Nag-file ako ng three days leave sa aking trabaho, may mahalaga kasi akong aasikusahin, bagay na noon ko pa sana ginawa kung nagkaroon lamang ako ng lakas ng loob.
Lulan ako ng aking sasakyan na bihira kong magamit dahil lagi naman nandiyan si Kirk para maging personal driver ko at ngayon ay ito ang gagamitin ko para marating ang pakay kong lugar.
Nalampasan ko na ang Felicidad mall, nangangahulugan lamang na malapit na ako sa aking destinasyon.
Tumikhim ako, walang katiyakan ang magiging resulta ng lakad ko pero nakahanda na akong mabigo, ilan beses na rin akong sumugal at natalo kaya sanay na ako kung sakaling hindi na naman umayon sa akin ang tadhana.
Maipapa-salvage ko na talaga ang tadhana na 'yun, sobra-sobra na ang ginagawa niyang pagpapahirap sa akin.
Doon naman biglang sumagi sa isip ko ang magandang mukha ni Lady Harnea, kung siya man ang tadhana, puwes, isang malaking sumpa sa akin ang taglay niyang kagandahan.
Napapraning na naman ako. Kung sinu-sino ang dinadamay ko sa aking nakakainis na sitwasyon, pero wala naman akong masisisi, ako ang siyang pumili ng landas na tinatahak ko ngayon at mag-isa kong inilatag ang mga tinik sa aking daraanan, ako lang at wala ng iba.
Nahampas ko ang steering wheel habang patuloy na tumatakbo ang sasakyan.
Nagagalit ako sa aking sarili, wala akong ibang alam gawin kundi sisihin ang naging desisyon ko, ni hindi ko magawang kalimutan na lamang ang lahat at mag-move on, lagi kong baon ang nakaraan na madalas namang yumurak sa aking pagkatao.
Inihinto ko ang aking sasakyan sa isang gate ng subdivision.
"Good morning po ma'am," bati sa akin ng guwardiya na bumungad sa pagbukas ko ng bintana.
"Sir, may hinahanap po akong bahay. Nasa loob po ng subdivision na binabatayan niyo," pagbibigay impormasyon ko.
"Kayo po si Ms. Calil Aldamia, 'yung reporter?"
"Opo."
"Eh, ma'am kaninong bahay po ang hinahanap niyo?"
"Kina Mr. Marion Del Rivas," diretso kong tugon.
Napansin kong napaisip ang guwardiya sa tinuran kong pangalan.
"Pasensiya na po ma'am, hindi ko po siya kilala."
Hind agad ako nawalan ng pag-asa, " sigurado po kayo?"
"Sandali lang po ma'am, itatanong ko po sa kasama ko," nilapitan niya ang isang guwardiya na mas may edad kesa sa kanya.
"Sir, itatanong ko lang po kung kilala niyo si Mr. Marion Del Rivas? Taga-riyan po siya sa loob ng subdivision," tanong ko sa nakatatandang guwardiya.
"Kilala ko po siya ma'am, pero matagal na pong hindi nakatira dito ang pamilya nila," nabuhayan ako ng loob sa kanyang sinabi.
Tama ang impormasyon na nakuha ko mula sa Felicidad Doctor's Hospital, personal ko kasing hiningi ang home address nila Marion, nagpanggap akong isang malayong kamag-anak ng pasyente para makumbinse sila na ibigay ang detalye na kailangan ko.
"Talaga po? Pero nasaan na po kaya sila ngayon?"
"Ang alam ko po nagbabakasyon sila dito every year, diyan po sa bahay nila sa loob," dagdag na paliwanag niya na lalong nagpasigla sa aking pag-asa.
"Maaari ko po bang malaman kung saan banda ang bahay nila?"
Nagkapalitan ng tingin ang dalawang guwardiya.
"Sige po ma'am, mag-iwan na lang po kayo ng ID niyo at pakisulatan po itong log book namin."
Nang nasa loob na ako ng subdivision ay hindi ko maiwasang humanga sa mga bahay na nadadaanan ko, kanya-kanya itong pagandahan ng disenyo at siguradong hindi basta-basta lamang ang halaga ng mga ito.
BINABASA MO ANG
My Unexpected Visitor
FantasiaThere is constant saying that nothing's permanent in this world but change. What if you meet one person in your life without knowing that he will be temporary? Would you still accept him? Or better not? Let's read the story of Calil and Marion as th...