“AFTERNOON, MOMMY A!” ani Monica pagpasok sa kusina. Naratnan niya itong nasa harap ng kalan at may kung anong sinasandok sa kasirola. “Deliver ko lang po itong first batch ng leche flan na order ni Macario.”
“Si Macario ang umorder?” anito nang lingunin siya. “Si Gregorio ang mahilig diyan, hindi naman si Macario.”
“Opo, Mommy A, si Marky ang may order nito,” nginitian muna niya ito bago yumuko sa ref para ipatas doon ang mga leche flan. “Pero Mommy, wag na po kayong kakain nito. May usapan kasi kami ni Macario kaya lahat po ito ay may gayuma. Dapat walang kakain nito maliban kay Gregorio.”
Natawa ang ginang at napailing, “Bago ka umuwi ay magmeryenda ka na muna,” anito na itinuro ang lamesa. May tasa na nakalagay sa tapat ng kabisera na may laman ng ginataang halo-halo.
“Hindi ko tatanggihan ito, Mommy. Basta pinoy kakanin, paborito ko,” aniya na lumapit sa lamesa. Kesa sumandok ng panibago ay iyon ay kinuha niya at kinain.
“Sarap mo po talagang magluto, Mommy A. Sumosyo ka na lang din po kaya sa karinderya ko?”
“Nanay ko ang nagluto, nanay ko ang nagsandok, naumpisahan ko nang kainin, tapos iba ang uubos,” ani Gregorio na nakasandal sa pinto ng kusina at nakahalukipkip, nakatitig sa kanya.
Napatigil ang kutsarang isusubo sana ni Monica sa ere, napatitig siya sa binatang hindi niya inaasahang naroon. Ang alam niya’y nasa motorshop pa ang binata kapag ganitong alas-tres pa lang ng hapon.
Pero mukhang hindi ito pumunta roon ngayon. Naka usual get-up ito, freebie t-shirt na pinutol ang manggas at short na gawa sa patahian ng mga ito. Kahit na naalis ito ay hindi rin naporma nang sobra. Sabi nga ni Dina, hindi raw maselan ang magkakapatid. Basta walang mantsiya, isusuot ang damit.
Hindi maiwasan ni Monica ang paghangang unti-unting sumibol sa kanyang puso. Self-made man si Gregorio. Kayang bumili ng mga mamahaling damit kung gugustihin, pero mas pinipili pa rin ang payak na pananamit.
Ang pagtawa ni Mommy A ang nagpabaling sa kanya.
“Kay Goryo iyan, anak. Lumabas lang siya saglit,” anito bago ipinatong ang tasa na may ginatan sa tabi niya. “Sandali at tatawagin ko lang si Dina,” ani Mommy A bago sila iniwan sa kusina.
Tumingin siyang muli kay Gregorio, nagkibit-balikat at isinubo ang kutsara, hindi ihiniwalay ang tingin sa binata. “Kuha ka na lang ng bago.”
“Bakit ako kukuha ng iba kung sa akin naman 'yan mula pa umpisa?”
“Kasi nalawayan ko na 'to. I doubt na kakainin mo pa.”
Umangat ang sulok ng labi ni Gregorio, nasa mga mata nito ang pinaghalong kaaliwan at pagnanasa, na ipinagtaka niya dahil hindi siya prepared, hindi siya nakapush-up bra.
“May magagawa pa ba ako? Inangkin mo na ‘yan kahit hindi naman sa’yo. Jinustify mo pa ang ginawa mo.”
“Laki ng problema mo,” ani Monica bago tumayo at lumipat ng bangko. Dinampot ang ginatang halo-halo na ipinatong ng ina nito sa tabi niya, iyon ang inilagay sa tapat ng bangko sa kabisera.
“Wala ka ba talagang pakialam kahit may maagawan ka? Kahit may na agrabyado ka, feeling mo wala pa ring problema?” seryosong tanong ni Gregorio na nanatili lang sa tabi ng pinto, maging ang emosyon sa mga mata ng binata ay napalitan. “Bukod sa oportunista, magagamit ka rin ba talaga? Pera-pera na lang ba talaga, Monica?”
Nang mapatingin si Monica sa mga mata ni Gregorio ay alam niyang may laman ang mga sinasabi nito. Hindi man nito sabihin, alam na kaagad ni Monica ang hugot ng binata. Tiyak niya na alam nito ang issue na nakadikit na sa kanyang pagkatao.
Pakiwari niya ay may bumikig sa kanyang lalamunan. Akala niya ay malakas na siya, na hindi na siya maaapektuhan sa panghuhusga at pangungutya ng iba, kaya hindi inasahan at lalong hindi niya napaghandaan ang sakit na nakiraan sa puso niya.
Pero imbes na ipakita kay Gregorio na nasaktan siya sa totoong ipinahihiwating ng mga salita nito, sa panghuhusga at panghihinayang sa mga mata nito, mas mamatamisin pa niyang makita nitong wala talaga siyang pakialam sa opinyon ng iba.
Nginitian niya ang lalaki, sumandok siya ng ginataan at isinubo iyon, sinadya niyang magkaroon ng sabaw ang gilid ng labi. Pagkababa ng kutsara ay dinilaan niya ang sabaw sa gilid ng labi. Hindi niya ihiniwalay ang tingin sa lalaki.
“Pakikinggan ko lang ang opinyon mo kung pagkakakitaan kita, o kung may mapapakinabang ba ako sa opinion mo,” taas-noong sagot niya.
Nanliit ang mga mata ni Gregorio, humakbang ito palapit sa kanya, itinukod ang braso sa lamesa at sa sandalan ng bangkong inuupuan ni Monica.
“So pera lang talaga. Meron ako sa taas. Cash,” ani Gregorio habang nakatingin direkta sa ang mga mata niya. Muli na namang bumalik ang pagnanasa sa mga mata ng binata.
Ngumiti si Monica, “Dollars ba? Kung peso lang ‘yan, sorry ka,” ani Monica, iniatras niya ang bangko saka siya tumayo at lumakad palapit sa lababo, inilagay doon ang tasa na wala ng laman at dire-diretsong lumabas ng kusina.
Naninikip ang dibdib niya. Hindi niya alam kung bakit sa tinagal-tagal, bigla siyang naapektuhan sa sinasabi ng binata.
Hindi niya bet ang lalaki! Araw-araw na inireremind niya ang sarili kaya hindi niya maunawaan kung saan nanggagaling ang pagnanais na sana ay gumanda ang impresyon nito sa kanya.
Kinagat niya ang dila. Alam niya mula simula kung ano ang tingin sa kanya ng binata kaya hindi niya maunawaan kung saan nanggagaling ang lungkot na nararamdaman niya. Lalo naman ang sakit na naging dahilan ng biglang pag-uulap ng kanyang mga mata.
Dapat nga na masaya siya dahil sa laban nila, siya ang nakakalamang. Pero sa nangyayari ngayon, bakit pakiramdam ni Monica, siya ang talunan?
Nang makalabas ng bahay ay huminga ng malalim si Monica. Ngunit bago pa siya makalabas sa bakuran ay may humawak sa braso niya.
“Sa kabila ng nabasa ko tungkol sa iyo, sa kabila nang madalas na sinasabi mo, hindi tuluyang mawala ng interes sa iyo. At kaysa kumabit ka kung kani-kanino, bakit hindi sa akin? Kaya ko ring ibigay sa iyo ang kung anong ibinibigay nung lalaking iyon,” ani Gregorio, titig na titig ito sa kanya.
Umismid si Monica, “Diretsong sagot, Gregorio,” itinaas niya ang mukha, “kahit may milyones ka pa, hinding-hindi mo ako maikakama.”
Hinigit ni Monica ang braso bago siya tumalikod at lumakad palabas ng bakuran.
“Dahil ba single ako? Dahil ba kapag pinatulan mo ako, hindi magtetrending ang pangalan mo? Iyon ba ang gusto mo, Monica? Ang makilala ka kahit masira ang dangal mo?” ani Gregorio na sumunod pa rin sa kanya.
“Oo, kasi kapag nagtrending ulit ako, makikilala na naman ako. Who knows? Baka this time, maging in demand na ako.”
Walang lingon-likod at taas-noo siyang lumakad palayo kay Gregorio.
Pero pagpasok sa bahay ng ate niya, doon pumatak ang mga luhang kanina pa pinaglalabanan ni Monica.
Sa kabila ng lahat, masakit pa rin pala. Masakit mahusgahan ng taong hindi niya napansin na unti-unting nagmamatter na ang opinyon hinggil sa kanya.
BINABASA MO ANG
Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)
Romancehttps://www.ebookware.ph/product/monica-raketera/ "Mahal kita, kahit gaano ka pa kaoportunista." Basta marangal na raket, asahan mo, si Monica, always present. Mag-alaga ng bata, magbenta ng gamit, pati sweet treats, gagawin ni Monica, para kumita n...