PILIT na itinaboy ni Ara ang hindi normal na reaksiyon ng puso niya sa titig ni Zeph. Kakaiba na naman ang pintig sa kanyang dibdib. Dumating ang lalaki mag-aala-una na ng hapon, bitbit ang mga damit at underwear na ready to wear na raw ayon dito.
Hindi napigilan ng dalaga ang pag-iinit ng mukha. Lalo siyang naging hindi komportable nang hagurin ng tingin ni Zeph ang katawan niya—suot niya ang isa sa mga long sleeves shirt na iniwan nito bago umalis.
Ngumiti si Zeph, huling inabot sa kanya ang plastic ng toiletries.
"Gutom ka na ba? Medyo natagalan ako sa labas. May ilang bagay pa kasi akong inasikaso. Parating na ang late lunch natin."
"Okay lang ako, Zeph. Salamat..."
"Mas gusto ko 'yang suot mo ngayon kaysa 'yong kagabi," kaswal na sabi nito. "Paborito kong shirt 'yan. Bagay pala sa 'yo?"
Nag-init lalo ang mukha niya sa titig nito.
"Masyado na kitang naabala," nasambit ni Ara. "Pasensiya ka na..."
"Gusto ko nga na may nang-aabala sa akin," sabi ni Zeph at lumipat sa mga mata niya ang titig. "Napapaligiran ako ng tao madalas pero..." huminto ito at huminga ng malalim.
Tumingin lang siya rito, naghintay sa susunod na sasabihin ng lalaki.
"Alam mo ba 'yong pakiramdam na..." hindi na naman itinuloy ni Zeph ang sinasabi. Sa halip ay idinugtong ang: "Never mind." Ibinagsak nito ang sarili sa kama na para bang pagod na pagod.
Natahimik na sila pareho.
Bumangon rin si Zeph nang dumating ang pagkain nila mayamaya. "Mag-lunch ka na," baling nito sa kanya pagka-alis ng naghatid ng pagkain nila. Bumalik ang lalaki sa kama at nahiga. "Hindi ko na kaya ang antok."
Ilang minuto lang ang lumipas ay nakatulog na nga si Zeph. Sa halip na kumain ay natukso si Ara na titigan ang natutulog na anyo nito. Si Zeph ang unang lalaking 'ninakawan' niya ng titig. At hindi siya magdadalawang isip na ulit-ulitin ang pagtitig rito kapag nagkaroon uli siya ng pagkakataon. Masarap titigan ang mukha nito...
Hinarap na ni Ara ang lunch niya habang libre pa. Paggising ni Zeph, magpapalam na talaga siya. Kailangan na niyang umuwi ng Calabanga. Kapag nasa kalinga na siya ng pamilya ay saka na lang niya tatawagan si Edgar. Mas importanteng makaalis na muna siya ng Maynila. Makuha man ni Edgar o hindi ang mga importanteng gamit niya ay hindi na mahalaga. Mas mahalagang ligtas siyang makabalik sa pamilya.
Pagkatapos kumain ay bumalik rin si Ara sa puwesto niya silid—ang couch kung saan siya nakapagpahinga.
Siguro dahil sa katahimikan at sa masarap na lamig sa silid, nakatulog na naman si Ara. Paggising ng dalaga ay nagisnan niya si Zeph na nakasandal sa headboard ng kama, basa pa ang buhok, naka-boxers lang at walang damit pang itaas habang abala sa kung anumang ginuguhit nito sa hawak na sketch pad.
Marahang bumangon si Ara. "Zeph?"
"Yeah?" nakatutok ang buong atensiyon nito sa ginagawa, hindi humihinto ang kamay sa paggalaw.
Ang dapat ay magpapaalam na ang dalaga pero iba ang lumabas sa bibig niya. "Ano'ng ginagawa mo?"
Awtomatiko ang pagtigil ng kamay ni Zeph. Nag-angat ito ng mukha at marahang ngumiti nang magtama ang mga mata nila. Inabot ng lalaki ang robe at isinuot iyon. Pagkatapos ay sumenyas ito na lumapit siya. Tumalima ang dalaga. Hindi niya inaasahan ang sumunod na ginawa ni Zeph nang magkatabi na sila—ipinakita sa kanya ang sketch pad.
"Upuan ba 'yan o mesa?" curious niyang tanong matapos makita ng drawing nito. Sa tingin niya ay glass ang ibabaw pero ang stand ay tila alon sa dagat ang shape. Wala pa siyang nakitang ganoon na mesa o kahit upuan. "Kakaiba, ah?"
BINABASA MO ANG
Zeph COMPLETED (PREVIEW)
RomanceUNEDITED COPY. Nakilala ni Ara si Zephyrus "Zeph" De Villar nang gabing tumakas siya para hindi maging biktima ng white slavery. Dinala siya ng lalaki sa hotel na tinutuluyan nito. Noong una ay hindi niya ito pinagkatiwalaan. Pero nang mga sumunod n...
