Maria Clara Alba Flores,
May biglang pag-ibig na sumibol sa naniniwala kong puso. Isa itong pagtatanging inaalagaan at ipinapalagong buo, upang sa susunod na maaari na kitang hagkan at yakapin ay mararamdaman mong lahat ang ninanais ng damdamin.
Sa pagdating ng panahon na malaya na kitang maikukulong sa mga bisig ko; sa pagsapit ng araw kung saan wala nang pagtutol ang mundo; sa oras na maaari nang ipagsigawang ako'y iyo... ito ang gagawin ko:
Bawat minuto o kahit segu-segundo pa, walang sawa kong ipakikita at ipararamdam sa'yo kung paanong sa isang ngiti mo lang ay buo na ang bawat araw ko... kung paanong mas tumitingkad ang mga kulay sa buhay ko dulot ng simpleng presensya mo.
Kahit wala pa mang tayo, napakasarap mo nang mahalin. Kahit ilang taon pa ang bubunuin, walang kapaguran kitang hihintayin. Sapagkat ang pusong tunay na nagmamahal ay hindi mainipin.
Habang patanaw-tanaw muna sa'yo ang kaya kong gawin, makaaasa kang sa iba ay hinding-hindi titingin. Habang sinusubaybayan ko ang pamumukadkad mo, wala akong tanging ipagdarasal kundi ang paglago mo pa bilang isang mabuting tao. Sapagkat ang pusong umiibig ng totoo, kailanma'y hindi uunahin ang sarili nito.
Aking itinatangi, Maria Clara ko, ay dumating ang oras para sa atin na parehas nang malago ang pagkatao. Hindi ko pa masasabi kung magbabago ang lahat ng ito bukas. Basta't ang alam ko lamang ay kapag dalisay ang nais ng puso, hindi basta-bastang napapawi ang laman nito.
Siguro'y walang makakaintindi sa pag-ibig na'to ngayon. Ang mahalaga ay malinaw sa puso't isipan ko kung gaano kita minamahal sa panahong hindi pa sa tama sa akin at sa iyo.
Gayunpaman, maghihintay pa rin ako.
Dahil kung mabaliktad man ang pagkakataon, nais kong hintayin mo rin ako...
Posible kaya? Na kung ako naman ang hindi pa handa ay matutunan mong maghintay at magtiwala?
Pero hindi na mahalaga, ngayon pa lang ay sinasabi ko na: dumating man ang araw na ikaw na ang maghihintay---huwag kang mag-alala, dahil bago pa mainip, yakap na kita nang napakahigpit.
Pangako, mawala man akong saglit, ako pa rin ang pag-ibig na laging sa iyo'y babalik.
Muli, habang naghihintay ako, pupunuin ko ng hindi sumusukong pag-ibig ang puso kong ito para sa iyo. Sa ngayon, isusulat ko muna ang lahat para sa pagsapit ng "tayo", mababasa mong lahat ang lubos kong pagsuyo.
Labis sa'yong umiibig,
Cristostomo Ibarra Delos Santos
BINABASA MO ANG
Fill Me More (More Trilogy # 3)
RomanceMore Trilogy Book Three: Fill Me More (2018) Crisostomo Ibarra delos Santos wanted to be free from his father's claws. Lahat ay idinidikta nito sa buhay niya! Ultimo ang babaeng magugustuhan ay dapat rekomendado nito. Then, Maria Clara "Czarina" Flo...