NASA residential area ang bahay na pakay nila. Residential pero wala sa town proper. Nasa liblib ng bayan ang baranggay na kinaroroonan. Walang ilaw ang mga poste kaya alas-otso pa lang ng gabi, akala mo ay hatinggabi na. Wala nang taong gumagala, mga aso at pusang gala na lang ang nasa kalsada. Ginabi na sila dahil namili pa sila ng iba pang kailangan ng sanggol.
Bungalow ang bahay, mataas ang nakapalibot na bakod, itim ang gate. Maluwang ang bakuran na maliban sa patse-patseng damong ligaw at carabao grass ay wala nang ibang halaman na nakatanim.
Pinagbuksan sila ng isang manong na mukhang walking dead. Sobrang payat, hukot ang likod, dilat na dilat ang mga mata, wala nang ngipin, violet ang labi. Tahimik lang silang pinatuloy matapos sabihin ni Dylan na sila ang mga bisitang ibinilin ni Martin, may-ari ng bahay. Nasa Masbate raw iyon. Doc without borders ang peg.
Amoy alimuom ang bahay. Halatang hindi bunubuksan ang mga bintana at laging madilim. Walang kalat pero maalikabok ang mga surface. Matapos silang samahan ng Walking Dead sa loob at buksan ang mga ilaw para sa kanila, lumabas na iyon sa backdoor. Ikinandado agad ni Bambi ang pintuan.
"Takot ka?" Biro ni Dylan.
"Mukhang hindi na alam ni Manong ang ibig sabihin ng 'hulas'." Aniya. "Ito ba si Doc Martin?" Turo niya sa portrait sa itaas ng consul table, nasa isang bisig niya ang sanggol. Tulog. Solved sa dodo. "Parang boots lang ang name." Komento pa niya.
"Senior 'yan." Sagot ni Dylan. "Si Doc Martin Senior."
Mukhang importante si Doc Martin Sr. Aristocratic ang tabas ng noo at ilong.
"Family sila ng mga duktor?"
"Oo. Mommy n'ya duktor rin. OB-Gyne. Isa lang s'yang anak. May ospital sila dito dati, pero nung mamatay na ang parents ni Pareng Mar, binenta n'ya lahat ng shares. Mas gusto n'yang tulungan 'yung mga walang-wala talagang access sa mga ospital o clinics."
"Bait naman n'ya. Paano kayo nagkakilala?"
"Sa marathon, mahilig tumakbo 'yun. May fundraising sila noon. We got along. There was a glitch on their website that time, I offered to help. 'Yon." Binuksan ni Dylan ang pinto na nasa kaliwang dulo ng sofa, tapat ng consul table, "Ito yata ang master's bedroom. Dito na lang kayo." Binuksan nito ang ilaw doon at pumasok.
Sumunod si Bambi. Ngawit na ang braso niya sa totoo lang. "Pwede ko na siguro itong ibaba." Tukoy niya sa sanggol. Maingat niya itong ibinaba sa kama na animo pang-hari. Ang laki, ang tataba ng mga paang kahoy at may mga ukit. Animo korona ang headboard.
Biglang kumalampag ang air con na binuksan pala nI Dylan. Umiyak ang sanggol.
"Aba, tingnan mo nga naman, may lakas ka na!" Bulalas ni Bambi. "May lung power ka na!" Tinapik-tapik niya ang hita ng baby, "Shhhh, quiet." Saglit lang naman ang kalampag ng AC, nauwi na iyon sa medyo maingay pa rin na hum. "Timpla ka na ulit ng gatas." Utos niya kay Dylan. "Lilinisan ko at bibihisan."
"Marunong ka."
"May pamangkin ako at nuknukan ng selan ang ate ko, natuto ako sa ayaw ko at sa gusto. Salin ka rin ng water sa maliit na bowl, ha."
Lumabas ng silid ang lalaki. Pagbalik, dala lahat ang kailangan niya, "Hindi ko na pinatakan ng Tiki-Tiki ang gatas, ha." Anito.
"Very good." Ibinigay niya ang dodo sa sanggol. Hindi pa iyon marunung humawak ng bote, "Pakihawakan." Aniya kay Dylan. Naupo ito sa bandang uluhan ng sanggol. Sinimulan na niyang punasan ng bulak na binasa sa Wilkins ang mukha ng bata. "Ano ipapangalan natin? Wala bang note dun sa kahon?"