ALTAIR
"Hinto!" Sigaw ng isa na air force nang makita niya ang kalagayan ng babaeng berde.
Agad na nahinto ang paglaban ng air force at napaatras ng kaunti.
Naningkit ang mga mata ko habang hindi tinatanggal ang mga tingin ko sa babae. "Mukhang importante ka sa kanila."
Ngumisi ang babae sa akin. "Siguro?" patanong na sagot niya. "Alam mo, wala talaga kaming balak na atakehin kayo nung una. Kaso na-bored na kami. Kaya nung makita namin kayo na mabilis na nagpapatakbo ng kabayo niyo, sumali kami. Nakikipag-laro lang kami sana sa inyo eh."
Nakangiti lang siya habang nagsasalita. Parang hindi niya alintana ang talim ng katana ko na nakatutok sa kaniyang leeg.
"Bakit kayo nasa kagubatan? Nagmamanman? May inaabangan?" Seryoso kong tanong sa kaniya.
Umirap siya sa akin at bumuntonghinga. Mas inilapit ko pa ang dulo ng katana ko sa leeg niya at nakita ko na tila nagkaroon ng kulay pula sa leeg niya.
"Oh chill. Actually, may ipinapabigay na mensahe ang pinuno namin sa inyong mga army. Naghihintay kami ng pagkakataon kanina kung paano at kanino namin maibibigay ang mensahe. Tapos saktong nakita namin kayo kanina na biglang nagpatakbo ng mga kabayo niyo. Kaya naisipan namin na makipag-laro muna. Nakakabagot na rin naman kasi," paliwanag niya.
Sandaling napakunot ang noo ko. "Mensahe? Anong mensahe?"
"Tss. Pakawalan mo muna ako," aniya.
"Hindi," madiin kong sabi. "Sabihin mo."
"Hindi ako magsasalita hangga't hindi mo ako pinapakawalan."
"Pwes, hindi masasabi ang mensahe ng pinuno mo."
"Edi hindi kayo makakapaghanda. Mabibigla na lang tuloy kayong lahat sa susunod na mangyayari."
Sandali akong nag-isip.
"Ako lang ang may dala sa mensahe ngayon. Wala nang iba," dugtong pa niya.
Napaisip ako sa sinabi niya. Hindi raw kami makakapaghanda kapag hindi namin malaman ang dala niyang mensahe ngayon.
Argh!
Dahan-dahan kong inilayo ang talim ng katana ko sa leeg niya. Baka kung ano gawin niya. Pero nang wala siyang ginagawang masama, agad din akong tumayo at umatras patungo sa grupo ng red army ko.
Tumayo siya at agad naman siyang pinalibutan ng air force. Pinagpag muna ang kasuotan niya bago magsalita.
"Sya nga pala, magpapakilala na rin ako. Gwen Green. Kanang kamay ni Jerson Redfox na anak ng pinuno namin." Marahan siyang yumuko.
"Tsk. Pati pangalan berde rin. Babaeng berde," rinig kong komento ni Ryoran.
"At least hindi green minded," sagot naman ni Gwen. Natawa pa siya.
Jerson Redfox... siya ang pumatay sa papa ko. Tss. Anak pala ng pinuno ng kampon ng kadiliman ang lalaking iyon.
May isang lalaking air force ang lumapit sa kaniya at ibinigay ang isang scroll. Kinuha ito ni Gwen at saka binuksan ito. Binasa niya ang nakasulat.
__________
Pagbati sa inyo, Elemental Army.
Gusto kong sabihin na ako'y sobra nang nababagot. Pagod na ako sa paulit-ulit na laro natin. Mga larong hindi tapos, palaging bitin. Bawat pagkakataon na nagtutuos ay puro walang katiyakan kung sino ang nananalo. Nakakapagod nang umulit-ulit.
Kaya napag-isipan kong hamonin kayo ng isang laban; maglaan ng espesipikong oras para magtuos ang ating grupo. Para malaman na natin kung sino nga ba talaga ang mas malakas. At sa kabilang banda, magbayad kayo sa kinuha niyo sa akin.
Hinahamon ko kayo, Elemental Army. Sa makalawa, araw ng Biyernes, nais ko na maganap ang pagtutuos sa silangang bahagi ng kagubatan. Isang maluwag na damuhan ang naroroon at dagat. Isang bangin ang naghahati sa malawak na damuhan at karagatan. Nais kong doon makipagtuos sa inyo. Alas-tres ng hapon ay dapat sumipot kayo.
Kung hindi kayo sumipot, asahan ninyo na dadanak ang dugo ng mga tao na inyong prinoprotektahan. Sisiguraduhin kong tatatak sa kanilang isipan ang mundo natin. Tayong mga hindi ordinaryo.
Pumili lang kayo kung ano ang gusto niyong mangyari. Maghihintay ako. Hihintayin namin kayo sa nasabing lugar at araw.
—Narako Redfox
__________
Pagkatapos basahin ni Gwen ang nasa scroll, muli niya itong ibinalik sa pagkakarolyo at ibinato sa akin. Nasalo ko ito ko.
Tiningnan ko ang scroll na ito at sa kaniya.
"Naibigay ko na sa inyo ang mensahe ng pinuno namin. So, kitakits na lang siguro sa nasabing araw... kung sisipot kayo," nakangising saad ni Gwen na nagsisimula nang humakbang paatras.
Nang umaatras na rin ang mga kasamahan niya, magtatangka na sana ang red army na habulin sila pero itinaas ko ang isa kong kamay para pigilan sila. Wala na rin namang saysay kong hahabulin pa nila dahil alam kong hindi sila lalaban at tatakas na lang. Afterall, itong sinasabing mensahe lang siguro ang talagang gusto nila na maibigay sa amin.
Tinitigan ko ang scroll na hawak ko.
"Commander," tawag sa akin ni lieutenant na nasa likuran ko na ngayon.
Nilingon ko siya. "Maghanda kayo rito habang babalik ako ngayon din sa EAMC para i-abot ito sa heneral."
*****
BINABASA MO ANG
Elemental Army
FantasyMabilis at biglaan ang nangyari. Estudyante pa lang sila, naging representative at halos isang araw lang ay naging commander na ang ilan dahil sa nangyari sa EGA. May responsibilidad na sila Altair bilang commander. Magpapatuloy ang hindi natapos na...