Nakakakabang Offer

7.5K 247 6
                                    

HINDI natuloy ang sana ay pag-alis ni Ara nang araw na iyon.

Ang dahilan: May kakatwang proposisyon si Zeph na sa umpisa ay ikinataas ng kilay ng dalaga pero nang isa-isahin nito ang advantages sa panig niya ay napaisip si Ara.

"Twenty thousand para samahan ka ng...ng ten days?" ulit ni Ara. Hindi niya alam kung matatawa siya o maiinis. "Zeph, uulitin ko lang, ha? Hindi ako bayarang babae. Hindi ako tatakas sa Neon kung pabor ako sa mga ganyang alok."

"I'm not gonna pay you for sex."

Umangat lalo ang mga kilay niya. "Eh, ano pala ang babayaran mo?"

"Time. Your time."

"Time?" susog niya uli. "Dalawang libo sa isang araw? Ang mahal, ha? Mas mataas sa minimum wage. Para saan? Ano'ng gusto mong gawin ko habang magkasama tayo?" Natutukso si Ara sa alok dahil kailangan niya ng halagang maiuuwi sa pamilya. Pero kung isang kapahamakan na naman ang pinapasok niyang iyon ay may gusto na ng dalaga na umuwing wala ni isang gamit.

"Sasamahan mo lang ako—sa pagkain, sa paglilibot, sa kung saan man na pupuntahan ko kapag gusto kong lumabas dito—at mag-uusap tayo. 'Yon lang, Ara."

"Ganoon lang? Babayaran mo ako ng dalawampung libo para lang kausapin ka?"

"Ganoon lang."

"Nagtatapon ka ba ng pera o may binabalak kang masama sa akin?" Prangkang tanong ni Ara. Nakakagulat ang alok ni Zeph kaya hindi na rin niya pinigilan ang dila. "Kahit duda ako na pagnanasaan ako ng isang tulad mo, alam kong maganda rin naman ang katawan at mukha ko kaya hindi imposibleng—"

"Wala sa dalawa." putol ni Zeph.

"Eh, ano nga?"

Huminga ito nang malalim. "Kailangan ko lang ng kasama."

"B-Bakit ako? Puwede ka namang magbayad ng...ng mga babaeng—ano, 'yong talagang bayaran. M-Magagawa n'yo pa ang kahit ano. Sayang naman ang twenty thousand mo sa sampung araw kung tititigan mo lang ako. Lugi ka, Zeph."

"Kung sex ang kailangan ko, Ara, kaya kong magdala rito ng pinakamagandang babae pa—nang hindi ko kailangang magbayad."

Napaisip si Ara. Sa hitsura nga ni Zeph ay hindi ito mahihirapang makuha ang kahit na sinong babae. Pero bakit siya ang inaalok na maging 'kasama' ng sampung araw?

"Alam mo, Zeph, aaminin kong kailangan ko ng pera para sa pamilya ko at malaking tukso ang alok mo. Kaya lang..." huminga siya nang malalim at sinalubong ang tingin ng lalaki. Wala sa loob na umangat sa dibdib ang kamay niya, sa pendant ng kanyang kuwintas. Hindi na namamalayan ni Ara na ginagawa na rin niya iyon sa mga pagkakataong nalilito siya.

"Nahihirapan kang maniwala na wala akong gagawin sa 'yo?" si Zeph, bumaba sa kamay niya na nasa dibdib ang tingin nito.

Hindi umimik si Ara.

"Kailangan mo ng witness?" inilapit nito ang sarili at naramdaman niya ang init ng palad nito sa likod ng kamay niya. "Ang pendant na 'to na lagi mong hinahawakan, puwede na bang witness?" Wala sa loob na niyuko niya ang kamay ni Zeph. Hindi naman nito hawak ang ang crucifix pendant dahil siya ang may hawak niyon. Ang kamay niya ang hawak ng lalaki. "Trust me," sabi pa ni Zeph. "Ligtas ka rito. Ligtas kang kasama ako."

Napatitig siya rito, napakurap-kurap at napaawang ang mga labi. Kung pagbabasehan niya ang damdamin sa mga mata ni Zeph, wala siyang dapat ikatakot. Pero hindi siya dapat nagtitiwala sa isang estranghero...

"Ten days, Ara."

Halos tulala na si Ara sa harap ni Zeph.


Zeph COMPLETED (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon