IKAW HA, NAGSINUNGALING KA SA 'KIN." WIKA NI BAMBI. NASA SULOK SILA NG restaurant , magkaharap sa pang-apatang mesa.
"Ako?!" Genuine ang gulat ni Dylan.
Napangiti si Bambi. Hindi man niya intension, nagawa niyang pukawin ang kuryosidad ng lalaki. At kasama iyon sa Flirting 101 na inaral niya. Sayang lang at hindi pa niya na-apply iyong isang technique: Sabayan ang pace ng guy sa paglalakad. It would give him the impression that she was accommodating, relatable, friendly. Paraan rin iyon para malanghap siya ng lalaki--her hair, her perfume, her natural, womanly scent. Gusto daw ng mga lalaki ang mababango, pero hindi dapat sobra.
Kaso, nakalimot siya. Nanaig ang naturalesa niyang manguna sa natatanaw na pinto. Kasasama niya sa kanyang nanay, naging second-nature na sa kanya na umuna sa bawat pinto upang siya ang magtulak o humila at hawakan iyon hanggang makapasok si Aling Amor.
Nang ma-realize niya ang ginagawa, napatigil siya pero huli na ang lahat. May nag-text yata kay Dylan, pinauna na siya nito sa loob.
Well, may iba pa namang pagkakataon.
"Sabi mo wala kang pambili ng house and lot." Umismid siya ng konte at inilabas buhat sa Tori Burch tote ang folder na naglalaman ng listahan ng mga binebentang properties.
"Ah, I see." Anang lalaki. "Dami kasing nag-aahente, umiiwas ako ma-seles talk." Kinuha nitoa ng menu.
"E, bakit pumayag ka makipagkita sa 'kin ngayon?" Senyales ba iyon na kahit paano, nagkaroon siya ng impact kay Dylan? Hindi niya maiwasang mapangiti na naman.
At mapatitig sa mukha nito habang nakatingin ito sa menu.
Bigla itong nag-angat ng tingin.
Shit.
Huling-huli siya dahil nawala na naman sa isip niya ang 'rules'. She could stare pero huwag pahuhuli. She should glance away at the right moment. Para lang daw magka-hint ang lalaki sa interest niya, at sa ganoon, mapupukaw rin ang interest nito. He would start thinking, does she like me?
Pero...Pucha, paano ba malalaman ang right moment?
"Order na tayo." Wika ni Dylan, halatang pinipilit magpatay-mali pero napapangiti na tila sinasabi sa sarili, 'she likes me and she's pathetic.'
Nag-init ang buong mukha ni BAMBI. Sino ba kasi ang nagsabi sa kanya na kaya niyang i-manipulate ang lalaking ito?
"S-Sige, order ka na, lahat ng gusto mo. Sagot ko 'yan." Aniya. Wala na siyang magagawa kung hindi dedmahin ang kahihiyan.
"Are you sure?"
Tumango siya ng marami. Umorder si Dylan ng dalawang bento plates ng mga seafoods, isang bandehadong assorted na maki, ramen.
Matakaw?!
Pero sa laki ba naman nito, baka nga kulang pa ang inorder.
Binuklat niya ang folder pakalayo ng waiter, "Hindi lang kasi 'yung sa mga subdivision ang hawak namin. Meron din ne'to--" iniharap niya kay Dylan ang papel, "mga mapo-foreclose na mga lupa, meron din naman na-foreclose na. Ayaw mo ba magkaro'n ng property sa probinsya?"
"Gusto rin." Nakayuko ito sa listahan, "6M?! You think I have that kind of money?"
Dumukwang siya para makita kung alin ang tinutukoy nito, nagkadikit na ang mga ulo nila, "Mura na 'yan. Twelve hectares naman 'yan, o tsaka hindi ganun kalayo sa Manila. Tanauan City lang, Batangas."