“Monica, naka'y ilang araw kang wala,” bati ni Tatay Kanor habang binubuksan niya ang gate. Katulad ng nakagawian, may himas-himas na naman itong manok na panabong.
“May inasikaso lang po ako sa Laguna,” nakangiting sagot ni Monica.
Ilang araw siyang naroon, pero ilang araw din siya halos di mapakali dahil sa binatang nakatira sa tapat-bahay ng ate niya. Lalo na't noong naghiwalay sila noong biyernes ay hindi niya ito halos pansinin. Kahit na bago ito umalis noon sa kanila ay sinubukan pa siyang kausapin ng lalaki, siya ang pasimpleng umiwas.Dahil kay Gregorio, may narealize siyang isang kahinaan na akala niya'y matagal na niyang naiwala.
Naiinis siya sa sarili. Noon naman ay hindi niya pinoproblema iyon. Kahit na halos hindi makatulog ang mga magulang niya, siya pa ang nagpapayo sa mga ito na wag intindihin ang issue na ipinupukol sa kanya dahil kilala naman siya ng mga ito.
Pero bakit kay Gregorio, hindi niya magawa iyon?
Bakit hindi niya maalis sa alalahanin ang magiging opinion ng iba sa kanya? Ang mismong opinyon ng binata sa kanya? Ang magiging opinyon ng iba sa binata kapag tuluyan itong napaugnay sa kanya?
Akala niya noon, wala na siyang pakialam sa judgement at opinyon ng iba, pero dahil kay Gregorio, lahat iyon, muli, kinatakutan niya.
Akala niya nalampasan na niya iyon, pero isang pangungusap lang mula kay Gregorio, lahat ng takot, nanumbalik sa kanya. Ang takot na iyon ay pilit niyang itinago sa pamamagitan ng pagkukunwari na wala siyang pakialam sa opinyon ng iba. Sa pagpapaniwala sa sarili na kung talagang kilala siya, hindi maniniwala sa sabi-sabi tungkol sa kanya.
Hindi pa niya alam kung tamang solusyon ang biglang pag-iwas sa binata, pero sa ngayon, hindi pa niya alam kung ano ang gagawin. Kung paano haharapin ang nararamdaman niya para sa binata. At kung kakayanin ba niyang pati reputasyon ng binata at ng pamilya nito ay madamay oras na tanggapin niya ang pag-ibig ni Gregorio.
Duwag na kung duwag, pero natakot talaga siyang bigla.
“Sige, Tay. Papasok na po ako,” ani Monica bago tuluyang pumasok sa bakuran. Pero hindi pa niya naisasara ang gate nang may pumigild doon.
Si Gregorio.
Bakas sa mukha nito ang kaseryosohan. At kung pagbabatayan ang panlalalim ng mga mata nito, mukhang hindi rin ito nakatulog nang maayos.
Walang maapuhap na sabihin si Monica. Binuksan na lang niya ang gate at hinayaang makapasok ang binata. Hanggang sa makapasok sila sa loob ng bahay ay walang nagsalita, nagpapakiramdaman lang sila.
Hindi na matagalan ni Monica ang matiim na pagtitig sa kanya ng binata. At sa bawat segundo na tumatagal na hindi sila nag-uusap, lalo lang nadodoble ang lakas ng tibok ng puso ni Monica.
Nakagat ni Monica ang labi. Nagbaba siya ng paningin. Bumuntong-hininga muna siya bago nagsalita, “Kababata at naging kasintahan ko si Andrew. Naging malapit siya sa akin kahit na may kaya ang pamilya nila. Nasa Italy ang nanay niya, at later on, noong makagraduate ng college ay sumunod siya roon. Doon niya nakilala si Eds. Nagkamabutihan sila, nagkaanak, pero later on nagdecide si Andrew na bumalik sa Pilipinas dahil….”
Humakbang si Gregorio palapit sa kanya at tumigil sa mismong harap niya, inangat nito ang kanyang mukha bago ihinarang ang hintuturo sa kanyang mga labi, “Hindi mo kailangang sabihin sa akin. Inirerespeto ko ang desisyon mo tungkol sa mga bagay na mangyari noong panahong wala pa ako sa buhay mo.”
Mula sa pagharang sa kanyang labi ay dahan-dahang kumilos ang daliri ni Gregorio papunta sa kanyang baba. Mas iniangat pa ang kanyang mukha, “Ang gusto kong malaman, bakit bigla mo akong iniwasan.”
Napalunok si Monica. Napakurap siya. Nalalango siya sa emosyong naglalaro sa mga mata ng binata.
“Gusto kong makausap ka noong nasa inyo ako, pero iwas ka nang iwas. Hindi kita macorner noon para paaminin kung ano ba ang problema. Pero ngayon, hindi ako papayag na hindi ko malaman, Monica.”
Mula sa kanyang mga mata ay naglakbay pababa sa kanyang mga labi ang paningin ni Gregorio. At maging si Monica ay nadamay sa pagkauhaw na nasa mga mata ng lalaki. Nanunuyo ang kanyang lalamunan, maging ang kanyang mga labi.
“Natakot ako,” aniya, nagbaba siya ng paningin. “Hindi ko alam kung handa na ba ako na pumasok ulit sa relasyon pagkatapos noon...”
“Iba si Andrew, iba ako.”
“Alam ko. Kaya nga natakot ako. Pati pamilya mo, iba. Inirerespeto ko ang nanay mo, maging ang mga kapatid mo. At ikaw? Oras na mapa-ugnay ka sa akin, tiyak, ikaw, pati ang pamilya mo, mahuhushagan ng mga tao,” sa kabila nang pag-aalangan ay sinalubong niya ang tingin ng binata.
May gumihit na ngiti sa mga labi ni Gregorio, “Ikaw ba talaga si Monica? Kasi yung Monica na kilala ko, walang pakialam sa judgement ng iba.”
Napalunok siya, “Kung ako lang, wapakels ako sa kanila. Pero ang pamilya mo, ikaw, ang reputasyon niyo. Alam nating parehas yung viral issue ko noon. At hanggang ngayon, maraming tao ang hindi magawang limutin iyon. Kapag... Kapag naging tayo, tiyak mauungkat iyon. Nakakahiya sa pamilya mo, lalo na kay Mommy..”
Muling ihinarang ni Gregorio ang daliri sa mga labi, “Sabi ni Nanay sa akin matagal na nilang naririnig ang issue na iyon pero hindi sila naniniwala dahil hindi naman daw nila nakikita na gan’on ka. Naiwas ka pa nga raw sa mga lalaking nangungulit sa iyo. Sa akin mo lang daw inilako ang alindog mo,” anito, nangislap pa ang mga mata.
Sa kabila ng lahat ay umangat ang kilay ni Monica, “Inilako?!”
“Wag mong itanggi. Willing na nga akong bilhin ka noon pa man, di ba? At wag mong ilihis ang usapan. Sabi rin ni nanay na ano naman kung nangyari nga iyon? Nakaraan na iyon, hindi naman dapat ang isang pagkakamali lang ang magdefine ng pagkatao mo. Ang mahalaga natuto ka at nagbago.”
Hindi siya kaagad nakaimik, nakagat lang niya ang labi.
“Kung ang sasabihin ng ibang tao ang iniisip mo, wala akong pakialam doon, pati ang pamilya ko. Wala akong pakialam sa nakaraan mo, ang mahalaga sa akin, ako na ang ngayon at bukas mo.”
May bumikig sa lalamunan ni Monica, biglang nag-uulap ng mga mata niya.
“Wag kang iiyak! Hahalikan kita!”
Tinampal niya ang balikat ni Gregorio, “Napuwing lang ako!” aniya bago pinunasan ang mga mata. “Anyway, salamat sa pagtanggap sa akin, sa pagmamahal sa kabila ng lahat ng issue sa pagkatao ko. Pero for the record, gusto ko lang linawin, moderno man ako sa ibang bagay, hindi 'doon' . Malakas ang loob ko dahil hindi ko isinuko ang Bataan kahit kanino. Manilis na malinis, walang halong tsismis, maputing-maputi ang dangal ko. Makaluma na kung makaluma, pero kasal muna,” taas-noong sagot niya kay Gregorio.
Kumunot ang noo nito, pero makalipas ang ilang saglit ay biglang nag-alab ang mga mata ng binata, nag-isang linya ang labi nito.
“Mag-uusap pa ba tayo o tititigan mo na lang ako?” ani Monica, pinaglandas niya ang dila sa nanunuyong mga labi.
Nanliit ang mga mata ni Gregorio bago umangat ang sulok ng mga labi, “Wala sa choices mo ang plano kong gawin sa iyo, Monica.”
“Wala? Eh ano?”
Imbes na sumagot ay sinakop ni Gregorio ang kanyang mga labi. Hinapit siya nitong palapit. Si Monica naman ay kusa nang yumapos sa batok ng binata.
Hinawakan ng binata ang kanyang pang-upo at bahagya siyang iniangat para mas maglapat ang kanilang mga labi. Nangunyabit nang tuluyan si Monica sa binata kaya tuluyan na siya nitong iniangat. Iniyapos ni Monica ang mga hita sa baywang ng lalaki. Naramdaman na lang ni Monica ang pagsayad ng likod niya sa malamig na pader. Pero hindi naghiwalay ang kanilang mga labi. Napakapit siya sa buhok ng binata nang magsimula itong mas palalimin ang halik na pinagsasaluhan nila.
BINABASA MO ANG
Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)
Romancehttps://www.ebookware.ph/product/monica-raketera/ "Mahal kita, kahit gaano ka pa kaoportunista." Basta marangal na raket, asahan mo, si Monica, always present. Mag-alaga ng bata, magbenta ng gamit, pati sweet treats, gagawin ni Monica, para kumita n...