Chapter 13

4.3K 177 38
                                    

“MONICA, BAKIT HINDI ka na bumalik kahapon?” ani Tatay Kanor, bagong labas sa gate at hinihimas ang alarm clock niya, ang ever reliable manok na panabong nito.

Hindi niya alam kung ilan ang panabong na manok nito sa loob ng bakuran, pero sigurado siyang hindi iyon iisa dahil tuwing umaga, ilang manok ang naririnig niya. Minsan ay nagsasabay pa nga.

“Marami po kasi akong ginawa kahapon kaya hindi na nakabalik,” nakangiting sagot ni Monica.

Kaarawan ng misis nito kahapon. Umorder si Tatay Kanor sa kanya ng yema cake, puto at maja blanca. Nang ideliver niya iyon ay inimbita siyang bumalik. Pero sinadya niyang hindi na bumalik dahil naalibadbaran siya sa isang pamangkin nito. Masyadong presko, feeling gwapo.

“Nag-antay sa’yo si Ronnie kahapon. Akala'y babalik ka,” anito, panay pa rin ang himas sa manok. “Nung malamang ngang diyan lang pala ang bahay mo’y pinuntahan ka. Kaso'y sarado raw.”

Sinadya rin niyang isarado ang bahay at ibaba ang mga kurtina dahil narining niya noong palabas siya ng gate na itinanong nito sa anak ni Tatay Kanor kung saan siya nakatira.

“Busy talaga ang beauty ko, Tay. Alam mo naman po ‘yan,” nakangiting sagot niya.

Napalingon si Monica sa gate sa katapat-bahay nang bumukas iyon. May kung anong init ang biglang gumuhit sa kanyang puso pagkakita kay Gregorio.

Kung noon ay sinasadya niyang magpatangahali sa pagwawalis, with matching effort para lang magpaganda, ilang araw na siyang nagwawalis sa totoong oras ng pagwawalis niya dati.

Pinasadahan ni Gregorio ng tingin ang suot niya. Matapos iyon ay bahagyang kumunot ang noo nito, marahil ay nagtataka kung bakit kakaiba ng get-up niya. Nakapedal pusher siya at loose na tshirt, ang totoong #NoFilter, #NoEdit look niya kapag umaga.

Ito rin ang literal na #WokeUpLikeThis look niya. Pagkagising ay naghilamos lang siya, ipinuyod ng messy bun ang buhok at lumabas na pagkabihis niya ng pajama. Hindi inasahan ni Monica na maagang lalabas ngayon si Gregorio. Ilang araw na siyang nagwawalis na hindi naman sila nag-aabot ng binata.

“Ang sabi ay babalik daw dito mamaya. Magpapasama kay Joey Boy at liligaw raw sa iyo. Mabait iyon si Ronnie. Seaman iyon. Kabababa lang sa barko. May sarili ng bahay iyon sa Cainta. May kotse pa,” ani Tatay Kanor, halatang nagmamalaki ang boses. “At saka…….”

“Kanor, kakain na!” sigaw ng ginang nito mula sa loob ng bakuran.

“Ay siya, antayin mo ba lang ang pagbisita ni Ronnie sa iyo mamaya,” ani Tatay Kanor bago tuluyang pumasok sa bakuran.

Napailing na lang si Monica at muli itinuloy ang pagwawalis.

“Himala. Maaga ka yata,” anang binata na binabalewala niya ang presensya.

“And so?” nakairap na sagot ni Monica. Hindi ipinahalatang naconcious siya sa itsura.

“Nagtataka lang ako. Bakit bigla kang nagbago ng schedule sa pagwawalis?”

“Ano naman sa iyo?” nanalo pa rin ang puso ni Monica, tumigil siya sa ginagawa at tinitigan ang binata, “Alam mo, magulo ka rin. Dati, pinoproblema mo ang tanghaling pagwawalis ko. Ngayong maaga, may problema ka pa rin?”

“Umaasa ka bang nadiyan pa rin sa kabilang bahay ‘yong seaman? Pagkatapos ni Marky at nung Tsino, sa kanya ka naman ba nagpapapansin? Bakit? May asawa ba siya? Iyon ba talaga ang hanap mo? Kontrobersya?” nakakunot-noong tanong ni Gregorio na ikinaikot ng mga mata ni Monica.

“Ipagpalagay na tama ‘yang pinaniniwalaan mo, eh ano naman sa'yo?” ani Monica, namay-awang pa siya, tinaasan ng kilay ang binata.

Hindi kaagad nakaimik si Gregorio.

“Hindi ka naman apektado kung sakaling nagpapacute man ako dun sa seaman, di ba? At dapat nga matuwa ka pa! At least, hindi si Marky ang inaakit ko,” umismid pa si Monica.

“Nic? Inaakit mo pala ako?” anang nakangiting si Marky na bagong labas sa gate.

“Ay nako, Macario,” inismiran niya ito na sinuklian ng tawa ng binata. Bumaling si Monica kay Gregorio at tinaasan ito ng kilay bago tinalikuran ang magkapatid.

“Pasensya na, Nic. Hindi ko naman kasi alam na gusto mo pala ako,” pahabol na sigaw ni Marky, halata sa boses nito ang pinipigilang tawa.

“Oo, Macario, gusto kita, gustong-gusto kitang ingudngod sa kalsada,” aniya bago tuluyang pumasok sa bakuran ng ate niya.

Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon