THIRD PERSON
"Wala ka rin bang balak na itigil na ang pakikipag-kompitensiya at panggugulo?" Sunod na tanong ng heneral.
Napatigil sa pagtawa si Narako at sandaling napatitig sa heneral ng seryoso ng ilang sandali. Napangisi ulit siya.
"Wala," madiin na sagot ni Narako.
"Ano ba kasi ang nasa isipan niyo para umabot ng ganito?" Tanong ng heneral.
Napalingon silang dalawa sa paligid kung saan ay patuloy lang ang paglalaban-laban ng kanilang mga hukbo. Saka muling nagkatinginan sa isa't isa.
"Hindi kami nakikipag-kompetisyon sa inyo," dugtong pa ng heneral.
"Pero sumusulpot kayo sa kung nasaan kami at nagpapabida," agad na kontra ni Narako.
"Dahil nanggugulo kayo. Lalo na kung ang mga ginugulo niyo ay ang mga inosenteng tao."
"Tsk."
"Inuulit ko, hindi kami nakikipag-kompitensiya sa inyo. Ayaw rin namin ng gulo. Kung ano man ang mga hinanakit ninyo, pwede naman nating idaan sa usapan na lang, diba?"
"Neknek mo," mapang-asar na sagot ni Narako. "Maliban diyan, gusto ko rin na pagbayarin kayo."
Napakunot ng noo ang heneral. "Pagbayarin?"
"Oo. Magbayad kayo sa kinuha niyo sa akin."
"Kinuha? Wala kaming kinukuha sa inyo. Kung meron man, ano naman iyon?"
Mapait na ngumiti si Narako bago sumagot. "Ang pinakamamahal kong asawa."
Sandaling natigilan ang heneral. Iniisip niya kung ano ba ang ibig sabihin ni Narako dahil hindi niya makuha ito.
"Sobra dekada na ang lumilipas. Namatay ang asawa ko dahil sa inyo."
Marahang naihilig ng heneral ang kaniyang ulo nang inaalala niya ang mga kaganapan ilang taon na ang lumilipas.
"17 years ago," pagpapatuloy ni Narako.
"Sumugod kayo sa EAMC," agad na dugtong ng heneral at marahang napatango. "Naalala ko nga. Ikaw at may kasama kang isang babae. Hindi kayo halos magkahiwalay."
"Pinatay niyo siya. Kinuha niyo siya sa amin---sa akin."
Hindi nagsalita ang heneral at hinintay lang ang mga susunod na sasabihin ni Narako. Gusto niyang marinig kong ano man ang mga nasa isipan nito. Baka sakali ay may makuha siyang pwedeng magamit para itigil na ang laban at mga gulo.
"Alam mo ba na pinilit ko siyang buhayin ulit? Gumawa ako ng ibang paraan para maibalik siya. Humingi na rin ako ng tulong sa itim na mahika... Gumawa ako ng mga hakbang para ibigay ng itim na mahika ang buhay ng aking mahal na asawa. Nagbaba ako ng kautusan sa aking hukbo na mag-likom ng dugo ng mga kababaihang army na mayroon nang mga anak. Maski mga nagbubuntis pa lamang. Kung mayroong haharang sa gagawin nila, paslangin na rin."
Napakunot ang noo ng heneral sa isinasalaysay ni Narako. Tila pamilyar ang sinasabi nito. Itinuon pa niya ang kaniyang pakikinig kay Narako.
"Nagawa iyon ng aking mga alagad. Nakalikom nga sila ng mga dugo ng mga ina na army. Alam mo ba kung bakit mga army ang napili ko? Dahil mas malaki ang tyansa na matuwa ang itim na mahika kung ang dugo na i-aalay namin ay mula sa mga pinagpalang nilalang na nagkaroon ng kapangyarihan. Kapag mas matuwa ang kadiliman, ibibigay niya ang hinihingi ko," marahang ngumiti si Narako sa kaniyang sinabi. Ngunit napawi agad ito nang makita niya na itinaas ng heneral ng army ang palad nito para senyasan niyang huminto sandali sa pagsasalaysay.
Nakakunot ang noo ng heneral habang deritsong nakatingin kay Narako. Ngayon ay naalala na niya.
Ilang taon na ang nakakalipas ay may reports nga sa buong Elemental Army na may mga pinapaslang. Karamihan sa mga ito ay mga ina. Isa sa mga biktima ay ang ina ng triplets na Imperial, asawa ng dating commander Shin at Hideo.
BINABASA MO ANG
Elemental Army
FantasyMabilis at biglaan ang nangyari. Estudyante pa lang sila, naging representative at halos isang araw lang ay naging commander na ang ilan dahil sa nangyari sa EGA. May responsibilidad na sila Altair bilang commander. Magpapatuloy ang hindi natapos na...