10: Isip laban sa Puso

855 46 2
                                    

CARMENCITA
KABANATA 10: ISIP LABAN SA PUSO

TAHIMIK ang madilim na kapaligiran sa labas ng kubo nina Renato. Tahimik siyang nag-iisip kung ano nga bang dapat niyang gawin sa huling sinabi ni Lucid sa kanya.

"Hanggang kailan ka mananatili dito, Romuel?" tanong ni Carmencita sa binata at narinig ni Renato ang boses ng kanyang anak. Nilingon ni Renato si Romuel at Carmencita habang ang mga ito ay seryosong nag-uusap.

"Ayaw mo ba akong natito?"

"Hindi naman sa ganun, Romuel. Subalit hindi ito ang buhay mo. Bumalik ka na sa siyudad, hindi mo kakayanin ang ganitong klase na buhay. Ligtas ako dito at kasama ko na ang aking mahal na ama."

"Alam mo kung gaano kabigat ang timbang ng nadarama nitong puso ko para sa iyo, Carmencita. Kahit saan ka man naroon, hahanapin at susundan pa rin kita."

"Pero, Romuel—-"

"Carmen, wala akong pakialam kung ano mang paghihirap ang mararanasan ko. Basta kasama kita. Hinding-hindi ko nakalimutan ang huling sinabi mo sa akin nang ikaw ay tatakas sa lugar natin. Alam kong galing iyon sa puso mo—"

"Tama na!" biglang sigaw ni Renato. Nagulat at napatingin sina Romuel at Carmencita kaagad sa kanya.

"Itay?" nagtataka at nag-aalala na sabi ni Carmencita.

"Tama si Carmencita. Umalis ka na dito at bumalik ka na sa siyudad," paliwanag ni Renato. Iyan na lang ang naiisip ng ama ni Carmencita para ilayo sa lugar nila si Romuel. Para maiwasan ng binata ang kapahamakan na naghihintay sa kanya.

"Mang Renato—"

Lumapit ang ama ni Carmencita sa kinaroonan nilang dalawa. Pansin ng binata ang mga matang nangungusap ni Renato. Nararamdaman ng binata na mayroong bumabagabag sa matanda.

"May mga bagay na kahit tago, kahit hindi mo alam, kailangan mong intindihin. Hindi ka nababagay sa lugar na ito, binata. Hindi ka pwedeng makihalubilo sa amin ng anak ko. Tahimik na kaming dalawa sa lugar na ito. Hindi kita tinataboy o pinapalayas. Ito ay isang pakiusap sa 'yo mula sa akin."

"Mang Renato, naiintindihan ko ang nais mong ipahiwatig sa akin. Ngunit ang mga bagay na nakatago kailangan din itong isiwalat para magkaroon ng linaw. Hayaan niyo po akong intindihin ang lahat. Mahal ko po ang anak ninyo. Nakita ko ang paghihirap na naranasan niya nang wala kayo. Hinding-hindi ko siya pababayaan, katulad nang kaming dalawa lang ang magkasama sa siyudad," nagpaliwanag si Romuel.

Gusto niyang ipaglaban ang kanyang nararamdaman na pagmamahal kay Carmencita. Pilit namang tinatago ni Renato ang galak na naramdaman ng kanyang puso, dahil mayroong isang lalaking katulad ni Romuel ang umiibig kay Carmencita.

"Alam ko po na kakaiba si Carmencita," dugtong ni Romuel at nanlaki ang mga mata ni Renato. Napatitig naman si Carmencita sa binata.

"A—ano ang ibig mong sabihin na kakaiba ako?"

"Mayroong pagkakataon na parang nawawala ka sa iyong sarili, Carmencita. At—-"

"At?"

"May kakaiba kang lakas o kapangyarihan na taglay sa iyong katauhan, ito ay—"

"Hindi ako naniniwala sa 'yo, Romuel!" sabat agad ni Carmencita at siya ay napatayo. Tumayo din ang binata at hinawakan niya ang magkabilang balikat ni Catmencita. Napa-atras naman si Renato, dahil hindi siya makapaniwala sa sinasabi ni Romuel. Alam niyang si Lucid ang may malakas na kapangyarihan. Hindi ang kanyang anak.

"Natatandaan mo pa ba ang nangyari sa atin sa Tondo? Ang mga nasunog na katawan ng mga lalaking iyon, Carmencita?" seryoso ang mukha ni Romuel habang siya ay nakatitig sa mga mata ni Carmencita. Napapailing lang ang ulo ng dalaga.

Immortals - CARMENCITA (Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon