Chapter 21

2.9K 111 4
                                    

“Tao po? Monica?” anang taong tumatawag sa labas, may kasama pang pagkatok sa gate.

“Istorbo,” ani Gregorio nang humiwalay saglit ang mga labi nito sa kanya, nakanunot-noo pa ang binata.

“Tao po!” muling sigaw ng taong umabala sa kanila.

Napilitang bumitaw si Monica sa binata. Binuksan niya ang pintuan at sinilip ang taong natawag sa labas.

“Monica? Tao po!”

“Tao rin!” ganting sigaw ni Monica bago binuksan ang gate.

“Andy? Anong ginagawa mo rito? Paano mo na….” Hindi na tinapos ni Monica ang tanong. Wala ng silbi kahit malaman pa niya kung paano nalaman ni Andrew kung saan siya naglalagi sa Rizal. Narito na rin lang ito, haharapin na lang niya ang lalaki.

“Monica, pwede ka bang makausap?” ani Andrew sa alanganing tono.

“Sige, once and for all, para matapos na natin ito,” aniya, tuluyang binuksan ang gate para makapasok ang lalaki, na natigilan nang makita ang lalaking nakatayo sa likuran niya.

“Guard on Duty,” ani Gregorio.

“Akala ko driver ka?” ani Andrew.

“All-around boy ako ni Monica,” seryosong sagot ng binata. Pero napatawa si Monica dahil pagkatapos magsalita ay kumindat naman ito sa kanya.

“Kaya kong bantayan ang sarili ko. Salamat.”

“May tiwala ako sa kakayahan mo. Sa ibang tao ako walang tiwala. Hindi lahat ng napasok sa bahay, bisita, 'yong iba, akyat-bahay,” seryosong sagot ni Gregorio pero napatawa ulit si Monica.

“Pasok muna tayo,” ani Monica na nagpauna na papasok ng bahay. “Dito ka po, Manong Guard,” ani Monica, tinapik ang bakanteng espasyo sa bangkong inuupuan niya. Hindi niya mapigilan ang mapatawa nang makita ang mukha ni Andrew, “Mahigpit kasi dapat ang security ko. Alam mo na, expensive ang diamonds. Anyway, anong maipaglilingkod ko?”

“Nabalitaan kong nagkasakit ang tatay mo. Gusto ko sanang pumunta sa inyo para bisitahin si Tatay pati na rin ikaw, kaso baka gumulo na naman kapag may nakakitang nasa bahay niyo ako. Ayaw ko naman na magka eskandalo na naman lalo na't kagagaling lang ni Tatay Tacio sa ospital.”

Tumigil sa pagsasalita si Andrew, waring nag-aalangan kung ano ang kasunod na sasabihin, “Monica, pasensya ka na. Nagulo ang buhay mo nang umuwi ako. Mula noong bata pa tayo, alam mo namang ikaw talaga ang gusto ko. Nakalimot lang ano noong napunta ako sa Italy. Pero nung makita ko ang totoong ugali ni Eds, pinili kong umuwi ng Pilipinas para iwasan s’ya, tuluyang makalayo sa kanya at para balikan ka....”

“Kaso may responsibilidad ka na, Andy…”

“Nag-usap na rin kami ni Eds. Ipinaliwanag ko na sa kanya na susuportahan ko pa rin siya at ang bata. Yun nga lang, hindi ko talaga mapipilit ang sarili ko na pakasalan s’ya. Ako na lang din ang aalis sa bahay dahil hindi ko naman sila pwedeng paaalis doon. Tiyak na magagalit si Mommy kapag nalamang wala sa amin si Eds at ang bata.  Pero ikaw talaga ang mahal ko, Monica…”

Bumuntong-hininga ang binata sa tabi niya. Sa sulok ng mga mata ni Monica ay kita niya na hindi nagbago ang pahinamad na pagkakaupo ni Gregorio, maging ang bored na expression sa mukha.

“Alam kong ang patuloy na panunuyo ko sa iyo ang dahilan ng gulo ngayon sa buhay mo, pero hindi ko kayang sumuko na lang basta. Isa pa, hindi naman kami kasal ni Eds. Wala pa naman talaga akong obligasyong legal sa kanya. Pasensya ka na kung nakalimot ako sa sumpaan natin bago ako pumunta sa Italy. Aminado akong nagkamali ako. Pero sana naman, Monica, mabigyan mo ako ng pagkakataon na mapatunayan sa iyo na mahal kita.”

“Salamat sa pagmamahal, Andy, pero nung araw na malaman ko na may bagong girlfriend ka na sa Italy, naglet go na ako sa iyo. Nakamove on na ako bago ka pa man bumalik dito.”

“Pero wala pa naman tayong formal closure, di ba? Hindi pa tayo formal na nagbreak talaga.”

“The mere fact na kinalumutan mo ang sumpaan natin, na nagkagirlfriend ka doon, na naanakan mo pa nga, closure na ‘yon, Andy. Ano palang gusto mong gawin ko, magmukmok at antayin ka lang? Na habang buhay akong mag-antay sa closure, sa formal break-up na sinasabi mo bago ko harapin ang buhay ko? Hindi nakatali sa ibang tao ang kaligahayan ko, Andy. Nakasalalay ‘yon sa sarili ko.”

Hindi nakaimik si Andrew, nagyuko lang ito ng ulo.

“Nasabi ko na ito noon, Andy, at sasabihin ko ulit ngayon. Wala akong ibang maiiofer sa’yo kundi pagkakaibigan na lang. Yun nga lang, nabigyan ng ibang kulay ang pakikipagkaibigan na iyon. Kung alam ko lang na magiging viral ang ilang beses na pag-papaunlak kong sumama sa iyo, sana umiwas na kaagad ako.”

Napapalatak si Monica nang maalaala kung paano siya hinusgahan ng buong mundo. Kung paanong ang mga lawaran nilang dalawa ni Andrew habang kumakain sa labas ay ginamit para gawing proof ng pagiging home-wrecker, other woman at bitch niya. Lahat ng masasakit na salita, narining niya.

Ang nakakatawa, kung gaano kadami ang masasakit na salitang natatangap niya, siyang dami din ng followers at friend request niya. Pero alam naman niya na hindi concerned ang mga iyon. Gusto lang mauna sa tsismis at kung ano pang balita. Ang iba, para lang makapagmessage ng masasakit o kung hindi man ay malalaswang salita. Pati buhay nga niya, pinagbantaan pa. Kaya nga noong kasagsagan ng issue, nagdeactivate siya. Kung siya lang, hahayaan na lang sana niya, nakiusap lang ang mga magulang niya kaya hanggang ngayon, deactivated pa rin lahat ng accounts niya.

Tanging page na ginagamit niya sa pagbebenta ng mga kung ano-ano ang naka open. Pero maging iyon, hindi nakakaligtas sa mga comment ng mga taong naniwala sa issue na ibinato sa kanya.

Nanatiling tahimik si Andrew, lalo lang nagyuko na ng ulo. Pero kung si Andrew ay halatang malungkot, ang binata sa tabi niya ay pasimpleng hinagip ang kamay niya. Nang magtama ang paningin nila ay ngumiti si Gregorio. Hindi nito ihiniwalay ng paningin sa kanya nang angatin nito ang kamay niya at hinalikan. May init na biglang pumuno sa puso ni Monica. Ginantihan niya ng ngiti ang ginawa ng binata.

“Pakisabi sa Tatay Tacio pasensya na. Hindi ko intensyong guluhin ka at ang pamilya n’yo, lalo na ang magkaroon ng tsismis tungkol sa iyo,” ani Andrew. Bakas sa mga mata nito ang pagsuko.

“Makakarating. Salamat.”

“Tutuloy na ako, Monica,” laglag ang mga balikat nang tumayo ang lalaki.

Sabay silang tumayo ni Gregorio, na hindi pa rin binibitawan ang kamay niya. At matapos maihatid si Andrew sa gate ay hinigit siyang muli papasok sa bahay.

Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon