15: Mortal at Immortal

809 39 0
                                    

CARMENCITA
KABANATA 15: Mortal at Immortal

UNTI-UNTING bumubukas ang mga nakapikit na mata ni Carmencita. Pakurap-kurap ang kanyang nanlalabong mga mata. Hanggang sa naging malinaw na ang kanyang paningin.

"N—nasaan ako?" mahinang bulong niya. Huminga siya nang malalim at dahan-dahan siyang tumayo mula sa pagkakahiga. Isang malapad na higaan na yari sa bato ang kanyang kinalalagyan.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" isang boses ang narinig ni Carmencita mula sa kanyang kaliwa.

"L—lucid," mabilis nakilala ni Carmencita ang tinig ng binata.

Kaagad siyang kumilos papunta kay Lucid, ngunit huminto ang kanyang mga paa sa paghakbang ng makita niya si Kulaw na nasa likuran ng binata. Dahan-dahan umangat ang kamay ni Carmencita at tinuro niya si Kulaw. 'Saka lang niya naalala ang lahat ng nangyari. Lumingon-lingon siya sa paligid at nakita niya ang mga bagay na nasa kanyang ala-ala.

"Huwag kang matakot. Hindi ka sasaktan ni Kulaw. Siya ang malugod na tauhan ko. Mapagkakatiwalaan at maaasahan." Lumingon si Lucid kay Kulaw. Umiling-iling ang ulo ng binata.

"Paano hindi matatakot si Carmencita sa 'yo, tingnan mo ang itsura mo."

"Hay!" tanging sambit ni Kulaw. Tatlong hakbang lang ang ginawa ng mga paa ni Kulaw, naging iba ang kanyang anyo. Mula sa demonyong itsura, naging isang ordinaryong binata siya. Lumipat ang tingin ni Carmencita kay Lucid.

"Kung nakakapagpalit ng anyo si Kulaw, ibig sabihin ba nito si Lucid ay may ibang itsura pa? Lalo na, tinawag siya ni Kulaw ng prinsipe ng kadiliman," naglaro sa isipan ni Carmencita. Nagsimulang bumagabag ang kanyang damdamin.

"Titig na titig ka sa mahal na prinsipe. 'Wag kang mag-alala, walang ibang anyo ang mahal na prinsipe," paliwanag ni Kulaw.

"Nasaan tayo?" tanong na lang ni Carmencita at hindi na niya pinansin ang sinabi ni Kulaw.

"Nasa lugar ko," sagot ni Lucid at naglakad siya patungo kay Carmencita. Ngunit nilampasan niya lang ang dalaga.

"Sa sagradong lugar na iniingatan ko," patuloy na sabi ni Lucid. Lumingon si Carmencita sa binata.

Nakita kaagad ng kanyang mga mata ang isang kakaibang rosas na ang kulay ay kalahating puti at kalahating itim. Nagniningning ito. Sa ibabaw nito ay may nakalutang na espada. Naalala niya bigla ang sinabi ni Kulaw, nang atakihin siya nito.

"ANO ANG IBIG MONG SABIHIN? WALANG SINO MAN ANG PWEDENG MAKAKITA SA PUSO MO, ALAM MO 'YAN MAHAL NA PRINSIPE!"

"Puso ni Lucid? Ang rosas na 'yan?" nagsasalita lamang ang isipan ni Carmencita.

"Kulaw, iwan mo muna kami ni Carmencita. Gawin mo ang utos ko sa 'yo."

"Masusunod, mahal naming prinsipe!" Umalis si Kulaw. Mabilis siyang naglaho.

"U—utos?" tanging sambit ng bibig ni Carmencita.

"Si Romuel."

"R—romuel?" Nagtatakang wika ni Carmencita sa pangalan ng kaibigan. Hinarap siya ni Lucid. Nilapitan niya si Carmencita. Seryoso ang mukha ng binata. Kumabog nang kumabog ang dibdib ni Carmencita.

"Ngayon pa lang, kailangan mong tanggapin na hindi na si Romuel ang nakakaharap mo. Siya na ang kapatid kong si Serpentino. Ginagamit ni Serpentino ang katawan ni Romuel, upang siya ay magkalat ng kasamaan."

"P—pero... bakit si Romuel?"

"Dahil mabilis pasukan ang katawan niya nang mga katulad namin, dahil sa sakit na nadarama ng kanyang puso. Mabilis linlangin at lasunin ang kanyang isipan dahil sa pagkabigo."

Immortals - CARMENCITA (Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon