“GOOD AFTENOON, Monica,” ani Mr. Chin habang binubuksan niya ang gate. Katabi nito ang nakangiting si Tim. Kabababa lang niya mula sa kwarto para ihanda ang damit ng mga pamangkin niya nang dumating ang mag-ama.
Inayos niya ang gamit dahil babalik siya ulit sa Laguna ngayong gabi. Ayon sa nanay niya ay gumanda na ang resulta ng laboratory test na ginawa sa tatay n’ya. At kung magtutuloy-tuloy ang pagbuti ng pakiramdam nito ay malamang na bigay na sila ng clearance ng doctor para makalabas na ang tatay niya sa ospital bukas. Dahil wala pa namang kasiguraduhan kung talagang makakalabas ang tatay niya bukas, ihahabilin ulit niya ang mga pamangkin kina Mommy A ngayon, hanggang bukas ng umaga. At dahil biyernes na bukas ay itinawag na niya sa Lola ng mga ito na pwede na nitong sunduin ang mga bata bukas ng hapon pagkatapos ng klase ng mga ito. Gugugulin na niya ang weekend kasama ang mga magulang para mas maalagaan pa ang kanyang ama.
“Good afternoon, Mr. Chin,” ani Monica, nginitian din ang binata sa tabi nito, “Pasok po.”
Ilang linggo niyang naiwasan ang mag-ama sa tindahan ni Mommy A, pero hindi niya naiwasan ang pagpunta-punta ni Tim sa bahay. At alam naman niyang sooner or later ay kailangan niyang harapin ang binata para sabihin ang sagot niya sa panliligaw nito.
Maaring malakas ang loob niya sa ibang bagay, pero hindi sa pambabasted. Lalo na kung kasing bait ni Tim ang babastedin. Kung alam niyang hindi seryoso ang tsinoy sa panliligaw sa kanya, madali lang sa kanyang gawan ng paraan, idadaan na lang niya sa biro ang lahat. Kaso nga lang, seryoso si Tim. At ayaw niyang nakakasakit ng damdamin ng iba. Kaso, ayaw din niyang paasahin ang binata, kaya napagdesisyunan niyang sa kasunod na pagbisita niya ay sasabihin na niya ang sagot sa panliligaw nito. Yun nga lang, kasama ng binata ang tsinong ama.
“Ako sama kasi akin tanong iyo kung kita mo bait Tim,” ani Mr. Chin.
“Ah,” napatango si Monica. Iniabot naman sa kanya ni Tim ang isang box ng chocolate at bouquet ng red roses.
“Salamat,” ani Monica. Napatingin siya sa relo sa braso, alas-kwatro na. Maya-maya ay aalis na sila ni Gregorio.
Katulad kahapon ay magpilit na naman ang binata na ihatid sila sa kanila. Mas kailangan daw nila ng service kung sakaling makalabas ng ospital ang tatay niya bukas. Sinabi naman niyang walang problema doon dahil pwede naman siyang umarkila ng sasakyan, pero hindi sumagot ang binata, tinitigan lang siya. At hindi alam ni Monica kung anong nangyari dahil matagpuan na lang niya ang sariling sumagot ng “Okay,” sa binata.
“Ako di tagal. Ako tanong lang kung iyo kita bait akin anak.”Ngumiti si Monica. Madali sa kanyang sagutin iyon kasi mabait naman talaga si Tim, “Opo.”
Ngumiti din ang tsino, “Buti iyo kita. E di ikaw sagot na akin anak,” ani Mr. Chin, tinapik sa balikat si Tim bago tumalikod.
Napamaang si Monica. Naalala niyang ang sinabi nga pala noong unang pumunta ang mag-ama ay titingnan lang niya kung mabait si Tim, saka niya ito sasagutin. Napangiwi si Monica. Napasubo yata siya.
“Maupo muna tayo,” nagpauna na siya paglakad papunta sa garden set sa harap ng bahay. Sumunod naman sa kanya si Tim. Naupo ang lalaki sa tapat niya.
“Monica, sasagutin mo na ba ako?” ani Tim, lumunok pa ang lalaki, halatang ninenerbiyos.
“Tim, mabait ka. Pero....”
“Kung hindi ka pa handang sagutin ako, okay lang naman Monica. Handa akong mag-antay.”
Huminga ng malalim si Monica. Handang mag-antay si Tim, siya ang hindi handang paasahin ito, “Tim, tingin ko mas magandang malaman mo na ngayon pa lang ang sagot ko.”
“Wag muna, Monica. Bigyan mo muna ako nang pagkakataong mas maipakita pa sa’yo na seryoso ako. Handa akong patunayan sa’yo na malinis ang intensyon ko,” ani Tim. Nagsusumamo ang mga mata ng binata. Wari'y naramdaman na ang isasagot niya sa panliligaw nito ay hindi ang sagot na inaasahan ng binata.
“Alam ko 'yon, Tim. Kaya nga gusto kong maging matapat sa’yo,” ngumiti si Moniaca. “Hindi ako ang babaing nababagay sa’yo.”
“Pero ikaw ang babaeng gusto ko. At kapag ako ang pinili mo, hindi mo na kailangang magtrabaho. Ngayon pa lang, masasabi ko na kaagad na magiging maalwan ang buhay mo. Hindi mo na kailangang magtinda. Magpapabalik-balik tayo sa China, o kahit saang bansa na gusto mo,” malumanay na sagot ni Tim. Nasa boses nito ang pagsusumamo kaya hindi magawang maoffend ni Monica. Alam niyang hindi siya nito gustong silawin sa pera, talaga lang gusto ng binata na mapasagot siya.
At mas lalong nahirapan si Monica na bastedin ang binata. Pero wala siyang magagawa. Kailangan niyang sabihin sa binata na wala talaga itong aasahan sa kanya.
“Gwapo ka naman, at sa nakita ko, masipag rin. Yun nga lang, hanggang kaibigan lang talaga ang pwede kong ibigay sa iyo, Tim.”
“Masyado ba akong nagmadali sa pagtatanong sa iyo? May magagawa pa ba ako para mabago ang isip mo?”
“Pasensya na Tim, pero pinal na ang desisyon ko.”
Tumango si Tim, pilit na ngumiti at laglag ang mga balikat nang tumayo.
Tumayo rin si Monica, “Pasensya na talaga.”
“Nauunawaan at inirerespeto ko ang desisyon mo, Monica.”
“Salamat, Tim,” aniya na lumakad na rin papunta sa gate.
Hindi napigilan ni Monica ang pagtaas ng kilay nang makita ang lalaking nakasandal doon, nakapamulsa at nakatingin sa kanila. Umangat ang sulok ng mga labi nito nang magtama ang mga mata nila.
Nang malapit na sila sa gate ay pumasok nang tuluyan si Gregorio sa bakuran. Sinulyapan ito ni Tim. Tinaguan naman ni Gregorio ang lalaki na gumanti ng tango, tapos ay sumulyap at ngumiti muna kay Monica bago tuluyang lumabas ng gate.
“Gawa mo d'yan? Guard on Duty ka?” ani Monica, tinaasan ng kilay ang binata.
“Oo. Binabantayan kita,” kinindatan siya nito bago isinarado ang gate.
Umingos siya bago ito tinalikuran, “Bah-keet? High value target ako?”
“Oo. Ikaw na rin ang nagsabi noong nakaraan, dyamante ka, di ba?” ani Gregorio na umagapay sa kanya, halata sa boses ang kaaliwan.
Nang makapasok sa bahay ay nagkasabay pa sila sa pagdampot sa bag na naglalaman ng gamit ng mga pamangkin. Kusang bumitaw si Monica. Hindi niya matagalan ang nakapapasong init na nanulay sa balat niya sa saglit na pagdadait nila ng binata. Ngunit bago siya tuluyang makalayo ay nahagip ni Gregorio ang baywang niya gamit ang isang braso nito.
Umawang ang labi niya, halos mabingi siya sa lakas ng tibok ng puso habang ang binata ay may pinipigil na ngiti sa mga labi, halatang ligayang-ligaya sa discomfort niya sa pagkakalapit nilang dalawa.
“Kaya nga binabantayan kita. Baka makuha ka pa ng iba,” anito, muling binitawan ang bag, sinapo ang kanyang mukha at walang babalang siniil ang mga labi niyang nakaawang at waring inaantay ang mainit na halik ng binata.
BINABASA MO ANG
Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)
Romancehttps://www.ebookware.ph/product/monica-raketera/ "Mahal kita, kahit gaano ka pa kaoportunista." Basta marangal na raket, asahan mo, si Monica, always present. Mag-alaga ng bata, magbenta ng gamit, pati sweet treats, gagawin ni Monica, para kumita n...