"AKO NA," ANI GREGORIO, kinuha ang susi sa kamay niya na hindi niya magawang maipasok nang maayos sa seradura.
Napapikit si Monica at kinastigo ang sarili. Dapat ay nag-aalala siya para sa kanyang ama pero nadidistract siya dahil sa binatang kasama. May kung anong damdamin ang lumukob sa kanyang puso dahil kahit na binubuksan ni Gregorio ang pinto, hindi nito binitawan ang kamay niya. Mas lalo pa nga iyong hinawakan nang mahigpit ng binata.
"Monica, relaks ka lang. Kunin na natin ang gamit ng mga pamangkin mo at nang makauwi na kaagad tayo sa inyo."
Ramdam pa ni Monica ang init ng hininga nito na tumama sa kanyang pisngi. At imbes na marelaks, lalong siyang natorete.
Tumango siya at huminga ng malalim para paglinawin ang isip at magkapagfocus sa kailangang gawin. Nang mabuksan ni Gregorio ang pinto ay hinigit na niya ang kamay at dire-diretso siyang umakyat sa second floor.
Binuksan niya ang aparador at naglabas ng damit pambahay, pantulog at uniform ng mga pamangkin. Ipinatong muna niya iyon sa kama bago niya kinuha ang sapatos ng mga ito.
"May maitutulong ba ako?" ani Gregorio na nakatayo sa may pintuan ng kwarto ng mga bata.
"Pakuha naman ng backpack ko. Nakasabit sa pinto ng kwartong kasunod nito," iniabot niya rito ang susi bago muling inayos ang pagkakatiklop ng damit ng mga pamangkin.
Narinig niya ang pagbukas ng pinto ng kwarto at ang pagtawa ni Gregorio. Napakunot-noo si Monica bago siya biglang natigilan.
Dali-dali siyang tumakbo papunta sa kabilang kwarto at nadatnan niya roon si Gregorio, hawak ang bag, nakangiti habang nakatingin sa printed paper na nakadikit sa likod ng pinto.
Lumingon ito sa kanya na bakas sa mga mata ang kaaliwan. Tumaas ang dalawang kilay nito, halatang inaantay ang paliwanag niya.
"Bakit binasa mo 'yan? Sabi ko kunin mo lang ang backpack!" aniya para pagtakpan ang pagkapahiya.
"Para saan ito, Monica?"
Nasa mga mata nito ang panunudyo, itinuro ang printed paper na may nakasulat na "Hindi ko bet si Gregorio", na sa kasamaang palad, nang ireprint niya nang mas malaki kaysa sa naunang gawa niya, ay sinamahan pa niya ng stolen shot ng binata. Nakazoom pa naman ang kuha.
"Wala! Labas na! Nakalimutan kong bawal nga pala ang lalaki sa kwarto ko," itinulak niya si Gregorio palabas.
Nagkusa namang lumabas ang lalaki. Sa lakas nito, nasisigurado niyang kung hindi ito magkukusang magpatulak sa kanya ay hindi man lang niya ito matitinag sa pagkakatayo.
"Hindi mo ako bet, ha," anito na tatawa-tawa pa rin.
"He! Tumigil ka!" Pinandilatan niya si Gregorio.
"Kesa kunin mo ang iba na may nagmamay-ari na, ako na lang. Walang magagalit na iba," ani Gregorio na nanunudyo pa rin ang ngiti.
Hindi siya umimik, sa halip ay inirapan ito.
"Tama ako, di ba? Kahit free, makukuha kita," anang lalaki na bakas na bakas ang kaaliwan sa mga mata.
"Hindi! Hindi nga kita bet, di ba? Kababasa mo lang sa notice sa pinto. Itsura nito!"
"Itsura ko? Gwapo. Bagay sa'yo," anito na kinindatan pa siya.
Hindi sumagot si Monica. Inagaw niya ang bag at saka siya taas-noong naglakad papunta sa kwarto ng mga pamangkin. Nakasunod sa kanya si Gregorio na tatawa-tawa pa rin. Hindi ito pumasok sa kwarto, sumandal lang sa hamba ng pinto at humalukipkip. Nasa labi pa rin nito ang ngiti na animo'y may nadiskubreng napakaimportanteng bagay.
BINABASA MO ANG
Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)
Lãng mạnhttps://www.ebookware.ph/product/monica-raketera/ "Mahal kita, kahit gaano ka pa kaoportunista." Basta marangal na raket, asahan mo, si Monica, always present. Mag-alaga ng bata, magbenta ng gamit, pati sweet treats, gagawin ni Monica, para kumita n...