Chapter 2

4.7K 180 19
                                    


Nabura  ang ngiti sa labi ni Monica. At hindi niya napigilan ang pagtaas ng kilay.

"Kilala kita. At malas mo dahil hindi mo 'ko kilala. Hindi tayo close, pero ang pamilya mo, kaclose ko," may kataray na ring sagot ni Monica.

Aba! Aba! Aba! At aba pa ulit!

Hindi porke't macho at gwapo ito ay papalampasin niya ang kasupladuhan nito.

No pwede! De-hins ubra!

Ipinanganak at lumaki si Monica sa probinsya, pero hindi siya tipikal na probinsiyana. Kaprobinsya niya si Rizal, pero hindi siya tipong-Maria Clara. Hindi siya mahinhin at tahimik na dalaga, kabaliktaran pa nga siya noon. Mas nananalaytay sa dugo niya ang pagiging rebolusyonarya. Hindi siya pasisiil. Over her beautiful face and sexy body!

"Good morning, anak," singit ni Mommy A. "Kakain ka na ba? Luto na itong request mo."

"Sige po," anito, lumakad papunta sa lamesa, isinampay ang tuwalyang hawak sa sandalan ng bangko at naupo roon. Ni hindi man lang siya pinansin.

Umangat ang kilay ni Monica. Pinaglandas niya ang kamay sa buhok, inayos ang bangs tapos at itinulak patalikod ang buhok na nakalagay sa may balikat. Feeling commercial model ng shampoo. Ganoon siya kapag naiinis. At naiinis siya sa lalaki.

Itsura nito!

Oo nga, gwapo, pero maganda naman siya! Marami ring natutulala kapag una siyang nakikita!

Ang paghangang naramdaman kanina ay biglang nabura. Aanhin niya ang gwapo kung ganito kasuplado? Wala naman siyang natatandaang ginawa niyang masama rito para tratuhin siya nito nang ganoon.

"Tuloy na po ‘ko, Mommy," naglakad na siya palabas ng kusina.

"Sandali, Monica. Akala ko ba makikikape ka?"

"Hindi na po. Salamat na lang, Mommy A. Matigas po pala ang pandesal." Hindi na siya interesado. Hindi na siya natatakam. Matigas pala ito, matigas ang mukha.

"Ipapakilala pa kita sa anak ko," pinatay na nito ang kalan, lumapit sa dish rack at kumuha ng mga plato. Hahainan na ang lalaking nakaupo sa kabisera.

Tumigil naman sa paghakbang si Monica at napalingon ulit sa lalaki, na nakatingin din pala sa kanya. Tinaasan niya ito ng kilay. Ipinaparating niya sa tingin na hindi na siya interesado. Pero ang magaling na lalaki, ngumiti lang nang nakakaloko.

Juice kong pineapple na malamig! Ang supladong lalaki, mas makalaglag panty nang ngumiti!

Supladong pa-fall ang mokong na ito. 

Kumibot ang labi ni Monica, ngunit imbes na gumanti ng ngiti ay pinaglapat niya iyon nang mariin. Hinawi niya nang bahagya ang bangs para makita nito na ang nakataas na kilay ay lalo niyang itinaas.

Pagkatapos siyang supladuhan, bigla siyang bibigayan ng makalaglag panty na ngiti? No pwede! Kung gusto nitong tuluyang malaglag ang panty niya, mag-effort ito! Hindi siya magpapadala sa ngiti!

"Siya nga pala ang anak kong si Goryo."

Tumago si Monica bago nagkibit-balikat. Alam niya kung bakit gusto ni Mommy A na magkakilala sila nang maayos ng anak nito. Madalas nitong sabihin sa kanya na sana raw ay katulad niyang masipag at maalam humawak ng pera ang mapangasawa ng anak. Mas mabuti pa nga raw kung siya na talaga ang magugustuhan ni Gregorio. Tiyak na mapapalago raw niyang lalo ang pinaghirapan ng anak nito.

Tinawanan lang niya iyon noong una. Pero dahil ilang ulit na sinabi iyon ng ginang sa kanya, sinakyan na lang niya. Kaya naging Mommy A ang tawag niya rito.

"Gregorio, Nay," nilingon nito ang ina.

"Hus! Gregorio, Goryo, ikaw rin iyon," ikinumpas nito ang kamay, bago bumaling sa kanya ang nakangiting ginang, "Siya naman si Monica. Yung madalas kong ikwento sa’yo."

Sabay na umangat ang dalawang kilay ni Monica. Hindi niya inaasahan iyon. Kung ganoon ay habang inilalako nito sa kanya ang anak, ibinebenta na rin pala siya ni Mommy A sa lalaki?

"Yung babaeng kung ano-anong trabaho ang pinapasok? At kung ano-ano ang ibinebenta basta lang magkapera?" ani Gregorio, umangat ang sulok ng labi nito, halatang hindi impressed sa kanya.

Laglag ang panga ni Monica! Aba talaga naman! Anong akala nito? Mukha siyang pera? Hindi ba pwedeng masipag lang siyang talaga?

Nanliit ang mga mata ni Monica. Ganoon ang tingin nito sa kanya? Des pwes! Makikita ng lalaking ito kung sino siyang talaga!

“Judgmental much?!” namay-awang pa si Monica.

“Bakit, hindi ba?” ani Gregorio, na sinabayan nang nakakalokong ngiti.

Bahagyang ibinaba ni Monica ang kamay na nakakapit sa baywang, sa tapat ng pedal pusher na suot niya. Mahirap na, baka may malaglag na hindi dapat. Letsugas na ngiti kasi ‘yon, nakakasira ng garter. Nakakagigil!

“Kahit ang mga Facebook friends mo, iyon ang comment, di ba?”

Hindi napigilan ni Monica ang mapaismid. Sooooo…. Inistalk siya nito sa Facebook at naniwala sa ilang comments na nabasa mula sa mga “friendly friends” niya. Walang benefit of the doubt, may judgement kaagad ang binata.

“Judgmental ka talaga, ha. Malas mo lang. Kasi nasa point na ako ng buhay ko na kapag may nang judge sa akin, ipagpiprint ko pa ng critiria for judging!”

“Talaga? Nasaan ang grading sheet? Lalagyan ko na ng score,” ani Gregorio, nginitian na naman siya nang nakakaloko.

“Hindi ako na-inform na ijujudge pala ako ngayon. Sa susunod, magpiprint na ako.”

“Okay. Bigyan mo kaagad ako.”

“Okay! Antayin mo!” mapanghamong sagot ni Monica.

Hindi sumagot si Gregorio. Pinagsalikop lang nito ang mga braso sa tapat ng dibdib, na lalong nagpa-define ng biceps nito. Napatingin tuloy doon si Monica at tuluyan na siyang nadistract.

Letsugas! Bumigay yata ang garter!

“At saka……. At saka…..” Sheeet na malagkeeet, ano nga ba ulit ang sasabihin niya?!

“At saka ano?” muli na namang ngumiti ang binata.

“At saka agang-aga, pahubad-hubad ka! Mapulmonya ka sana!” ani Monica. Inirapan niya ito, bago siya taas-noong nagmartsiya palabas ng kusina.

Lalong nagsalubong ang kilay niya nang marinig ang mapanghalinang halakhak ng supladong pa-fall at judgmental na binata.

Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon