“Nagmamadali? May lakad ka, Manong Guard?”
“Wala akong lakad, pero nagmamadali talaga ako. Nagmamadaling mahalikan ka.”
“Aba, sandali! Nakakarami ka na! Hindi ka pa nga kita sinasagot, nakadaming halik ka na! Masyado kang sinusuwerte!” ani Monica, hinigit niya ang kamay at nagpauna papasok ng bahay.
“Oo. Swerte ko talaga kasi sa akin ka napunta,” ani Gregorio na nakasunod pa rin sa kanya hanggang sa loob ng bahay.
Nilingon niya ito at tinaasan ng kilay, “Ipaalala ko lang, ha. Isa akong babaeng masyadong may mataas ang tiwala sa sarili, oportunista at mukhang pera, mga katangiang ayaw mo. Sigurado ka ba talagang mahal mo ako?”
Bumuntong-hininga si Gregorio, bakas ang paghingi ng paumanhin sa mga mata, “Noong una, akala ko talaga oportunista ka at kumabit sa pamilyado. Nakita ko kasi yung mga old post tungkol sa iyo. Maging sa social media page mo, kung ano-anong comments ang nabasa ko tapos wala ka namang comment para ipagtanggol ang sarili mo. Nagtaka ako noong una. Hanggang sa naisip ko na baka totoo, kaya wala kang maidepensa.”
“At hindi ko mapaniwalaang sa likod ng mala-anghel na mukhang ito ay nakatago ang isang oportunista, malandi, at babaeng mukhang pera. Kaya sabi ko, iiwasan kita sa abot ng makakaya ko. Kaso, kapag nakikita kita...” bumuntong-hininga si Gregorio, hinawakan ang pisngi ni Monica.
“Dahil hindi ko naman kayang iwasan ka, sabi ko bibilhin na lang kita. Hindi ako papayag na may ibang makakuha sa iyo. Alam mo bang kahit ang kapatid ko, kinaasaran at pinagselosan ko?”
“Si Macario, pinagselosan mo?!” tinaasan ni Monica ng kilay ang binata. “Hindi mo ba naisip na kung talagang ako ang gusto ng kapatid mo, wala ka pa sa 'Pinas, niligawan na n’ya dapat ako?”
“Naisip ko rin naman iyon. Later na nga lang,” natatawang sagot ni Gregorio.
“Iba ang gusto no’ng loko-lokong iyon, hindi ako. Nagpapatulong lang sa akin iyon. Si Rebecca ang gusto nung playboy pero torpeng kapatid mo.”
Ngumiti naman ang binata, “Sabi nga ni Macario si Rebecca daw talaga ang gusto niya, nagpapatulong lang daw siya sa iyo.” Hinagip nito ang baywang niya, idinikit ang noo sa kanya, “Sorry kung najudge kaagad kita.”
“Hindi mo kailangang magsorry, oportunista naman kasi talaga ako.”
“Ha?” naguguluhang tanong ni Gregorio biglang nailayo ang mukha sa kanya.
“Aba, sa hirap ng buhay, dapat lahat ng opportunity na darating para kumita ng pera, i-grab! Gano’n ang ginagawa ko. Nagbebenta ako ng kung ano-ano online, nagluluto at nagbebenta ng matamis, nagsuzumba ako para maging friends ang mga Titas at Lolas of Taytay para makabenta ng alahas. Lahat 'yon oportunidad na sinamantala ko.”
Napangiti si Gregorio, “Oportunista ka nga. I stand corrected.”
“At hindi ako natatakot o maooffend kapag nasabihang oportunista. Wala namang masamang maging oportunista basta walang tatapakang ibang tao at tama naman ang ginagawa ko.”
“Amen. Tama talaga si Nanay, hindi ka lang matalino, maabilidad pa. Street-smart.” Hinapit siya nito at hinalikan sa tungki ng ilong, “Mahal kita, kahit gaano ka pa kaoportunista.”
“Naks! Sarap sa pandinig!” aniya, iniyapos ang mga braso sa leeg ni Gregorio. Tumaas ang dalawang kilay nito, halatang hindi iyon ang inaantay na sagot niya. Napangiti si Monica, “Mahal din kita. Kahit napakaimpertinente at judgemental mo pa.”
“Mahal na mahal kita, kahit kumikinang at oily ang malapad na noo mo,” anang binata habang hinahawi ang bangs niya.
“Hoy! Makalamapad 'to, wagas!” bahagya niyang tinampal ang dibdib ni Gregorio habang ang binata naman ay dinampian siya ng halik sa noo. May init na bumalot sa puso niya dahil sa ginawa ng binata, “Sabi nga ni Mr. Chin, ang noo kong ito ang magdadala ng swerte sa akin! Asset ko ito. Aminin mo, dahil din dito, kaya hahabol-habol ka sa akin.”
BINABASA MO ANG
Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)
Romancehttps://www.ebookware.ph/product/monica-raketera/ "Mahal kita, kahit gaano ka pa kaoportunista." Basta marangal na raket, asahan mo, si Monica, always present. Mag-alaga ng bata, magbenta ng gamit, pati sweet treats, gagawin ni Monica, para kumita n...