'yan, ah?"

"Sure. Ipi-print ko."

"Isa pa, malapit naman," hinawakan ni Ara ang kuwintas niyang bulaklak at ngumiti nang matamis.

"Saan pa?"

"Okay na 'yon. 'Yong Simbahan lang talaga ang gusto kong maalala. Tara?"

"How about me? Hindi mo ako gustong maalala?"

Naudlot ang paghakbang ni Ara pabalik sa sasakyan. Nilingon niya si Zeph.

"Dito ka sa tabi ko," utos nito. Napangiting bumalik siya sa tabi ni Zeph. Sunod-sunod na ang kuha nito ng pictures nang mga sumunod na sandali—larawan nilang dalawa sa iba't-ibang anggulo at napansin niyang pareho silang ngiting-ngiti.

"Dami no'n, ah," komento ni Ara nang pabalik na sila sa kotse. "Di pa ba naman kita maalala no'n, ewan ko na lang."

"Isa lang ang souvenir mo sa mga shots na 'yon."

"Bakit isa lang?"

"Akin lahat," sagot nito bago naupo sa driver seat. Naudlot naman ang pagbukas siya sa passenger seat. Pinigil niya ang malapad na pagngiti. Itatago nito ang mga pictures nila?

"Ara?"

Bigla niyang binuksan ang pinto at nagpanggap na kalmado kahit ang totoo ay nagpigigil lang siyang tumili sa kilig.

Inabot nito sa kanya ang iPad. "Hawakan mo muna."

Binuhay na ni Zeph ang makina ng sasakyan. "In fifteen minutes, nasa rest house na tayo. May gusto akong sabihin na hindi ko sinabi sa 'yo kanina. Natakot akong baka hindi ka sumama kapag binanggit ko."

Napatitig siya rito. "Ano 'yon?"

"'Sabi ko kanina, mas mapapanatag si Mommy kapag nakita ka niya."

"Sinabi mo nga 'yon. Ang totoo, duda ako ro'n pero sabi mo magtiwala ako sa 'yo kaya sumama ako."

"Tulungan mo akong ipanatag an loob niya."

"Ano'ng gusto mong gawin ko para sa kanya?"

Huminga nang malalim si Zeph bago deretsong tumitig sa mga mata niya. "Magpanggap kang girlfriend ko."


Zeph COMPLETED (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon