Chapter 14

2.6K 106 9
                                    

“ANG LALIM NG buntong-hininga mo, Cyst. May problema ba?” ani Miss Toni. Nasa plaza sila at inaantay ang ibang Tita’s at Lola’s of Taytay kaya hindi pa nagsisimula ang zumba.

Hindi na nakasagot si Monica dahil naagaw ng pagtunog ng cellphone niya ang kanyang atensyon. Nang makita niyang ang kanyang ina ay dagli niya iyong sinagot.

“Anak! Anak ang Tatay mo!” anito sa boses na halata ang panic at takot.

Biglang napatayo so Monica, “Naano po ang tatay?” aniya, kung kalmado ang boses niya, ang nerbiyos niya gano’n na lang.

“Hindi makalakad, Anak! Masakit daw ang mga binti niya! Anak umuwi ka muna! Hindi ko alam ang gagawin ko!” umiiyak na ang kanyang ina sa kabilang linya.

Sa kanila ng kaba ay pinilit ni Monica na maging kalmante. Walang mangyayari kung pati siya ay magpapadala sa nerbiyos. Hindi makapag-isip ang ina niya dahil sa takot, at alam niyang siya ang kailangang magtake charge sa ngayon.

“Relaks, Nay. Tumawag kayo ng kapitbahay at isugod n’yo na ang tatay sa ospital. Pauwi na ako, ngayon din.”

“Nakahingi na ako ng saklolo, anak. Nakuha na sila ng tricycle,” anang ina niya na patuloy pa rin sa pag-iyak. Narinig ni Monica sa background ang pagpasok ng ilang tao sa bahay nila at ang pagtatanong ng mga ito sa kalagayan ng ama niya.

“Anak, umuwi ka kaagad. Aalis na muna kami. Tatawagan kita kapag nasa ospital na kami,” anang ina niya bago nito pinatay ang tawag.

Dagling dinampot ni Monica ang bag at basta na lang din niya inilagay sa loob noon ang kanyang cellphone.

“Bakit ka nagmamadali, Monica? Hindi ka ba aattend ng zumba?” ani Mommy A na kararating lang sa plaza.

“Isinugod po ngayon lang si Tatay sa ospital. Uuwi po muna ako saglit sa amin. Ihahatid ko po muna ang mga bata sa Lola nila sa kabilang bayan. Babalik na lang po ulit ako nang madaling-araw dito para makapasok sila sa school bukas. Sa ngayon po, pupuntahan ko muna ang nanay at sisiguraduhing ayos ang lahat. Nag-iiyak at nagpapanic po si Nanay kanina nung kausap ko.”

“Naano ang tatay mo?” anito na bigla ring nag-alala.

“Ilang araw na pong nananakit ang binti niya, pero ngayon po mukhang hindi na kinaya at hindi raw po makalakad. Hindi ko pa po alam ang buong detalye kaya uuwi po muna ako,” ani Monica.

Kinakabahan din siya, pero pinipilit niyang maging kalmante. Hindi makatutulong kung panghihinaan siya ng loob at uunahin ang panic. Hindi niya makausap nang maayos ang nanay niya dahil alam niyang natatakot din ito.

“Kung babalik ka rin naman pala bukas nang ‘daling-araw, sa akin na muna ang mga bata kaysa naman sa kabilang bayan mo pa sila ihatid. Dalhin mo na rin ang damit nila sa bahay at ako na rin ang bahalang maghatid sa kanila sa school bukas para hindi mo na kailangang magmadali pabalik dito. Asikasuhin mo na muna ang tatay mo.”

“Wag na po, Mommy. Nakakahiya na po kung sa inyo ko na naman iiwan ang mga bata.”

“Ang batang ito. Hindi na kayo iba sa akin. Ilang beses na ginawa natin iyan dati tuwing may emergency ka. At may kasabihan tayo na ang kapitbahay ang unang kaanak natin, ang unang tutulong sa oras nang pangangailangan.”

“Pero, Mommy…. ”

“Kuhain mo na ang gamit ng mga bata para makaalis na kaagad tayo.”

Napabaling bigla si Monica sa lalaking hindi niya namalayang nasa likuran pala niya. Ang lalaking ilang araw na niyang iniiwasan. Kahit sa RTW store nina Mommy A ay hindi siya nagpunta. Pinakiusapan na lang niya sa Rebecca na ihatid na lang sa bahay nila ang mga order niya noong biyernes ng gabi para lang maiwasan itong makita sa motorshop.

“Tara, samahan na kita,” ani Gregorio, hinagip ang kamay niya at inakay siya papunta sa nakaparadang kotse.

Nang maglapat ang mga kamay nila ay noon lang nalaman ni Monica na nanlalamig at nanginginig pala siya. Ang malambot na palad niya ay nakulong sa matigas, ngunit mainit na palad ng binata. At ang init na nagmumula sa magkasalikop na palad nila ay unti-unting nagpakalma kay Monica. At sa kabila ng pag-aalala ay hindi napigilan ni Monica ang biglang paglakas ng pintig ng puso.

Kaysa pagtuunan ng pansin ang nararamdaman ay nagpatangay na lang siya sa binata.

Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon