Don't Leave...

7.1K 227 1
                                    

NAPAMAANG si Ara kay Zeph nang hinawakan na lang nito ang balikat niya at matiim siyang tinitigan sa mga mata.

"No," mariing sabi nito. "You'll stay with me. We had a deal, Ara. Pumayag ka, 'di ba? May ilang araw sa usapan natin. Hindi ka puwedeng umalis ngayon."

Napakurap-kurap ang dalaga. "H-Hindi pa naman talaga ako aalis," nagtaka siya sa kilos ni Zeph. "Tatapusin ko ang usapan natin, Zeph."

Tila natauhan naman ang lalaki. Unti-unting lumuwag ang hawak nito sa kanya.

"Good," binitiwan na siya nito. "Akala ko, iiwan mo ako nang ganoon lang."

"Sa sitwasyon namin ngayon ni Ed, mas ligtas kung nakakulong lang ako sa dito sa kuwarto mo. Wala sa mga alipores ni Mami ang mag-iisip na nasa isang ganitong lugar ako. Hindi rin kasi ako puwedeng sumama kay Ed. Mas mahirap kung sabay pa kaming mahuli. Siguradong may mga galamay rin si Mami sa airport."

"Naisip ko pa naman na hindi ka aalis dahil mong samahan ako."

"Kasama na rin 'yon, 'no ka ba?" agap niya agad nang mapansing nawala ang aliwalas ang mukha ni Zeph. "Pati 'yong bayad mo, 'yong therapy seat at iba pang magandang bagay na naranasan ko kasama ka—lahat 'yon, kasama sa dahilan kung bakit hindi kita basta iiwan lang." nginitian niya ito nang magtama ang mga mata nila. "Hihintayin kong mabuo 'yong therapy seat bago kita iiwan, Zeph. Pangako 'yan."

Ilang segundong nakatitig lang ang lalaki sa mga mata niya. Si Ara naman ay parang saglit na nahipnotismo, hindi niya nagawang bawiin ang tingin

Naputol lang ang tila spell na sumakop sa kanila nang mag-ring ang cell phone ni Zeph.

"Si Tiffy," sabi nito matapos sipatin ang gadget.

"Hindi mo pa rin sasagutin?"

"Nagkausap na kami. Nasabi ko na ang dapat kong sabihin—na hindi na ako magde-design para sa kanya kaya 'wag na niya akong tatawagan."

Napatitig siya rito. "N-Nasabi mo 'yon?"

Tumango si Zeph. "Sinabi kong may ibang babae na akong gagawan ng loveseat."

"Ano'ng sabi niya?"

"Tinapos ko na ang tawag."

"Wow! Success!" sumuntok pa siya sa ere. "Kung umaakyat ka sa hagdan, nakadalawang baitang ka na! Ituloy mo lang 'yan!"

Sumandal rin si Zeph sa backrest ng couch at pumikit.

"Ara?"

Nakapikit pa rin ang lalaki nang bumaling siya.

"'Yong sinabi mong iiwan mo lang ako 'pag nabuo ko na ang therapy seat, totoo 'yon?"

"Siyempre! Kailangan ko ang bayad mo, eh."

"Seryosong sagot."

Saglit na natahimik ang dalaga, napatitig lang sa mukha ni Zeph.

"Totoo. Gusto kong may magawa rin ako para sa 'yo bago tayo maghiwalay."

Katahimikan.

"Aalis na ako sa mga susunod na oras. Sasama ka ba?"

Napatuwid siya ng upo, dalawang beses na napalunok. "A-Aalis ka na dito? Ngayon na agad? Pero...bakit...teka, akala ko ten days ang vacation mo? Bakit aalis ka na?" Saan na siya pupunta kapag umalis si Zeph? Bakit ngayon pang hindi siya basta-basta makakauwi sa kanila? Kung magpapasundo siya kay Edgar ay mas malaki ang chance na mapahamak silang pareho.

"Mag-iiba lang ako ng lugar," sagot ni Zeph. " 'Yon ang iniisip ko kanina pa pagkatapos naming mag-usap ni Dad. May ginawa kasi si Mommy..."

"Ano'ng ginawa ng Mommy mo?"

"Hindi talaga siya naniniwalang hindi kami magkikita ni Tiffy. Umalis siya ng Cebu para magpunta sa rest house ng kapatid ni Dad." tila nahihirapang napahagod ito sa batok. "Alam ni Mommy na tatawagan ako ni Dad para utusang sundan siya at samahan. Pareho kaming hindi pabor ni Dad na nagbabakasyon mag-isa si Mommy. Diabetic 'yon. May mga pagkakataon na nahihilo siya at nanghihina. Hindi siya dapat nag-iisa."

"Teka, sandali lang. Medyo nalito ako," nasabi ni Ara. "'Asan si Tiffany at ang Mommy mo?"

"Paluwas ng Manila si Tiffy. Iniisip ni Mommy na ako ang pupuntahan niya kaya umalis rin siya kahit hindi pumayag si Dad."

"Saan nagpunta?"

"Sa lugar na pupuntahan natin kung sasama ka pa rin sa akin. Kailangan kong sundan si Mommy sa rest house nina Tito Zer."

"S-Saan ang rest house ng Tito mo?"

"Pulosa."

"Pulosa?"

"Five hours away from Manila. Tahimik na bayan 'yon na mas pinupuntahan ng mga religious people tuwing Holy Week. Kung may prayer mountain na pinupuntahan ang mga naghahanap ng tahimik na lugar para manalangin, ang Pulosa naman ang parang prayer town."

"Talaga? May ganoong lugar na malapit sa Maynila?"

Tumango si Zeph. "Sasamahan mo pa rin ba ako?"

Ilang segundong tinitigan lang ni Ara ang lalaki, gusto niyang mabasa sa mga mata nito kung gusto pa rin ba nitong makasama siya.

"Gusto mo bang sumama ako? Ano'ng sasabihin mo sa Mommy mo? Gusto niyang ilayo ka kay Tiffany 'tapos bubulaga ka do'n na may kasamang babaeng binabayaran mo para samahan ka? Baka maatake sa puso sa shock ang Mommy mo, Zeph—"

"Hindi mangyayari iyon," putol nito. "On the contrary, mas mapapanatag siya."

"Mas mapapanatag?" napapailing na ulit niya. May ina bang mapapanatag matapos malamang nagtatapon ng pera ang anak para samahan lang ng isang babaeng ni hindi nito talaga kilala?

"Trust me, Ara."

Napatango na lang siya. "Ngayon pa ba kita hindi pagkakatiwalaan?" ang nasabi na lang niya. Parang sinasadya naman ng pakakataon na gusto niya ang lugar ang pupuntahan nila. "Sige, sasama ako, Zeph."

Nagliwanag ang mukha nito. Sa pagkagulat ni Ara ay bigla na lang nitong hinila ang braso niya. Yakap na siya nito nang mahigpit bago pa man nakahuma ang dalaga.

"Thank you," anas nito. "Thank you, Ara. Hindi ko alam kung paano ko tatapusin ang therapy seat kung wala ka na kaya 'wag mo muna akong iwan."

Hinigpitan pa ni Zeph ang yakap. Natagpuan ni Ara ang sarili na pumikit at nagpaubaya.


Zeph COMPLETED (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon