Chapter 1 (Revised)

7.4K 219 20
                                    

"MAGANDANG UMAGA, magandang dalaga. Ang maganda mong ina, nariyan ba?" ani Monica pagpasok sa gate.

Si Aling Anacieta ang tinutukoy niya, ang loyal suki niya sa online raket, ang pagbebenta ng kung ano-ano, tulad ng damit, accessories, sapatos, pati mga sweet treats.

Hindi lang niya ito basta suki, ito rin ang major supplier niya ng mga damit na ibinebenta niya online. Ang accessories at sapatos ay sa Divisoria niya kinukuha, habang ang sweet treats ay siya mismo ang nagawa.

Maglilimang buwan pa lang niyang katapat-bahay sina Aling Anacieta, na Mommy A ang tawag niya. Ang mga ito ang nakabili nang malaking bahay na nailit sa bangko dahil sa pagkasugarol ng nagmamay-ari dati.

"Magandang umaga rin, Ate Monica. Nasa loob si Nanay. Nagluluto," anang nakangiting si Hannah, ang bunsong anak ni Mommy A. Ito ang nagbukas ng gate, may hawak na walis sa isang kamay.

"Okidok. Diretso na ako sa kusina ng mansyon, kung ga'non," aniya habang bitbit ang leche flan na inorder ng ina nito noong makalawa dahil pauwi na raw ang panganay na anak nito na si Gregorio mula sa labing-isang taong pagdu-Dubai.

Kilala lang niya ang lalaki dahil sa mga larawang nakadisplay sa bahay nina Mommy A. Madalas din nitong ikuwento sa kanya kung gaano karesponsable ang anak. Matalino raw ito at iskolar sa pamantasan noon. Pero nang mamatay sa aksidente ang asawa ni Mommy A ay napilitang tumigil sa pag-aaral para tumulong sa pagtataguyod sa pamilya.

Pero dahil sadyang mataas ang pangarap ay isinabay nito sa pagtatrabaho ang pag-aaral ng vocational course. Ang kasunod na nalaman ni Mommy A ay nag-aasikaso na raw ng papeles pa-ibang bansa. Bente-uno pa lang daw ito noon pero sadyang malakas ang loob.

Dahil din sa pagdu-Dubai ni Gregorio kaya ang dating isang makina na ginagamit sa pananahi ng ina nito ay nadagdagan. Ngayon ay isa na ang pamilya ng mga ito sa may pinamalaking patahian sa Taytay.

"Si Ate talaga. Hindi naman ito mansyon," natatawang komento ni Hannah habang isinasarado ang gate.

"Mansyon ito. Wala namang barong-barong na ganito kalaki," aniya, inilibot ang tingin sa malawak na bakuran habang naglalakad papasok sa malaking bahay, may apat na silid iyon sa taas at may two car garage pa. Sanay na siya sa loob ng bahay kaya wala na siyang ilang kapag naroon.

Tinanguan niya si Dina, ang kasambahay ng mga ito, na nagwawalis din sa malawak na bakuran.

Hanga siya sa pagpapalaki at pagpapasunod ni Mommy A sa mga anak. Kahit na marangya na ang pamumuhay ng pamilya ay normal pa rin ang kilos ng mga ito. Maging sa pagtrato kay Dina, pamilya ang turing. Pinag-aaral pa nga ng mga ito si Dina sa kolehiyo.

"Good morning, Mommy A!" ani Monica. Nasa kusina ang ginang at may hinahalong kung ano sa kawali.

"Good morning, Monica. Dito na kayo managhalian mamaya ng mga pamangkin mo, ha," anito, nilingon siya.

Si Monica ang naiwang guardian ng dalawang pamangkin, si Adrienne na sampung taon at si Carl na walong taon. OFW ang ate niya. Nag-aalaga ng anak ng iba, habang siya ang naiwang nag-aalaga sa mga anak nito na naiwan sa bansa.

Napilitang mag-ibang bansa ang ate niya dahil ang magaling na asawa, nangibang-bahay na. At hindi pa maasahang magbigay ng sustento sa mga bata. Wala na ngang kwentang asawa, wala pa ring kwentang ama. Mabuti na lang at sinagot na ng pamilya ng bayaw niya ng natitirang balanse sa hulugang bahay na kinuha noon ng bayaw at ate niya. Doon siya nakatira kasama ng mga bata.

Nanghihinayang siya sa libreng oras na nasa bahay lang siya at walang ginagawa kaya umisip siya ng raket, na pumatok naman. Mayroon na siyang regular costumers at buyers na taga-Laguna at Rizal. May resellers na nga rin siya ng ginagawa niyang matamis.

"Sure, Mommy. Ilagay ko na po ba rito sa aparador n'yo ang mga leche flan?" ani Monica. Ang tinutukoy niyang aparador ay ang double door refrigerator ng mga ito. Nang ideliver iyon sa bahay ng mga ito ay nakiusyoso siya. Biniro niya si Mommy A na ganoon din kalaki at kaluwag ang dresser niya. Pero mas sosyal ang damitan ng mga ito dahil de kuryente pa.

"Sige. Makisuyo na ako, anak," nangingiting sagot ni Mommy A.

Binuksan niya ang ref at ipinatas sa loob noon ang mga microwabable na lagayan. Habang inilalagay ang leche flan ay natatakam siya sa niluluto ni Mommy A.

"Ang bango naman po nya'n, Mommy A. Nakakatakam. Amoy pa lang, masarap na."

"Gusto mo'y dito ka na mag-agahan. Sumabay ka na sa amin."

Kung sakali ay hindi naman iyon ang unang pagkakataon na sasabay siya sa pagkain nina Mommy A. Ilang beses na siyang nakikain sa mga ito. Masarap kasi talaga itong magluto ng mga ulam. Samantalang siya, sweets lang ang alam. Kapag savory foods ay laging "pacham" ang luto. Pa-chamba-chamba. Minsan masarap, madalas hindi.

Kaya kapag nasa school ang mga bata ay madalas siyang nanunuod sa pagluluto ni Mommy A at nakikikain na rin doon. Kung makukuha niya ang techniques at tamang timpla, hindi na lang sweets ang alam niyang gawin. Makakapagtayo na siya ng karinderya.

Tamang-tama, may garahe ang bahay ng ate niya. At dahil wala naman silang kotse, pwede niyang iconvert iyon sa maliit na kainan. Tingin niya ay papayag naman ang ate niya. At kapag napalago niya iyon, kukumbinsihin niya itong umuwi na sa Pilipinas. Siya ang naaawa at nahihirapan sa sitwasyon ng ate at mga pamangkin niya. Naaawa siya sa mga pamangkin na lumalaking parehas wala sa piling ang ama at ina. Kaya kung makakakita siya ng ibang oportunidad sa pagkita ng pera na narito lang sa bansa ay gagawin niya.

"Nakakahiya na po iyon, Mommy A. Patanghalian mo na po ako mamaya, paagahan pa ngayon? Sobra na," ani Monica. Nahihiya siyang makikain ng agahan, pero interesado siya sa niluluto nito. Ang bango talaga, nakakatakam. Gusto niyang matutunan ang recipe at pag-aralan ding lutuin iyon.

"Maano naman. Hindi naman na iba ang turing ko sa iyo."

"Magiging manugang na po?" biro niya rito na ikinatawa ng ginang.

Pagkatapos niyang mailagay ang leche flan ay isinarado niya ang ref at pumuhit sa kalan para silipin ang niluluto ni Mommy A.

"Ay, kamoteng may abs!" napahawak sa dibdib si Monica.

Sa pintuan ng kusina ay may lalaking nagpupunas ng tuwalya sa buhok, halatang bagong ligo. Naka-shorts lang, walang pang-itaas, kaya kita niya ang namumutok na muscles sa braso, balikat, at ang katakam-takam na abs.

Bigla, hindi na siya sa niluluto ni Mommy A natakam. At kahit hindi niya naaamoy, tingin pa lang, alam na niyang masarap. Hindi na rin ang recipe ang gusto niyang pag-aralan, kundi ang lalaki na lang sa kanyang harapan.

"May papandesal ka po pala rito, Mommy A," ani Monica, nilingon ito, bago muling ibinalik sa lalaki ang paningin, "Pwede po bang makikape na lang?"

"Ikaw talagang bata ka," natatawang sagot sa kanya ng ginang.

Alam niyang hindi ito si Marky, ang ikalawang anak ni Mommy A. Ang katawan ni Marky ay parang katawan lang ni Gregorio sa picture. Average body, hindi malaki ang tiyan pero walang abs.

At nang alisin ng lalaki ang tuwalya sa ulo at tumingin sa kanya ay gayon na lang ang gulat ni Monica. Hindi na kailangang ipakilala ni Mommy A ang lalaki. Sigurado siyang ito si Gregorio. Ilang beses na niyang natitigan ang litrato nito. Kahit na clean shaven ito sa mga litrato at ngayon ay hindi man lang nag-abalang mag-ahit, pamilyar pa rin ang makipot na labi at matangos na ilong nito. Maging ang makapal na kilay at malalantik na pilik-mata, na katulad ng mata ni Mommy A.

Nagtataka lang siya. Sa mga pictures na nakadisplay ay mukhang may micro-nutrient deficiency ito, pero ngayon, maskulado!

"Anong nilaklak mo sa disyerto, Gregorio?" hindi napigilang tanong ni Monica.

Pero ang ngiting ibinigay niya sa lalaki ay sinuklian lang nito ng kunot-noo.

"Magkakilala tayo? Close ba tayo?"

Aba't suplado ang loko!

Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon