Chapter 4

4.1K 155 2
                                    

Bago nakapasok sa tindahan si Monica ay nakalapit kaagad sa kanya si Marky.

“Nic, pumayag ka na kasi,” anito matapos siyang akbayan, sumabay paghakbang niya papasok ng tindahan.

Sa mga anak ni Mommy A ay si Marky ang kaedad niya kaya noon pa man ay first name basis lang ang tawagan nila. At imbes na Monica, Nic ang tawag nito sa kanya. One of the boys daw kasi siya. Batang kanto.

Tumigil siya, nilingon ito at tinaasan ng kilay, “Makulit ka rin talaga, ano, Macario?”

“Maka-Macario ito,” anito na nagsalubong ang kilay, pero bigla ring ngumiti. “Sige na kasi. Papayag na ‘yan,” anito na sinundot pa siya sa tagiliran.

Umismid si Monica bago tinabig ang braso nito sa balikat niya, “Hindi and sagot ko noon. Hindi pa rin ngayon,” aniya bago ito tinalikuran.

“Nic naman! Seryoso na ako ngayon. Promise!” anito habang nakasunod sa kanya.

“Maniwala ako!” sarcastic na sagot niya habang patuloy na naglakad palapit sa counter.

“Good morning, Ate Monica. Mukhang tinanghali ka yata ngayon?” bati sa kanya ni Rebecca, ang bantay sa tindahan na ngumiti kaagad nang makalapit siya.

“Tinanghali rin kasi ang sumundo kina Adrienne,” inumbisahan nang i-check ni Monica ang mga items na ipinatong ni Rebecca sa counter.

“Nic, please?” anang lalaki na nakasunod pa rin sa kanya. “Seryoso talaga ako,” anito na bigla ngang nagseryoso, animo’y maamong tuta na nagpapaawa.

“Patunayan mo muna, kasi sa ngayon, hindi ako naniniwala,” aniya na nagpipigil ng tawa. Itinaas niya ang kamay at minuwestrahan itong lumayo sa kanya.

Kumamot muna ito sa batok bago tumalikod at lumabas ng tindahan.

Napangiti si Monica pero hindi siya nagsalita, muli na lang niyang ibinalik ang atensyon sa mga items na order niya. Makalipas ang ilang sandali ay may lalaking sumandal sa counter, paharap sa kanya.

“So totoo nga pala na pati sarili mo, kasama sa paninda. Sabi ni Nanay, maabilidad ka raw, pero sa nakikita ko, oportunista ka talaga, at mukhang handa ka ngang gawin ang lahat sa ngalan ng pera,” anang nakahalukipkip na si Gregorio.

“Excuse me? Ako ba ang kausap mo?” itinuro ni Monica ang sarili, nakataas ang kilay.

“Oo. Ikaw,” anito, mataman pa ring nakatitig sa kanya.

“At paano mo nasabi iyon, Mister?” binitawan ni Monica ang damit na hawak, humarap siya sa gawi ng lalaki, ang isang braso ay nakakapit sa counter at ang isa ay nasa baywang. Sinalubong niya ang tingin ng judgmental na lalaki.

Pero nahihirapan siya na panatilihin ang focus. Kasi naman, naka-polo shirt na ang lalaki pero hindi naman maitago noon ang muscles nito sa braso. Nakakatuksong pisilin. At cleanly shaven ang lalaki ngayon. Mamasa-masa pa ang buhok, amoy pa niya ang pinagsamang amoy ng sabong ginamit sa paliligo at ang after shave nito. Nakakahalinang amuyin ang lalaki.

Masarap pisilin, masarap singhot-singhutin. Pak-tay kang bata ka! Nakakawala ng focus ang impertinenteng lalaking ito!

“Paano ko nasabing oportunista ka? Nakita ko kanina, ine-encourage mo pa si Mr. Chin at yung anak n’ya,” anito, umangat ang sulok ng labi.

Umangat ang kilay niya bago bahagyang napailing. Kung inaakala ng lalaking ito na masasaktan o maaapektuhan siya sa panghuhusga at mga sinasabi nito, nagkakamali si Gregorio.

“E ano naman sa’yo? Affected ka?” taas-noong tanong ni Monica, dalawang kamay na niya ang ihinawak sa bangway, bahagya pa siyang lumapit sa lalaki.

“Naaawa lang ako dun sa mga Tsino. Akala ginto, ang ending tanso.” Humilig din si Gregorio palapit sa kanya, ibinaba din palapit sa kanya ang mukha.

“Excuse me again! Anong ibig mong sabihin? Hoy! Para sa kaalaman mo, hindi ako gandang tanso! Gandang swerte ako!” inirapan niya si Gregorio.

Kasabay ng pagtalikod ay pag-hair flip niya, walang pakialam kahit tinamaan ng buhok niya ang mukha ng binata. Kailangang may dignidad ang pagtalikod niya. Hindi niya aaminin, kahit sa sarili na namali siya sa desisyong lumapit dito. Hindi niya ipapahalata sa lalaki na naakit siya sa mga mata nito at malango sa kahali-halinang amoy ng binata.

Iniabot sa kanya ni Rebecca ang plastic bag na pinaglalagyan ng mga items na order niya.

“Gandang swerte? Talaga? Paano naman iyon nangyari?”

Humarap siyang muli kay Gregorio, “Kita mo 'tong mukhang ito?” Itinaas niya ang mukha at hinawi ang bangs, “Itong noong ito? Tingnan mong mabuti, Mister!”

“Kita ko nga, Miss. Anong meron d'yan, maliban sa mukhang paliparan?” anang lalaki na talagang lumapit pa at tinitigan ang noo niya.

“Hhhmmmmmm!” inayos ulit ni Monica ang bangs habang nanliliit ang mga mata sa pagkakatitig kay Gregorio.

Pero shutek naman! Paano niya pananatilihin ang inis sa lalaki kung ganoon naman ang pagkakangiti sa kanya?! Oo nga't halatang nag-aasar. Kaso sa kasamaang palad, pinaghalong asar at pagkaakit ang nararamdan ni Monica.

Pak-tay kang bata ka talaga!
Huminga siya nang malalim at pinagsalikop ang mga braso sa ilalim ng dibdib. Kung kailan kailangan, saka siya nakasuot ng ordinary bra. Nakakainis. Akalain ba niyang may haharapin pala siyang dibdibang laban ngayon! Lesson learned. Always be prepared. Para sa susunod na paghaharap nila ni Gregorio, may ipagmamalaki na siyang iba at hindi nito mapansin ang landing strip niya.

“Hoy, para sa kaalaman mo, hindi ko kailangang ilako ang sarili ko. Talagang bet ako nung tsino kasi ang mukhang ito, bukod sa maganda, maswerte. Halatang aasenso. Magkakamal ng salapi!”

“Parehas pala kami ni Mr. Chin na may interesanteng nakita sa noo mo,” may gumuhit na misteryosong ngiti sa mga labi ni Gregorio. “Pero magkaiba kami ng paniniwala.” Maging ang kinang sa mga mata nito ay nag-iba. Bago tumalikod ay sumaludo pa sa kanya ang binata.

Naiwan doon si Monica na bahagya pang nakanganga. Iniisip niya kung ano kaya ang nakita ni Gregorio sa kanyang noo. Napalingon tuloy siyang bigla kay Rebecca.

“Becks, may pimple ba?” aniya, itinaas ang bangs.

“Wala, Ate. Makinis na makinis. Wag mong intindihin 'yon si Kuya. Baka gusto lang magpapansin sa'yo,” nakangiting sagot naman nito.

“Aahhhmmm,” umangat ang dalawang kilay niya saka nagpatango-tango. Hindi nga kaya nagpapapansin lang sa kanya ang judgmental na binata?

Maaari.

Hindi naman kataka-taka, maganda naman siya, at saka mabango pa.
Dahil doon ay nagkaideya siya kung paano iisahan ang binata. Akala ng lalaking iyon! Ha! Sa susunod, sisiguraduhin niyang magagantihan niya ang judgmental at pafall na binata.

Sabi nila, magbiro ka na sa lasing, wag lang sa bagong gising. Ang kay Monica, hamunin mo na ang lasing, wag lang ang tulad niyang probinsya.

Probinsyanang palaban at hindi basta-basta.

Kung may pa-abs ito, may alas din siya!

Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon