Sigaw Ng Pusong Pipi

139 3 0
                                    

Hindi ko alam kung saan ako magsisimula
Maging ang pagbuka ng bibig ay di ko magawa
Pilit hinahanap ang mga salita
Na sa isip at dila ay tuluyan ng nawala.

Mga katagang nais kong bigkasin
Ay di ko magawang sabihin
Pilit ko mang isipin
Tila sila ay tuluyan ng lumisan sa akin.

Mahal kita noong una pa lang
Ngunit yan ay hanggang sa isipan na lamang
Sapagkat sayo at sa akin ay may hadlang
Nakaraan mong pilit humaharang.

Pilit ko mang intindihin
Na ikaw ay may dala pang pasanin
Mga ala-ala niyong di magawang alisin
Kahit gaano mo pa naisin.

Unang pag-ibig na di mo malimutan
Mga ala-alang pilit binabalikan
Tila tayo ay naghahabulan
At sa larong ito ako ang talunan.

Ano nga ba ang magagawa ng isang tulad ko?
Walang ibang alam kundi ang sumunod sayo
Bumuntot na parang aso
At magmakaawa sa isang tulad mo.

"Mahal mo naman ako," tulad ng lagi mong sinasabi
Naniwala naman ako na para bang tunay ang yong sinabi
Ngunit ramdam ko na siya pa rin ang iyong tinatangi
Wala akong ibang magawa kundi maging bulag at bingi.

Hanggang kailan ba ako handang maging aso?
Bumuntot at magmakaawa sa tulad mo
Atensyon lang naman ang hinihingi ko
Hindi mo na nga kayang ibigay,
Pinaglalaruan mo pa ako.

Ako naman itong si tanga, tuwang tuwa pa
Walang pakialam sa sasabihin ng iba
Maging kaibigan ay tinalikuran na
Idinamay pa ang sariling pamilya.

Ngunit isang beses ay naumpog ako
Sa pader na kasing tigas ng ulo ko
At doon ay napagtanto ko
Ang babaeng nakikita niyo ay hindi na ako.

At sa aking pagkakaumpog ay may natutunan ako
Na sa larangan ng pag-ibig, dapat ay dalawa kayo
Hindi mo kailangang maging bulag at bingi para lang makuha ang gusto mo
Hindi mo kailangang makipag habulan kung alam mong ikaw ang talo
Hindi ka na bata upang pumasok sa isang laro
Hindi mo kailangan ng isang gago upang ikaw ay magulo
Dahil dadating ang panahon at tao,
Na nakalaan para sa'yo.

Spoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon