NAKATAYUNGKO SA PINTUAN SI BAMBI, NAKATITIG SA KOTSE NI DYLAN. IKATLONG araw na iyon ng sasakyan sa kanila.
"Huy, tumabi-tabi ka nga r'yan." Bugaw sa kanya ng itay niya, palabas ng bahay.
Tumabi siya ng kaunti para makalabas ang ama. "Saan ka 'tay?" Tanong niya.
"Bibili nung iniinom ng nanay mo, hindi na naman daw mapadumi." Tumingin ito sa kotse, "Hindi pa ba 'yan kukunin ng may-ari?"
"Di ko nga ho alam kelan n'ya balak kunin."
Nangunotpa lalo ang kulubot nang noo ng kanyang tatay, "Hindi mo tinatanong?"
"Eh, hindi pa naman ho nagte-text." Sagot niya.
"Aba, ikaw ang nanghiram, gusto mo pang 'yung hiniraman mo ang maghabol?"
Oo, nga naman...kaso, "Hindi naman ho--basta, it's complicated." Wala naman siyang balak angkinin ang oto, kaso mo lang, kahapon, ime-message na sana niya na isosoli na niya ang sasakyan pero nakita-kita niya ang IG post ng lalaki. Picture ng babae na nagda-drive, mukhang sexy: MY UBER DRIVER ang caption, @anichi at masasayang emojis.
Nag-comment si Uber Driver: musical notes-- BABY YOU CAN DRIVE MY CAR--musical notes, heart, heart, heart,@SyDylan
Sumagot pa si Dylan: ANYTIME@anichi
In-stalk ni Bambi si Anichi. Driver nga ang hitad. Sa halos lahat ng pictures, nasa likod ng manibela ang babae. Manibela ng race car, ng ATV, ng van, ng go-kart, ng SUV. Hashtags: Road trip, long drive, when you move they can't getcha, speed.
Iyon rin ang gusto ni Dylan, eh. Road trips. Long drives.
Selos much. Himutok at himugto si Bambi maghapon. Hindi naman pala nami-miss ni Dylan ang sariling kotse. Lalong mali ang iniisip niya na habang nasa kanya ang kotse ng lalaki, iisipin siya niyon. That wasn't the case. Paano siya iisipin ni Dylan eh, may Anichi na willing ito ipagmaneho at willing magpamaneho kahit saan?
"Tawagan mo na at kahit ako na ang maghatid doon sa kanila." Wika ng kanyang tatay.
"E, hindi pa naman ho niya kailangan." Manigas si Dylan.
"Maari bang hindi? Hindi ko rin naman maintindihan ang kalokohan mong ito, Bambi. Nanghiram ka ng sasakyan hindi mo naman gagamitin bago ayaw mong isauli?"
"Complicated nga ho." Giit niya sa ama.
Umismid si Ka Idro, "Nagpapahabol ka sa lalaki kaya iniipit mo ang kotse nung tao. Sari-sari ka."
Tameme si Bambi. Buti na lang, sumilip bigla sa pintuan si Aling Amor, tinawag ang esposo, "Idro, sumaglit ka rin kina Elba, nagpapa-renovate daw ng kusina ngayon, ah."
"Pakialam ko sa kusina nila? Sisilipin ko?"
"Hinde! Ibig sabihin ko'y baka may pera na sila at nakakapagpagawa ng bahay, aba'y bayaran naman nila ako kahit kalhati ng utang nila."
"O, eh, bakit hindi pa deretsahin? Uusyosohin ko pa ang kusina nila, pwede mo namang tawagan?"
"Baka sumama ang loob." Katuwiran ni Aling Amor.
"Walang magagawa. Kaysa hindi ka natatahimik d'yan." Binuksan na ni Ka Idro ang gate.
May pahabol pa si Aling Amor, "Dadaan ka pa ba kina Pareng Abling?"
"Gusto mo lang malaman kung magasabong ako mamaya." Sagot ni Ka Idro. "Ayaw mo pang deretsahin." Lumabas na ito ng gate.
"Yang ama mo." Maktol ni Aling Amor kay Bambi.
Hindi siya naka-react dahil may iniisip siya.
"Ano, tumawag na si Dylan?" Tanong na lang ni Aling Amor.
"Hindi pa ho." Pumasok siya sa loob ng bahay, "Tawagan ko lang ho ang ate."
![](https://img.wattpad.com/cover/63259821-288-k657192.jpg)