Text Messages

6.7K 218 1
                                    

ILANG oras nang hindi mapakali si Ara. Nasa couch siya, nakataas ang mga binti at kinakagat-kagat ang mga daliri sa kamay. Hindi niya mapigilang mag-alala lalo na nang out of coverage area na ang numero ni Edgar.

Gudam. Ed ito, kaibigan ni Ara. Nagbabaka-sakali lang na umabot pa sa kanya message ko. Sana hindi pa siya nakaalis. May mga tao si Mami na nag-aabang sa mga terminal ng bus. Hindi siya ligtas kung uuwi siya. Naghihinala na silang may kinalaman ako sa pagtakas niya kaya kinailangan ko na ring umalis sa Club. Hindi na ako ligtas. Tawagan niya ko agad. Salamat.

Pabalik-balik sa isip niya ang  ng text message ni Edgar. Naalala niya ang eksena kaninang madaling-araw...

"Z-Zeph?" nausal ni Ara nang magisnan niya ang lalaki sa posisyong parang yayakapin siya.

Niyuko siya nito. Saglit na nagtama ang mga mata nila bago ngumiti si Zeph. Hindi niya namalayang sa kama na naman siya nakatulog.

Napakurap siya nang magaan nitong pisilin ang kanyang pisngi. "Inabot ko lang 'yong cell phone ko," nginitian siya nito. "Don't scream, okay? I didn't do anything, Ara."

"H-Hindi naman ako sisigaw," napangiti na rin siya. Nagtitiwala na siya rito kaya wala nang kaso sa kanya ang posisyon nila. Kinikilig pa nga siya. "'Wag mo nga akong titigan," wala sa loob na nasabi niya nang mapansing hindi inaalis ni Zeph ang titig sa kanya. Napapahiyang nilinis niya ang mukha. Dumi yata ang tinititigan nito.

Inabot ni Zeph ang cell phone sa kanya. "Read it. Sent a while ago, about four forty five..."

Ang message ni Edgar ang tinutukoy ni Zeph. Kaagad na tinawagan niya ang numero magliliwanag kanina pero out of coverage area iyon. Nag-aalala siya. Hindi maaring mapahamak ang kaibigan dahil sa kanya. Sa pag-alis nito sa Club ay kinumpirma lang ni Edgar ang hinala ng mga tao roon na may kinalaman nga ito sa pagtakas niya. Kailangan na rin magtago ng kaibigan bago pa mahuli ng mga galamay ni Mami na siguradong hindi palalampasin iyon.

May tumawag kay Zeph. Mahabang sandaling nakipag-usap ang lalaki at nang bumalik sa silid para iabot sa kanya ang cell phone ay nahalata ni Ara na mukhang gaya niya ay may iniisip rin ito. Sinubukan ng dalagang tawagan muli si Edgar habang si Zeph ay umupo-tumayo, at nagpalakad-lakad pa sa silid. Sa hula niya ay may sarili rin na problema.

Sinubukan niya uli na tawagan si Edgar. Nakahinga siya nang maluwag nang mag-ring na ang kabilang linya subalit wala namang sumagot. Inulit ni Ara ang tawag. Sa ikatlong subok ay may tumanggap na ng tawag niya.

Nabosesan ni Ara ang kaibigan. Paos ito at mukhang kakagising lang.

"Ed? Ako 'to..."

"Ara?" bulalas nito, sa boses ay tila tuluyang nagising pagkarinig sa boses niya. "Ikaw 'yan? Kumusta ka na? Okay ka ba? 'Asan ka ngayon?" sunod-sunod ang tanong ni Edgar, nasa boses ang pag-aalala.

"Ligtas ako, 'wag kang mag-alala. Nasa Maynila pa rin ako. Ikaw? Mag-iingat ka, ha? Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag napahamak ka dahil sa ginawa mong pagtulong sa akin."

"Kaya ko ang sarili ko, 'wag mo akong alalahanin. Sanay ako sa ganitong buhay na patago-tago at laging may tinatakasan. Ikaw ang inaalala ko. Hindi ka sanay sa gulo ng Maynila. Salamat na lang at hindi mo pa naisip magbiyahe pauwi sa atin. Kung nagkataon, baka nabalewala lang ang pagtakas mo."

"Malakas ako sa 'taas," aniyang pinagaan na lang ang usapan para hindi na mag-alala pa ang kaibigan. "Hindi Niya ako pababayaan kaya huwag ka nang mag-alala sa akin. Ang kaligtasan mo na lang ang isipin mo, Ed."

"May pera ka pa ba? Hindi sapat ang binigay ko kung magtatagal ka pa rito. Magkita tayo. Dito ka na sa lugar ko—"

"Ako na'ng bahala sa sarili ko," putol niya. "Mas malakas ako kaysa sa akala mo kaya kakayanin ko ito, Ed. Sobra-sobra na ang naitulong mo sa akin, tama na iyon. Iisipin mo pa ako kapag magkasama tayo. Isa pa, mas magandang magkahiwalay tayo para kapag minalas ang isa sa atin at nahuli ng alipores ni Mami, may isa pang magliligtas. Mas mahirap kung sabay tayong mahuhuli."

"Pero, Ara—"

"Kaya ko na 'to, Ed. Mabuti pa, isipin mo kung paano natin wawasakin ang putikang iyon. Tutal umalis ka na, bakit hindi pa natin i-tip sa awtoridad ang tungkol sa Neon place? Na front lang nila ang Music 'N Lights? Na maraming menor de edad ang nakakulong do'n? Para naman makalaya na ang mga menor na nakakulong sa Neon at hindi gusto ang ginagawa."

"Ilan na rin ang nagtangka pero may kapit si Mami, Ara. May nagti-tip sa kanya kaya bago pa man dumating ang mga parak, malinis na ang lugar." huminga ito nang malalim. "Pero kay Mila, may plano ako. Sigurado akong marami pa siyang mabibiktimang tulad mo kaya kailangan maputol na ang raket niya."

"Sige, kung anuman ang plano mong 'yan, mag-iingat ka. Magkita tayo sa sa 'tin 'pag okay na ang lahat."

"Oo naman, tulad ng pangako ko. Teka, puwede ba kitang tawagan sa number na 'to? Kanino nga pala ang cell phone na gamit mo? Siya ba ang kasama mo?"

"Sa isang kaibigan, hiniram ko lang. Ako na lang ang tatawag sa 'yo, Ed."

"Kaibigan? Sino siya? Wala ka naming kakilala sa Maynila, Ara—"

"Good Samaritan," putol niya. "Driver ng maling Taxi na nasakyan ko, Ed." Nag-angat si Ara ng tingin nang maramdamang naupo sa tabi niya si Zeph.

"Sigurado ka bang ligtas kang kasama 'yan? Susunduin kita anumang oras, Ara. Sabihin mo lang—"

"Ligtas ako, Ed," agap ni Ara. "Salamat sa pag-aalala at sa lahat ng tulong mo. Huwag mo na akong isipin. Galingan mo ang pagtatago. Hindi kita mapapatawad kapag napahamak ka!"

Narinig niyang tumawa nang magaan si Edgar.

"Ako pa! Wala ito. Ikaw nga ang inaalala ko pero dahil sinabi mo 'yan, mapapanatag na ako. Tumawag ka 'pag kailangan mo ng tulong."

"Gagawin ko 'yan."

"Sige. Ako na'ng bahala kay Mila. Mag-iingat ka. Huwag kang basta magtitiwala sa mga taong nakikilala mo, Ara."

"Tatandaan ko, 'yan. Salamat." Tinapos na niya ang tawag. Sumandal siya sa puwesto at huminga nang malalim. Inabot niya kay Zeph ang gadget. "Salamat." At mariin niyang ipinikit ang mga mata niya. "Hulog ka talaga ng langit, Zeph. Tama lang pala na tinanggap ko ang alok mo. Kung hindi ko ginawa 'yon, baka nahuli na ako ng mga alipores ni Mami sa terminal ng bus." Ang balak naman talaga niya ay sumakay ng bus pauwi ng Camarines Sur kinabukasan pero dahil sa alok ni Zeph ay hindi siya natuloy—at iyon ang nagligtas sa kanya. May dahilan nga siguro ang lahat ng nangyayari sa buhay ng bawat tao. Nahulog man siya sa isang masamang sitwasyon sa loob ng isang linggo ay nakalaya rin siya nang ligtas. Maituturing na isang blessing ang aksidenteng pagtatagpo nila ni Zeph.

Ngumiti lang si Zeph bilang tugon. "How is he? Ligtas rin ba siya?" si Edgar ang tinutukoy nito.

Tumango si Ara. "Gusto nga niyang sunduin na lang ako."


Zeph COMPLETED (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon