Yakap ko ang sarili habang naglalakad ako pabalik sa cottage.
Nagtuloy ako sa restroom para makapag-shower at kahit bahagyang nilalamig ay hinayaan ko lang ang tubig na dumaloy mula sa ulo ko pababa sa aking katawan.
Ilang minuto ako sa ganu'ng ayos hanggang sa mapagpasyahan kong lumabas at patuyuin ang aking katawan gamit ang malaking tuwalya.
Nag-stay ako sa balkonahe ng cottage habang hinihigop ang maligamgam na kape na tinimpla ko para maampat ang lamig na aking nararamdaman.
Naaalala ko pa ang unang beses na nasilayan ko ang cottage na ito, gandang-ganda ako sa disenyo at ayos nito na nakaharap pa sa dalampasigan.
Mula dito sa pinipwestuhan ko ay matatanaw ang bawat detalye ng karagatan, kaya kapag nataon na maganda ang panahon ay malaya mong masasaksihan ang paglubog ng araw habang unti-unti itong kinakain ng kulay asul na dagat.
Sariwa pa rin sa puso't isipan ko kung paano ko itinuring na paraiso ang lugar na ito, bagay na totoo naman talaga, ngunit ngayon ay naging kanlungan ko ito sa aking pag-iisa.
Nang maubos ko ang aking kape ay pinasya ko nang pumasok sa loob ng silid para makapagpahinga.
Pinatay ko ang mga ilaw at tanging lamp shade lamang ang iniwan kong buhay. Binalot ko ng makapal na kumot ang aking katawan hanggang sa tangayin na rin ako ng antok.
Kinaumagahan ay nagsiga ako sa labas ng cottage, winalis ko ang mga tuyong dahon na nagkalaglag mula sa mga pine trees at inipon ko ang mga sanga na ginamit ko para lalong umalab ang ningas ng apoy.
Pinagmasdan ko habang umaakyat sa langit ang maputing usok mula sa aking sinisigaan, naalala ko si Marion nu'ng mga panahon na tinutulungan pa niya akong maglinis sa aming bakuran, walang mag-aakala na buhay pa pala siya, pero nu'ng panahon na nawala siya ay itinuring ko na rin siyang patay. Walang kahit na anong palatandaan na magkikita pa kami, kaya tama lang na ituring ko na siyang patay.
Ang katawan lamang niya ang kaya kong ituring na patay, pero hindi ang kanyang alaala at pagmamahal dahil habang buhay ko 'yung iingatan sa aking puso't isipan.
Pumikit ako para damhin ang paghaplos ng sariwang hangin sa aking balat. Kailangan ko nang kumalma, tutal naman ay napatunayan ko na ang matagal ko ng gustong malaman, na nagkamalay si Marion at buhay siya, na masaya na niyang kapiling ang kanyang ina.
Hayssttt, sana kahit man lang ang mommy niya ay makita ko, posible kaya 'yun? Panahon na lamang ang tanging makapagsasabi.
Nang magtatanghali na ay umuwi na rin ako, may isang araw pa ako para makapagpahinga ng mahaba-haba, dahil siguradong sa aking pagbabalik trabaho ay stress na naman ang sasalubong sa akin.
Hindi ko inaasahan na madadatnan si Erin sa aming bahay, kausap siya ni mama.
"Sa wakas, umuwi ka rin," nakaismid na sabi niya na halatang nagtatampo.
"Maiwan ko na muna kayong dalawa," excuse ni mama sa kanyang sarili.
"Uhmm, kanina mo pa ba ako hinihintay?"
"Actually, kahapon pa ako pabalik-balik dito sa bahay niyo."
"Oh? May problema ba?"
"Si Kirk kasi panay ang tawag sa akin, ilang araw ka na raw hindi nagpaparamdam sa kanya," napataas ang kilay ko sa sinabi ni Erin, as usual ay si Kirk na naman ang magiging topic namin.
Parang kailan lang ay tagapagtanggol ko si Erin laban kay Kirk, pero nang ikwento ko sa kanya na wala na kami ng boyfriend ko ay biglang nagbago ang ihip ng hangin. Gusto niyang i-welcome ko si Kirk sa buhay ko para daw makapag-move on ako agad, bagay na hindi naman nangyari at imposible ring mangyari.
BINABASA MO ANG
My Unexpected Visitor
FantasyThere is constant saying that nothing's permanent in this world but change. What if you meet one person in your life without knowing that he will be temporary? Would you still accept him? Or better not? Let's read the story of Calil and Marion as th...