Chapter 9

3.5K 175 3
                                    

“TANGHALI NA, ngayon ka pa lang nagwawalis?” ani Gregorio pagtigil sa tapat ng gate ng mga ito. Nakamotor ang lalaki, may hawak na supot.

“Bakit ba lahat ng gawin ko, affected ka?” ibinaba ni Monica ang walis sa tabi ng naka-expose na hita. Aba'y hindi naman nakakahiyang ibilad iyon, makinis, maputi, bilugan.

Gamit na gamit niya ang Girl Scout motto. Kahit na sa unang tingin ay mukhang hindi siya handa, pinaghandaan talaga niya ang paghaharap nila ng binata. Inaral niya ang karaniwang oras nang pagbili nito ng pandesal. At katulad ng mga #WokeUpLikeThis sa social media, ganoon din ang peg niya. Ang damit niya ay simpleng pambahay lang, pero highlighted ang mga kurba at hiram na klibada. Naka “no make up" make up pa siya, kahit agang-aga.

Hindi sumagot ang lalaki, pinasadahan lang nito ng tingin ang kabuoan niya.

Bahagya siyang yumukod at hinawakan na ulit ang walis. Aba'y sayang ang figure na ilang minuto niyang sinipat sa salamin kung hindi mapapansin ng binata.

Sa sulok ng mga mata ay nakatingin siya sa lalaki. At gusto niyang tumawa nang tuluyan nang nawalan ng salita ang binatang kaharap, napatitig na lang sa kanya.

Ha! Matitikman nitong muli ang bagsik ng kanyang ganti! Ang garter ng brief naman nito ang sisirain niya.

Nananalo siya sa laro na ang binata mismo ang nagsabi sa kanya, at sa lebel ng laro niya, umpisa pa lang, walang panama ang binata.

Umangat ang sulok ng labi ni Monica.

Habang nakayuko at nagwawalis ay bahagya niyang itinaas ang mukha, “Ano? Kung nagpapakita ka na sana ng bank account, posibleng hindi lang tingin ang magawa mo,” aniya bago kinindatan ito.

Nanliit ang mga mata ni Gregorio, humigpit ang pagkakahawak sa paper bag na dala. At sa kabila ng lahat, hindi inasahan ni Monica ang nakakikiliting kilabot na nanulay sa balat niya dahil sa uri ng tinging ibinigay sa kanya ng binata. 

“Good morning, Nic,” ani Marky na bagong labas sa gate, lumapit sa kapatid at hinawakan ang manibela ng motor. Matapos bumaba ni Gregorio ay ito naman ang sumakay sa motor.

“Good morning, too, Maracario,” aniya na binigyan ito ng matamis na ngiti. Nagpasalamat siya sa distraction dahil sa pagdating nito.

“Ito, laging buong pangalan ang tawag sa akin.”

“Macario naman ang pangalan mo. Bakit, ikinahihiya mo?” Tumigil si Monica sa ginagawa at namay-awang.

“Payag na ako na iyan ang itawag mo sa akin, basta pumayag ka rin sa gusto ko,” anito na nginitian pa siya.

Napatawa si Monica. Pero kahit nakatingin kay Marky, sa sulok ng mga mata niya at kita niya kung paano siya patuloy na bistahan ng kuya nito. At kahit na sinadya at pinaghandaan niya ang pang-aakit sa lalaki, ang hindi niya napaghandaan ay ang unti-unting init na nabubuhay sa sikmura niya dahil mainit na pagtitig ng binata.

Huminga siya ng mamalim, pasimpleng niyoko ang sarili. Umusal siya ng pasasalamat sa ilalim ng hininga. Hindi siya lugi sa biniling push-up bra. Materiyales fuentes! Hindi halata ang pagtungon ng dibdib niya dahil sa nagbabagang tingin ng binatang agang-aga ay sinasadyang akitin niya.

“Sige, papayag ako, basta tama ang presyo.”

Kumamot ito sa ulo, “Ito naman si Nic, para wala tayong pinagsamahan.”

“Wala talaga dahil hindi mo pa ako ma-afford, di ba? At saka alam mo naman ang motto ko, money makes the world go round. Magbayad ka, serbisyuhan kita,” aniya na sinabayan ng kibit-balikat.

“Payag na ako. Magkano ba?”

“Marky, tatanghaliin ka, bubuksan mo pa ang shop,” ani Gregorio na salubong ang kilay, “At yung sinabi ko sa iyo, nakalimutan mo na ba?”

“Alin do’n, Kuya? Ang dami noon, hindi ko matandaan kung alin.”

Imbes na sumagot ay sumulyap sa kanya si Gregorio, nanliliit ang mga mata nito. Gusto niyang tumawa sa itsura nito. Kahit papaano ay nakaganti siyang muli sa binata. Babala, selos at pagnanasa ang mababakas sa mga mata nito.

Ngumiti si Monica, “Hindi ko ipinilit ang sarili ko. What can I say? Mabenta ako. Kapatid mo ang may kailangan sa akin. At willing siyang magbayad. So...” aniya na ikiniling pa ang mukha.

Nagtangis ang mga bagang ni Gregorio, dagling tumalikod at pabalabag na isinarado ang gate.

Napalingon si Marky sa gate, “Anong nangyari dun?”

“Ma at pa,” aniya na nagkibit-balikat, pero ang ngiti sa labi ay hindi niya napaglabanan.

“Double meaning yung sinabi mo, eh,” ani Marky na nakatitig sa kanya, “Anong meron sa inyo ng kuya ko?”

Tumawa si Monica, “Wala.”

“Macario, umalis ka na,” sigaw ni Gregorio mula sa loob ng gate. 

Napailing si Marky, binuhay na ang makina ng motor, “Alis na nga ako. Baka madamay pa ako sa gulo n’yo.”

Monica, Raketera (PUBLISHED @ ebookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon