Chapter 36

3.8K 128 17
                                    

ALTAIR

Dumating na ang araw. Ang bilis ng oras. Halos hindi na namin namamalayan na gumagabi at umaaga na dahil sa paghahanda. Tila ang isang oras ay parang naging isang minuto na lang.

Ngayon ay papasok na kami sa EAMC kasama ang hukbo ng red army na isasama sa laban. Bago kami umalis kanina ay nagpapaulit-ulit na ako sa pagpapaalala sa kalahati ng red army na magiging bantay sa campus. Lahat ng captain ay naiwan doon para sila ang manguna sa grupong naiwan. Paulit-ulit ko na pinapaalala sa kanila na maging alerto silang lahat sa kahit na anong oras. Maging matalas ang mga mata't tainga sa pagmamasid sa paligid ng campus. At higit sa lahat ay palaging ihanda na ang kanilang mga sandata. Nagpahanda na rin ako ng ilang piling red army na naiwan doon na gumawa ng paraan na magbigay ng babala sa amin kapag makakita sila ng kalaban within sa vicinity ng campus para maging aware kami at makagawa agad ng aksyon.

Maga-alauna na ng hapon ng makarating kami sa EAMC. Pagkapasok namin, bumungad sa amin ang ibang army group na nandirito na. Hindi naman first time ko na makita ang dami ng army na nandirito, pero iba ang awra ngayon. Ang huling pagkakaisa ng mga army sa plaza na ito ay puro nakangiti. Ngayon ay halos lahat seryoso.

Pagkababa ko sa kabayo ko ay agad kong hinanap ang heneral para mag-report na nandirito na kami. Pagkatapos ay naghintay kami sa iba pa.

Nang muling bumukas ang gate, dumating naman ang grupo ng royal army. Ngunit halos lahat kaming narito na sa EAMC ay tila titig na titig sa nangunguna sa kanila.

Hindi si Commander Hideo. Ngunit nakasuot ito ng cap ng pagiging commander sa royal army. Nasa likod naman nito ang lieutenant ng royal army.

"Ayo. Si Lucian yan? Teka bakit may cap siyang suot? C-commander na siya?" Halos nanlalaki ang mga mata ni Ryoran na nakatitig kay Lucian na bumababa na ngayon sa kaniyang kabayo.

Agad na humarap sa aming lahat ang lieutenant ng royal army. Nag-salute ito.

"Lieutenant Carlo, reporting on duty! As of yesterday, Lucian Imperial has officially been declared the royal army's new commander," derektang saad nito.

Woah. Napangiti kaming lahat at pinalakpakan si Lucian.

'Congrats, Lucian,' sabi ko sa isip ko habang pumapalakpak.

Humarap na sa amin si Lucian at nag-salute ito. Seryoso lang siya. Ito yung talagang awra niya na nakilala ko siya. Sinabayan na rin namin siya sa pagsalute.

Napalingon na lang kami kay heneral nang marinig namin ang kaniyang tawa. Papalapit na sa royal army.

"Mukhang ako na lang ata ang pinaka-matanda rito ah," biro ng heneral. "Pero congrats, Commander Lucian. Ito rin ang unang misyon mo bilang commander, no? Mabigat agad na gawain sumalubong sayo."

Nagkamayan muna silang dalawa.

"Ayos lang. Kinausap muna ako ni Sir Hideo bago ipasa sa akin ang posisyon. Buong puso ko itong tinanggap ngayon na may magaganap na digmaan," seryosong sagot ni Lucian.

Ibang-iba na talaga pananalita niya. Straight Filipino na. Tapos ang tindig niya ngayon parang ngayon ko lang napansin na iba rin. Siya yung parang disiplinado talaga. Mas disiplinado pa sa aming ibang commander. Ang tikas din ng kaniyang tindig. At saka bagay sa kaniya ang maging commander. Suot niya ang cap tapos nasa likod niya ang mga roy----ehem.

Pasimple akong umiling at umiwas ng tingin. Titig na titig na pala ako sa kaniya. Shemay.

Nakita ko na isa-isa nang lumalapit sa kaniya ang ibang commander para kamayan siya at batiin. Syempre nakakahiya naman kung ako lang ang hindi lalapit sa kaniya. Sabihin pa na ang maldita ng commander ng red army. Kaya lumapit na rin ako sa kaniya.

Napagkokompulan na siya ng mga commander ngayon.

Nang madako na ang tingin niya sa akin, saka ako mas lumapit pa sa kaniya at nakipagkamay.

"Congrats, Commander Lucian," nakangiti kong pagbati sa kaniya.

Seryoso lang siya sa ibang commander kanina habang binabati siya. Ngunit ngumiti siya ngayon sa akin.

"Salamat," aniya.

Biglang lumakas ang tibok ng puso ko. Shemay. Woy ano to?!

Napatingin siya sa kamay ko na hawak pa rin niya. "Ang lamig ng kamay mo."

Agad kong binawi ang kamay ko mula sa kaniya. "Ah... Ano kasi... Kina-kinabahan ako para sa laban mamaya."

Hoy. Tama. Ganun. Ganun dapat. Focus tayo sa mangyayaring laban.

Marahan siyang tumango.

"Oo nga pala. Mamaya na ang laban. Ngayong araw na. Kompleto na ba tayong lahat dito?" Tanong ni heneral.

Nag-count off kaming mga commander at nakompirma na kompleto na kaming labing lima rito.

"Kung ganoon, maghanda at tayo'y aalis na agad patungo sa nasabing lugar. Kailangan nating makarating doon ng eksaktong oras," ani heneral.

"Yes, sir!"

Agad kaming nagtungo sa aming mga army para muling maghanda sa aming pag-alis.

"Hoo! Ang puso ko. Parang matatanggal na sa dibdib ko," komento ni Ryoran nang muling kumilos ang lahat. "Mananalo tayo, Commander Idol, diba?"

Tinapik ko siya sa kaniyang balikat. "Mananalo tayong Elemental Army. Ipapanalo natin ito."

Sakay sa aming mga kabayo, agad kaming dumeritso sa formation namin. Nasa unahan naming lahat ang heneral. Suot niya ang kaniyang uniporme. Naka-suot din siya ng gloves sa kaniyang magkabilang kamay na may guhit na isang uri ng circle na karaniwang makikita na gamit ng mga alchemist. Dala rin niya ang kaniyang staff habang sakay sa kaniyang sariling kabayo.

Hinarap niya kaming lahat. "Tayo ngayon ay maglalakbay patungo sa lugar kung saan nais makipagtuos ang air force. Magaganap ang digmaan ngayong araw. Hindi natin alam ang lahat ng mangyayari. Ngunit lalaban tayo at ipapanalo natin ito. Huwag natin hayaan na manalo ang kagustuhan ng air force. Lalaban tayo hanggang sa kaya natin."

Huminto sandali ang heneral sa pagsasalita.

Inilibot niya ang kaniyang paningin bago magpatuloy. "Hindi natin alam kung ano-ano pa ang maaaring nakaabang sa atin pagkaalis natin sa campus na ito. Hindi natin alam kung gaano katagal ang magaganap na laban. Naging mabilis at biglaan ang kaganapan ngayon. Ngunit uuwi tayo rito kahit anong mangyari."

Tila kakaiba ang naging pakiramdam ko nang banggitin ng heneral ang huling mga kataga. Napahawak ako sa dibdib ko. Bigla akong ginapang ng kaba. Sobrang lakas at bilis ng kabog ng dibdib ko.

Nagkatinginan kami ni Lieutenant Joaquin. Sa kaniyang mga tingin ay nakikita ko na nakakaramdam siya ng pagkabahala sa mangyayari.

Hindi maiiwasan sa mga ganito ang kaba, takot, at iba pa na pakiramdam.

Papalapit ng mas papalapit ang oras, mas maririnig mo ang alulong sa pakiramdam ng digmaan. Mas dumarami ang mga napapagtanto mo.

"Manaig nawa ang liwanag. Magapi ang may masasamang balak," ani heneral.

Napapikit ako. Kung kahapon ay hindi ako matigil-tigil sa mga ginagawa naming paghahanda, ngayon naman ay tila hindi ko na gustong kumilos pa.

Liningon ko sa likod ko ang hukbo ng red army nang muli kong imulat ang mga mata ko. Shemay. Marami ang biglang naglalaro sa isipan ko ngayon.

Ganito pala ang pakiramdam kapag ikaw ang pinuno sa isang hukbo at pupunta kayo sa isang laban. Nakakatakot. Natatakot ako para sa kanila.

"Patnubayan nawa tayo ng Maykapal."

*****

Elemental ArmyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon