Nang araw rin na 'yun ay nakalabas ako ng ospital at mula sa ospital ay sinundo kami ni Mang Delfin para ihatid pauwi sa aming bahay.
Tahimik akong nakamasid sa bintana habang kami ay nasa biyahe. Walang emosyon kong pinagmamasdan ang mga lugar na aming dinaraanan.
Natapat pa kami sa wine refinery, naging interesado akong tingnan ng maigi ang lugar. Nagbabaka sakali na nandoon si Marion. Nag-attempt akong buksan ang bintana ng sasakyan pero pinigilan ako ni mama.
"Calil, anong ginagawa mo?"
"Ma, ihinto niyo po muna ang sasakyan, please, bababa ako," pagpupumilit ko.
Inihinto nga ni Mang Delfin sa gilid ng kalsada ang sasakyan.
"Ano bang gagawin mo dito, Calil?" Nagtatakang tanong ni mama.
"May gusto lang po akong tingnan."
Iginala ko ang aking paningin sa malawak na grass field na nasasakupan ng wine refinery, natanaw ko rin ang ilog sa hindi kalayuan, naroon din ang munting damuhan kung saan may mga nagpi-picnic, ngunit wala si Marion.
"Let's go ma."
Alam kong umaasa lang ako sa wala. Hindi ko lang matanggap na wala na si Marion kaya patuloy ko pa ring pinaniniwala ang aking sarili na nasa paligid ko lamang siya.
Biglang sumagi sa isip ko ang ilan sa mga salitang binitawan niya nu'ng gabi bago kami magkahiwalay, "I'm slowly fading."
Napayuko ako sa aking naalala, masakit pa rin hanggang ngayon ang mga nangyari at kahit kailan ay hindi ko matatanggap na wala na si Marion.
"Calil, ano bang iniisip mo?"
"Wala po ma. Medyo inaantok lang po ako."
"Tumawag na ako sa school niyo at ipinaalam ko ang nangyari sa'yo. Binigyan ka na nila ng three days vacation."
Hindi na ako muling nagsalita, nanatiling tikom ang bibig ko hanggang sa makauwi kami sa bahay.
Nagtungo ako sa aking kwarto at sinalubong ako ng isang malungkot at ordinaryong tanawin.
Wala na ang dating saya at ningning na bumabalot sa apat na sulok ng aking kwarto, ngayon ay bumalik ito sa isang nakakalungkot na atmosphere.
Mas malungkot pa kesa sa unang araw na umapak ako dito.
Hindi ko inaasahan na magiging ganito kadilim ang buhay ko sa sandaling umalis si Marion, mas masalimoot ito kesa sa aking inaasahan.
Muling umagos ang masaganang luha sa aking mga mata, hinayaan kong hilumin ng bawat luha ang sugat na patuloy na nagdurugo sa aking puso. Ngunit gaano man karaming luha ang lumabas, gaano man katagal akong umiyak ay hindi na nito maikakaila ang katotohanang kahit na ano ang gawin ko ay hindi na babalik pa si Marion dahil tuluyan na siyang naglaho, naglaho siya ng hindi ko man lamang nagawang magpaalam ng maayos.
Lumipas ang tatlong araw na pagliban ko sa klase, muli akong pumasok at mag-isang hinarap ang bawat segundo sa aking buhay.
Nanatili sa tabi ko si Erin, kahit hindi niya alam ang pinagdaraanan ko'y ramdam kong nakikisimpatya siya sa aking kalungkutan. Kapag tahimik ako ay nananahimik lang din siya. Minsan ay inaaya niya akong mamasyal pero tumatanggi ako.
Nawalan ako ng interest sa maraming bagay, ang pag-aaral ko na lamang ang aking pinagtuunan ng pansin, dahil naniniwala akong magiging kasangkapan ko ito pagdating ng araw para mahanap ang kinaroroonan ni Marion.
Oo, si Marion na lang, laging si Marion na lang ang laman ng puso't isipan ko. Kahit alam ko naman na imposible na ay umaasa pa rin ako na makikita ko siya, na mahahanap ko kahit man lang ang pinaghihimlayan ng kanyang katawan.
BINABASA MO ANG
My Unexpected Visitor
FantasyThere is constant saying that nothing's permanent in this world but change. What if you meet one person in your life without knowing that he will be temporary? Would you still accept him? Or better not? Let's read the story of Calil and Marion as th...