Untitled Part 17

2.7K 101 6
                                    


SURE ka talaga, 'nay?" Nakangiwi si Bambi kahit naipadala na niya ang private message kay Dylan.

"Oo. Payo nga 'yan ng lola sa mga nanay at t'yahin ko kung may kursunada sa lalaki pero nagkakahiyaan. Inuutusan sila ng lola na pumunta sa bahay ng lalaki at manghiram ng kahit ano'ng gamit--kayuran ng n'yog, almires--o, 'di nga naman ay nagkakausap." Ulit na lang ni Aling Amor sa nauna nang paliwanag.

Makulit lang si Bambi dahil wala siyang maisip na hiramin kay Dylan na hindi niya basta-basta makukuha sa ibang paraan. Alangan namang manghiram siya ng kayuran ng n'yog? O rice ccoker?

Si Aling Amor ang nag-suggest na kotse na lang ang hiramin ni Bambi, tutal noon daw unang panahon ay paragos ang hinihiram ng mga magkakabaryo sa isa't isa.

"Pag ho tinanong bakit ko hinihiram?" Hindi pa niya sinabi kay Dylan ang rason. Payo rin ng kanyang nanay. Pag sinabi daw agad niya, de wala na silang pag-uusapan masyado. Isa pa, mainam na paraan daw iyon para isipin siya ni Dylan. Magtataka iyon. De natural, magtatanong.

"Kamo ay may lakad ka, hindi mo mahiram ang oto ng ate mo dahil galit pa sa 'yo. Sus, ke dali nun."

"E, hindi ho ba pwede naman akong umarkila na lang?"

"Nagtitipid ka 'kamo."

Napakamot si Bambi sa batok, "Saan ho ang lakad ko?"

"Pati ba naman 'yan, iisipin ko pa? Tsaka, importante pa ba? Mag-imbento ka na. Ang mahalaga lang naman, magkausap ulit kayo, mapakiramdaman mo kung iniiwasan ka na n'ya talaga o tinuturing ka pa rin n'yang kaibigan."

Sumagot si Dylan: SURE. WHY?

Napangisi si Bambi sa ina, "'pektib, 'nay. Sure daw, pero walang emoji."

"Ano 'yun?"

Ipinaliwanag at ipinakita niya sa ina ang emojis.

"Importante ba 'yun ngayon?" Tanong ni Aling Amor.

"E, pag wala ho, parang--formal masyado. Hindi ko alam kung natuwa s'ya o napilitan lang."

"Tanungin mo na lang. Sigurado ba s'ya o napipilitan lang s'ya?" Simpleng sagot ng kanyang nanay.

"Sabi ko nga." Aniya at nag-type ng sagot: SURE NA OKAY LANG O NAPILITAN KA LANG. OKAY LANG NAMAN KUNG HINDI OKAY.

Sinamahan niya ng emoji na nakangiti.

Sumagot si Dylan: KELAN MO KAILANGAN?

"Wala pa ring emoji, 'nay." Sumbong ni Bambi.

"Aba. Eh, ano na ba ang nangyayari sa mundo at sa mga drowing na nakasalalay ang relasyon n'yo?"

Feeling niya, may point naman somewhere outthere ang kanyang nanay.

"Kailan daw ho gagamitin? Ano sasabihin ko?"

"De bukas 'kamo."

Napatili si Bambi nang sumagot si Dylan: SIGE. DALHIN KO DYAN TONIGHT.

"Tonight, 'nay! Pupunta s'ya dito!"

"Kita mo na?"

"Alin ho?"

"Hindi s'ya nagdalawang-isip na bigyan ka ng pabor. Pinapahalagahan ka n'ya. Ang sabi ng lola noon, pag madamot ang lalaki, kalimutan na lang."

"May nagdadamot magpahiram ng kayuran?" Tumatawa na siya.

"Hindi mo kasi naiintindihan, Bambina. Ang lalaki, kung kursunada ang babae, hindi lamang magpapahiram ng kayuran, magpiprisinta pang ipagkayod ka ng n'yog at kung talagang may pagtingin na sa babae, aba'y libre pa ang n'yog!"

Decoding His HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon