"YOU'RE DOING it again," sabi ni Zeph at itinigil ang pagguhit pero hindi bumaling kay Ara. Abala ang lalaki sa pagdo-drawing samantalang siya ay nasa couch at paulit-ulit na sinusulyapan ito. Hindi niya mapigilan ang sarili. Iniisip ni Ara kung brokenhearted nga ang lalaki gaya ng kutob niya. "Tinititigan mo na naman ako, Ara."
Kaswal na binawi niya ang tingin. Gustong-gusto niyang magtanong kay Zeph ng personal pero pinigil ni Ara ang sarili.
"Gusto kong isipin na obvious na miserable ang pakiramdam ko at naaawa ka sa akin kaya mo ginagawa 'yan."
Tipid na ngumiti si Ara. "Iniisip ko lang kung totoo ang kutob kong brokenhearted ka, kasi kung totoo iyon, nabo-broken din pala ang puso ng mga gaya mo?"
"What do you mean by 'mga gaya ko'?"
"Gaya mong guwapo, maganda ang katawan, mabango—at mabait." Tapat niyang sagot. Ang talagang nais ni Ara ay pagaanin ang pakiramdam ni Zeph. Natuwa siya nang bumaling ito sa kanya at ngumiti, umabot sa mga mata nito ang ngiting iyon.
"Thank you."
Ibinalik ni Zeph sa ginagawa ang atensiyon. Naging abala na ang lalaki nang mga sumunod na sandali.
Bago lumapit si Ara kay Zeph kanina ay natawagan na niya si Edgar gamit ang cell phone—cell phone ni Zeph. Abot-abot na pala ang pag-aalala ng kaibigan niya dahil maling Taxi nga ang nasakyan ng dalaga. Namuti raw ang mga mata ng driver ng Taxi na kinausap ni Edgar sa kakahintay sa kanya. Naawa siya nang sabihin ni Edgar na halos forty eight hours na raw na walang tulog ito at naghihintay ng tawag niya matapos i-text ng driver na hindi siya dumating. Sinabi ni Ara na ligtas siya pero tulad nang napag-usapan nila ni Zeph, hindi niya sinabi kung nasaan siya. Napanatag naman agad si Edgar. Sapat na raw na malaman nitong maayos ang kalagayan niya. Paulit-ulit siyang nagpasalamat.
Pagkatapos ng tawag ay naupo si Ara sa couch at kay Zeph na naging abala ang mga mata niya. Hinuhulaan na dalaga ang problema nito na maaring dahilan kung bakit nagtatapon ng twenty thousand para lang may makausap.
"Ara?"
Napakurap ang dalaga.
"Ano'ng iniisip mo tungkol sa akin except sa guwapo ako?" Itinuloy ni Zeph ang pagguhit, napapangiti.
"Wala na. 'Yong issue lang talaga ng puso mo at 'yong pagiging guwapo mo. Akala ko kasi heartbreaker ang mga guwapo, eh."
Naging buo ang ngiti ni Zeph. "Matulog ka na lang. Nadi-distract ako sa titig mo."
Magaang tumawa si Ara. Nahiga nga siya sa couch at pinilit na huwag nang titigan si Zeph. Nakatulog na siya nang mga sumunod na sandali.
Papadilim na nang magising si Ara. Tahimik ang buong silid. Kaagad hinanap ng mga mata niya si Zeph na natagpuan niyang nasa isang bahagi ng silid, nakatanaw sa labas. Tahimik na nagmamasid ang lalaki sa papadilim na kapaligiran.
Napatitig na naman siya rito.
Bakit ba parang ang lungkot-lungkot ni Zeph?
Naramdaman yata nito ang titig niya, lumingon ang lalaki. Naudlot saglit ang paghinga ni Ara nang marahang ngumiti si Zeph matapos magtama ang mga mata nila.
Nag-aya na ito na bumaba sila para sa dinner.
BINABASA MO ANG
Zeph COMPLETED (PREVIEW)
RomanceUNEDITED COPY. Nakilala ni Ara si Zephyrus "Zeph" De Villar nang gabing tumakas siya para hindi maging biktima ng white slavery. Dinala siya ng lalaki sa hotel na tinutuluyan nito. Noong una ay hindi niya ito pinagkatiwalaan. Pero nang mga sumunod n...
