DD,
April 25, 2010
Date na tumuntong ako ng lungsod.
Kaso ito ang taon na kailangan kong tumayo sa sarili kong mga paa.
Ito ang panahon na magiging independent ako... at the age of 15.
Ito ang sitwasyon na malalayo ako sa pamilya ko.
Excited ako sa bagong yugto ng buhay ko, at the same time... natatakot.
Pinipigilan kong umiyak nung paalis. Sa barko nililibang ko ang sarili. May mga nakasabay akong kabatchmates na sa Manila rin mag-aaral.
Ako undecided pa rin kung saan. Hinihintay ko ang desisyon ni papa.
Ilang beses pa akong nagsuka sa barko at bus... grabe! Bata pa lang ako mahilohin na ako sa biyahe... hanggang ngayon pa rin pala.
Paglapag ko ng Manila, pansin ko na agad ang malaking pagkakaiba sa probinsiya. Ibang-iba ang environment. Masyadong maraming tao. Kahit saan ako tumingin, may mahahagip ang mga mata ko. Marami ring mga sasakyan... traffic. Masyadong nakaka-culture shock.
Dalawang araw lang ako sa Paco, Manila. Tapos nagbiyahe kami ni tito papunta sa lugar nila... Balagtas, Bulacan.
Sabi ni papa, doon daw ako mag-aral ng College sa Bulacan. Maraming schools na pagpipilian. Doon ako makikitira kay na tito.
Ayoko!
Bakit hindi ako maintindihan ni Papa? Kaya gusto kong mag-aral sa Manila... para makasama siya. Bakit pinapaalaga niya ako sa ibang tao? Bakit ayaw niya akong patirahin sa bahay niya? Kasi nandoon ang kabit niya? Ang mga kapatid ko?
Kaya ko namang mag-adjust, a. Magaling akong makisama. Magpapakabait akong bata.
Kaya bakit gano'n pa rin?
Bakit kailangan kong maghirap para lang makuha ang atensiyon niya?
Bakit ang hirap-hirap makakuha ng pagmamahal at kalinga galing sa kanya? Kahit ambag lang!
Tatlong linggo ako sa Bulacan. Masaya naman ako. Mabait naman sina tita at tito. Kaso... bakit ganito nararamdaman ko?
Hindi dapat ako magsisi kasi desisyon ko 'to. Pinaglaban ko 'to kay mama. Kasi gusto ko talagang makasama si papa... kaya papanindigan ko 'to kahit mahirapan ako.
Pinagluto ako ni tita. Sabi ko, hindi ako marunong magluto. Kitang-kita ko 'yung disappointment sa mukha niya.
Sobrang hiya ang naramdaman ko. Wala akong silbi. Palamunin.
Kaya kapag may nakikita akong labahan sa banyo, nilalabhan ko kasama ng mga damit ko. Ako nagsasaing. Nililinis ko ang CR. Nagwawalis ako ng buong bahay. Nagtatanggal ng alikabok sa mga gamit. Naglalampaso. Naghuhugas ng plato. Nagpapakain ng aso. Nagdidilig ng mga halaman. Nagbubunot ng damo't nagwawalis sa bakuran.
Masyadong malinis si tita. Na kahit ang pagsusuklay sa loob ng sala, pinagbabawal niya. Dapat daw sa labas kasi 'yung mga hair fall kakalat.
Doon ko rin nagawa ang mamalengke, first time 'yon. Dahil hindi kami inuutusan ni mama.
Gano'n ang ginagawa ko. Palagi. Araw-araw.
Pumunta ako dito para mag-aral, hindi para maging katulong.
Nung time na tumawag si mama para kumustahin ako. Sabi ko, "Okay lang po ako. Masaya po dito. Palagi po ako namamasyal. Malapit na rin po ako ipaenroll ni papa. 'Wag po kayong mag-alala. Ikumusta n'yo po ako kay na Ate Shane at Dale. Ingat din po kayo diyan palagi. Miss ko na po kayo. I love you po."
BINABASA MO ANG
Love at First Read (Pereseo Series #1)
Novela Juvenil[ Pereseo Series #1 ] Habang nakikipagsiksikan sa MRT. May nahulog na diary. Diary ng NBSB. Napulot ng isang lalaki. Lalaking ang hobby... magpaiyak ng mga babae. -- Book cover by @arkiSTEPH