PAGKATAPOS ma-shock ni Ara sa pasabog ni Zeph ay namayani sa loob ng sasakyan ang mahabang katahimikan. Pareho silang nakatutok lang sa harapan ang tingin. Hindi na rin umimik ang lalaki na para bang hinihintay siyang magsalita.
Mayamaya ay napa-exhale ito. "Ara, I know, it's too much—"
"Hindi tamang magsinungaling ka sa Mommy mo, Zeph," agap ni Ara. "Bakit hindi mo na lang sabihin sa kanya na sinusubukan mo nang mag-move on? Na hindi ka na nakikipag-usap kay Tiffany? Hindi natin kailangang magpanggap..."
"Hindi siya maniniwala."
"Bakit?"
"Nasira ko ang pangako ko kay Mommy," kasunod ang paghinga nang malalim. "Sa ginawa ko, hindi na siya naniwala sa akin. Lagi na siyang nagdududa. Ganoon si Mommy pagdating sa promises. Sa maraming taon na nagsama sila ni Dad, wala pang ipinangako si Dad na hindi niya tinupad. Bihira lang siyang mangako kay Mommy, at ang bawat pangako, tinutupad niya. Kaya buong-buo ang tiwala ni Mommy sa salita niya."
Nabanggit nga ni Zeph ang ipingako sa ina na hindi nito natupad, si Tiffany na naman ang dahilan.
"Ara, ganito 'yon—ang gusto kong mangyari, si Mommy ang mag-assume na may relasyon nga tayo. In that way, siya rin mismo ang mag-iisip na okay na ako. Hindi na siya mag-aalala."
Napasandal siya sa upuan. "Hindi ako artista, Zeph. Gustuhin ko mang tulungan ka—"
"Wala ka namang ibang gagawin. Just...let me get close to you. Hindi ka tatakbo 'pag lumapit ako, hindi ka iiwas sa hawak ko, hindi ka papalag o sisigaw 'pag...niyakap kita. Gano'n lang. Okay na tayo."
"At kapag nagtanong siya tungkol sa akin? Sa pamilya ko? O kung paano tayo nagkakilala at kailan naging tayo? Mag-iimbento ako ng sagot? Paano kung tanungin ka rin niya at magkaiba ang sagot natin?"
"Hindi 'yan."
"Sigurado ka?"
"Kilala ko si Mommy. Kung hindi kita ipinakilalang girlfriend, hindi siya magtatanong. Mas magfo-focus siyang obserbahan ang kilos natin. Sa oras na mapansin niyang may kakaiba sa pagitan natin, sa akin siya unang magtatanong—ako na'ng bahala sa mga isasagot ko."
Kung hindi nga naman siya ipapakilalang girlfriend, hindi sila magsisinungaling. Ang gustong mangyari ni Zeph ay paniwalain ang Mommy nito na may relasyon sila. Kikilos sila bilang magkarelasyon nang sa ganoon ay iyon nga ang isipin ng ina ni Zeph
"Kapag nagtanong siya sa 'yo, sabihin mo ang totoo. Hindi mo kailangan mag-imbento ng kasinungalingan."
Hindi pa rin siya nagsalita. Hindi alam ni Ara kung pagbibigyan niya si Zeph o hindi.
"Ready ka na?"
Kinabahan siya lalo. Napahagod ang dalaga sa dibdib. Gusto niyang hampasin si Zeph nang tumawa pa ito pagkatapos siyang pakatitigan.
"Natatakot ka ba?" tila naaliw pa ito na hindi na siya panatag. "Wala akong masamang gagawin, Ara! Kung makahagod ka naman sa dibdib parang..." Ngumisi pa ito. Hindi na tuloy napigil ni Ara ang sarili, hinampas niya si Zeph. Lalong tumawa ang lalaki. Sa huli ay natawa na rin lang siya.
"Nakaka-nerbiyos ang pinaplano mong kalokohan!" singhal niya nang pinausad na nito ang sasakyan. "At nagagawa mo pang tumawa?"
"Ikaw, eh!"
Inirapan niya ang lalaki. "Plano mo 'yan, Zeph. Kapag pumalpak ako 'wag mo akong sisisihin!"
"Hindi ka papalpak," nakatitiyak na sabi nito. "Wala ka namang gagawin kundi kumalma lang, okay na tayo."
Iyon nga ang eksaktong problema. Kaya ba niyang kumalma sa gitna ng pagpapanggap nito? Kaya niyang hindi magpaapekto sa hawak ni Zeph? Maaring oo, pero paano ang yakap? At paano kung masanay siya at madala siya sa drama nila?
Mariin siyang napapikit. At napaungol mayamaya. "Zeph..."
Napadilat si Ara nang biglang tinapakan ni Zeph ang preno ng kotse. Napaayos siya ng upo. "May tumawid ba?" pagtataka niya.
Lumunok si Zeph kasunod ang marahang pag-iling. "Wala...." Bumalik uli ang sasakyan sa lane at mas mabagal na ang takbo nila. "Akala ko lang meron. Sorry."
![](https://img.wattpad.com/cover/55511786-288-k708080.jpg)
BINABASA MO ANG
Zeph COMPLETED (PREVIEW)
RomanceUNEDITED COPY. Nakilala ni Ara si Zephyrus "Zeph" De Villar nang gabing tumakas siya para hindi maging biktima ng white slavery. Dinala siya ng lalaki sa hotel na tinutuluyan nito. Noong una ay hindi niya ito pinagkatiwalaan. Pero nang mga sumunod n...