MASIKIP. Makitid na eskinita. Tabi-tabing mga gusali at mga bahay. Maingay ang paligid. Maraming tao. Matanda at bata. Sa lugar na ito napadpad ang mga paa ni Carmencita. Ang kanyang mga paa na nagsilbing mapa para sa landas na kanyang tatahakin.
Habang pauwi siya sa kanyang maliit na inuupahan na silid sa may Tondo, Maynila. Naalala niya ang kanyang nakaraan nakalipas ang tatlong taon. Sa ngayon, namumuhay siyang mag-isa.
"Mahal ka namin, Carmencita. Kahit hindi ka namin tunay na anak, isa ka sa babaeng sanggol na nagbigay ng kaligayahan dito sa aking puso. Hindi lang sa akin, maski sa iyong ama. Nauna mang nawala sa akin ang iyong ama, alam kong hindi siya nagsisisi na dalhin ka sa akin nang matagpuan ka niya sa kagubatan," paliwanag ng kanyang inang kumupkop at nagpalaki sa kanya.
"Umalis ka nga diyan! Hindi ikaw ang tunay na anak dito kaya hindi dapat ikaw ang nasa tabi ng nanay namin!" sigaw ng isang dilag kay Carmencita. Hinila pa nito ang braso ni Carmencita para itulak palayo sa kanila.
"N-nanay..." tanging sambit ni Carmencita. Gusto nang bumagsak ng luha na nasa kanyang mga mata.
"Umalis ka na dito! Hindi ka namin kailangan. Simula nang dumating ka sa buhay namin, puro kamalasan na lang ang dinala mo. Isa kang malas, Carmencita. Lumayas ka! Hanapin mo ang tunay mong mga magulang!" sigaw pa rin ng dilag. Dahil sa sobrang bigat na ng luha na nasa mata ni Carmencita, hindi na niya nakayanan na pigilan at tuluyan na rin itong bumagsak.
"Wala akong ginagawang masama---"
"Oo, tama ka! Wala kang ginagawang masama, Carmencita. Dahil ikaw ang masama!" Galit na galit ang dilag.
"Huwag kang iiyak-iyak diyan. Umalis ka na dito bago pa kita ipagtabuyan!" Nawalan ng pag-asa si Carmencita. Kalungkutan ang bumalot sa kanyang damdamin.
Nanghihina na rin ang itinuring niyang ina dahil sa karamdaman. Sa murang edad na kinse, nagdesisyon si Carmencita na umalis sa tahanang nagbigay sa kanya ng buhay. Hindi rin niya alam kung saan niya hahanapin ang tunay niyang magulang. Hindi rin niya alam kung saan siya nanggaling. Ang tanging hawak lamang niya ay ang kumot na may pangalan na Carmencita. Napakahirap man sa kanya na tumigil sa pag-aaral, ginawa niya.
Lumaban si Carmencita sa hamon at dagok ng buhay. Siya ay napadpad sa Tondo, Maynila. Siya ay nagpakatatag.
Ang unang ginawa ni Carmencita, siya ay namasukan bilang isang kasambahay. Nang makaipon siyang sapat na halaga siya ay nagdesisyong mamasukan sa isang malaking tindahan at doon siya ay naging isang kahera. Nakilala niya ang binatang si Romuel. Labing-pitong gulang ito.
"Carmen!" Biglang sulpot ni Romuel sa kanyang harapan.
Nasapo ni Carmencita ang kanyang dibdib dahil nanikip ito sa gulat. Nawala ang mga alaala na tumatakbo sa kanyang isipan. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Carmencita.
"Mukhang malalim ang iniisip mo. May maitutulong ba ako diyan," pangungulit ni Romuel.
"Umuwi ka na!" utos lang ni Carmencita kay Romuel. Napakamot ng ulo ang binata. Humakbang ang mga paa ni Carmencita, subalit pinigilan siya ni Romuel.
"Malapit na ang kaarawan mo, Carmen. Labing-limang araw na lang sasapit na ang araw na pinakahihintay ko. Magiging ganap na dalaga ka na. Hindi mo pa rin ba tatanggapin ang pag-ibig na alay ko sa iyo?"
"Umalis ka na lang. Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi ko kailangan ang pagmamahal mo. Hindi pag-ibig ang nararamdaman mo sa akin, kung hindi awa lamang."
BINABASA MO ANG
Immortals - CARMENCITA (Season 1)
FantasyImmortals Season 1 - Ang babaeng ipinanganak na may kasamang sumpa at kamalasan. Tuklasin ang misteryong bumabalot sa kanyang katauhan at mga nilalang na nakapaligid sa kanya. [Completed] Immortals Season 2 - Isang panibagong nilalang ang susubok sa...