Ikaw Na Nga Ba?

6.3K 225 1
                                    

"ZEPH, hijo?"

Huminto ang kamay ni Zeph na humahaplos pa rin sa buhok ni Ara kahit mahimbing na ang babae. Hindi na niya namalayan kung gaano katagal na siyang naroon sa silid. Patuloy siya sa paghaplos sa buhok nito at paminsan-minsang lumilipat ang palad niya sa pisngi ni Ara. Ang mga mata niya ay nasa mukha lang ng dalaga sa mahabang sandaling lumipas.

Hindi niya maintindihan ang nararamdamang tila init sa dibdib habang ginagawa niya iyon, habang nakatitig siya kay Ara.

Kanina pa dapat lumabas ng silid si Zeph pero hindi niya napilit ang sarili. Hindi niya namalayan maging ang paglipas ng oras.

"Mommy?" napatingin si Zeph sa wristwatch na suot nang malingunan sa pintuan ang ina. Saka lang niya naalala na hindi nga pala niya nailapat ang pinto. "Midnight na, Mom. Bakit gising ka pa?" umayos siya ng upo, kinumutan si Ara bago umalis sa kama at nilapitan ang ina.

"Ikaw, bakit gising ka pa?" balik ng ina sa kanya pero ang mga mata ay nakatuon kay Ara.

"Gusto mo bang samahan kita sa room mo, Mom?" inakbayan niya ito at payakap na iginiya palabas ng silid. "Lagi mo na lang akong inaaway. Na-miss ko tuloy ang maglambing--"

"Tumigil ka, Zephyrus!" saway ng ina habang palayo sila sa silid ni Ara. "Ganyan na ganyan ka kapag may ginawang kasalanan! Parehong-pareho kayo ng Daddy mo!" nakairap ang ina pero ngiting-ngiti namang tinanggap ang yakap niya.

"C'mon, Mom, bati na tayo, oh? Pinutol ko na nga ang vacation ko, 'di ba? I'm here now. Kayo ang pinili kong samahan."

Nanahimik ito. Ilang segundo ang lumipas bago huminga nang malalim at huminto sa paghakbang. Nasa tapat na sila ng pinto ng silid nito. Hinarap siya ng ina. Mahabang sandaling pinagmasdan ang buong mukha niya.

"Bakit, Mom?"

Ngumiti ito, kasunod ay naramdaman niyang nasa mukha na niya ang kamay palad. Kitang-kita ni Zeph nang mamasa ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya.

Bigla siyang nag-alala. "Mom?"

"I'm just happy, son. Akala ko hindi ko na makikita pa ang dating mga ngiti mo."

"Mommy naman!" aniya sa tonong sinasaway ang pagsisimula nito ng 'drama', "Hahaba na 'yan—no. Tama na. Ayokong makinig. Go to bed, Mom—"

"Zephyrus!" protesta nito pero walang nagawa nang alalayan niya patungo sa kama nito.

Ngumisi siya. "Good night, beautiful." Hinagkan niya ang ina sa noo at kinumutan. Naglakad na si Zeph palabas ng silid.

"I should thank her," mababang sabi ng ina na nagpatigil sa kanya sa tapat ng pinto. "Siya lang pala ang kailangan mo para maging okay ang lahat, Zeph." Marahang nilingon niya ito, napapakunot-noo siya.

"Thank who?"

"Ara."

Hindi napigilan ni Zeph ang pagngiti. Nangyayari na ang gusto niyang mangyari. Iniisip na talaga ng ina na may relasyon sila ni Ara.

Itinuro nito ang dresser. "Tingnan mo ang sarili mo, Zeph," sabi nitong nakangiti. "Makikita mong may nag-iba sa 'yo, son."

Napatingin si Zeph sa salamin. May nag-iba sa kanya? Tinitigan niya ang sariling repleksiyon. May nagbago nga ba sa kanya bukod sa mas guwapo daw siya ayon kay Ara?

Napapangising kumamot siya sa batok. Si Ara ang nakita sa isip. Napailing naman ang ina, alam ni Zeph na ang Daddy niya ang nakikita nito sa kanya tuwing ginagawa niya iyon. "Mas guwapo ba ako ngayon, Mom?"

Napangiti ang ina. "You're falling in love, silly!"

Napatitig siya rito.

Unti-unting nawala ang ngiti.


Zeph COMPLETED (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon