HINDI niya kilala ang babae kaya hindi maintindihan ni Zeph kung bakit apektado siya sa nakitang pagyugyog ng mga balikat nito matapos sumubsob sa nakasarang pinto ng simbahan.
Dapat ba siyang matuwa sa kapalaran niya nang gabing iyon?
Napailing si Zeph, mayamaya ay napahagod sa batok.
Unang gabi niya sa Maynila. Pagkagaling niya ng airport kaninang hapon, iniwan lang niya ang gamit sa hotel at tumuloy siya sa bahay ng kaibigang si Ferdz. Napahaba ang kuwentuhan, inabot na siya ng hatinggabi sa bahay nito. Sapilitang ipinagamit sa kanya ng kaibigan ang kotse para mapaniwala ang ex-gilfriend turned stalker na wala ito sa Maynila at ibang tao ang gumagamit ng sasakyan. Natawa na lang si Zeph nang sabihin ni Ferdz na nasa talyer pala ang sasakyang tinutukoy nito—sa kagagawan ng ex-gilfriend na pinag-uusapan nila—kaya gamitin na lang daw muna niya ang isa sa mga taxi na pag-aari nito. Ipapakuha na lang ni Ferdz ang Taxi sa driver pagkahatid sa kanya sa hotel. Gusto niyang mag-drive kaya tumanggi siyang magpahatid. Nagbigay na lang siya ng oras para makuha ng driver ang Taxi pagkahatid niya ng iba pang gamit na kailangan niyang bilhin bago bumalik sa hotel.
Dumaan si Zeph sa drug store para bumili ng food supplements na hindi niya naisama sa mga gamit. Salamat na lang at bukas ng twenty-four hours ang drug store na iyon na nadaanan niya.
Nagulat pa siya nang hindi pa man nakakalabas ng sasakyan ay nagmamadaling pumasok ang babaeng naging 'pasahero' niya. Hindi na nasabi ni Zeph na hindi for hire ang taxi nang makita niya ang panic sa kilos ng babae. Nanginginig rin ang mga kamay nito habang hindi mapakali sa puwesto. Lingon ng lingon na para bang hinahabol ng masamang loob. Natagpuan na lang niya ang sariling pinagbibigyan ang pakiusap ng babae na lumayo na sila. Hindi nito kailangan ulitin ang sinabi para malaman niyang may tinatakasan. At sa anyo ng babae, may kutob siyang lalaki iyon na nagtangkang gawan ito ng masama.
Hindi inaasahan ni Zeph na simbahan ang sasabihin nitong destinasyon—wala sa ayos ng babae kung huhusgahan niya ito base sa pisikal na anyo. Ang kutob niya ay hindi ito ligtas sa pinakamalapit na simbahan kaya dinala niya ito sa simbahang iyon—malayo na sa lugar na pinanggalingan nila.
Hindi inalis ni Zeph ang tingin sa babae.
Fifteen minutes later, inayos na nito ang pagkakatayo. Nakatalikod ang babae sa direksiyon ni Zeph pero nakita niya ang pag-angat ng kamay nito para tuyuin ang mga luha. Hindi niya napigilang lihim na humanga rito nang huminga ito nang malalim, tumuwid ang mga balikat at itinaas ang mukha—na para bang nais sabihin sa mundo na kaya na nitong harapin uli ang buhay.
Humarap ang babae sa direksiyon niya. Huminga ulit nang malalim, tumingala at nagbuga ng hangin. Magaan na ang mga hakbang nito pabalik sa taxi. Mugto man ang mga mata ay maaliwalas na ang mukha ng babae.
Tough babe, sa isip niya habang nakasunod ang tingin sa bawat paghakbang nito. Hindi siya naging interesado sa kahit kaninong babae dati. Isang babae lang ang nakikita niya hanggang nang mga sandaling iyon—si Tiffany lang. Ngunit may kung ano sa babaeng ito na humahatak ng interes niya.
Gusto niyang malaman ang dahilan ng takot nito. Gusto niyang malaman ang nagpapabigat sa dibdib ng babae para umiyak nang ganoon na lang. Gusto niyang mas kilalanin ito.
Pumasok ang babae sa backseat at tahimik na naupo.
"Saan tayo ngayon?" tanong ni Zeph.
"Sa...sa ligtas na lugar na puwede kong tuluyan, Manong. Wala ba'ng nabanggit si Ed sa inyo—" hindi na nito naituloy ang pangungsap matapos mag-angat ng mukha at mapagmasdan siya. Pinigilan niyang mapangiti nang umawang ang mga labi nito. Rumehistro rin sa mga mata ang gulat na para bang hindi makapaniwala sa nakikita.
Huling-huli ni Zeph ang paglunok ng babae. Hindi na niya napansin ang huling sinabi nito. Naaliw siya sa reaksiyon ng babae sa kanya.
Sa kabila ng suot nito, sa palagay ni Zeph ay hindi ito isa sa mga babaeng nababagay sa kalye sa kalaliman ng gabi. Itutuloy niya ang unang naisip kanina.
Dinaanan niya ng tingin ang simbahang iniwan nila.
Nakamasid nga siguro ang Diyos nang mga sandaling iyon kaya sa taxi niya sumakay ang babae. Hindi nga niya ito pababayaan na lang basta pagkatapos ng mga nakita niya.
"Sa ligtas na lugar. Miss."
BINABASA MO ANG
Zeph COMPLETED (PREVIEW)
RomanceUNEDITED COPY. Nakilala ni Ara si Zephyrus "Zeph" De Villar nang gabing tumakas siya para hindi maging biktima ng white slavery. Dinala siya ng lalaki sa hotel na tinutuluyan nito. Noong una ay hindi niya ito pinagkatiwalaan. Pero nang mga sumunod n...