Isang sanggol ang isinilang sa ilalim ng gabi kung saan naging itim ang buwan. Sa unang hiningang iginuhit ng sanggol, nalasahan niya ang kapangyarihan ng lungkot at pait na dulot ng buwan sa langit. Umalingawngaw ang sigaw niya sa loob ng bahay na bato. Hindi masabi ng matandang komadrona kung ang paglitaw ng sanggol na ito sa mundo ay isang masamang pangitain. Nanatiling nakatikom ang bibig ni Renato, habang pinagmamasdan ang kanyang anak na walang tigil na umiiyak.
"Renato," mahinang tawag ng kanyang pinakamamahal na asawa. Nahirapan itong manganak. Mahina na rin ang katawan nito.
"Mina," mahinang sagot ni Renato.
“Gusto kong hawakan ang anak ko. Ibigay mo siya sa akin," utos ni Mina. Sumunod si Renato at inilagay ang sanggol sa mga bisig ni Mina. Labis na kaligayahan ang naramdaman ni Mina, nang halikan at yakapin niya ang anak. Parang umaagos na ilog ang luha mula sa mga mata ni Mina.
"Ang ganda ng anak natin, Renato. Para siyang anghel na bumaba mula sa langit." Pinupuri ni Mina ang sariling anak. Masayang-masaya naman si Renato sa naririnig at nakikita, ngunit pumagitan ang matandang komadrona sa kanila. Sa wakas ay binigyan ng pansin ni Renato ito.
"Renato, makinig ka sa sasabihin ko. Sabi ng mga ninuno ko, kahit sinong sanggol na ipinanganak sa ilalim ng madilim na buwan, may kaakibat itong sumpa at malas. Kakambal niya ang kalungkutan at kahirapan. At magdadala siya ng malas," paliwanag ng matandang komadrona, ngunit hindi ito pinaniwalaan ni Renato.
"Tama na, Aling Iska! Hindi ako naniniwala sa mga ganoong bagay. Bahala na ang mga tao kung paano nila haharapin ang kanilang buhay o kapalaran. Ang buhay ng isang tao ay parang blangko na papel. Nagsusulat sila ng sarili nilang kwento. At kung maranasan ng aking anak na babae ang hirap, sisiguraduhin kong habang humihinga pa ako sa mundong ito ay magiging masaya siya at magkakaroon siya ng masaganang buhay."
"Hindi kita pipilitin kung ayaw mong maniwala sa mga sinasabi ko. Darating ang araw na mauunawaan mo ang gusto kong iparating sa iyo, Renato. Darating ang panahon na ang kamatayan ang naghihintay sa iyong anak. Kamatayan din ang hahantungan ng mga tao sa paligid niya."
Hindi sumagot si Renato kay Aling Iska. Naikuyom niya ang kanyang mga kamao. Hindi man siya naniniwala sa mga pangitain, ang mga salita ni Aling Iska ay nagdulot pa rin ng kaba sa kanyang dibdib. Nang lingunin niya ang asawa. Nakapikit ang mga mata ni Mina. Natutulog din ang anak nila habang nakayakap si Mina. Isang maliit na ngiti ang makikita sa labi ni Renato. Upang hindi mahirapan ang kanyang asawa na magpahinga, kinuha niya ang kanilang anak mula sa mga bisig ni Mina.
Gayunpaman, nang ilayo ni Renato ang kanilang anak kay Mina, nahulog ang isang kamay ni Mina sa gilid ng papag. Kumunot ang noo ni Renato. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman. Nag-aalala siya sa kanyang nararamdaman.
“Mina," mahinang tawag ni Renato. Lumapit siya sa asawa at sinubukang yugyugin ang kamay nito. Pero napakalambot ng kamay ni Mina, parang walang buto.
"Mina! Mina!" Nataranta si Renato. Umurong ang mga paa ni Aling Iska at tinakpan niya ang bibig.
"Mina, gising na!" Niyugyog ni Renato ang balikat ni Mina habang hawak ang kanilang anak. Ngunit hindi dumilat ang mga mata ni Mina. Nagsimulang tumulo ang mga luha sa mga mata ni Renato.
"Hindi! Parang awa mo na mahal ko, gumising ka. Huwag mong gawin ito. Maawa ka sa amin ng anak mo. Mina! Mina!" Nagpatuloy sa pagsasalita si Renato hanggang sa lumabo ang kanyang paningin dahil sa mga luhang tuluyan nang kumawala sa kanyang mga mata.
"Hindi! Huwag mo kaming iwan, Mina!” pagmamakaawa ni Renato. Napaupo siya sa sahig habang nakayakap sa anak nila. Hindi na humihinga si Mina. Nagulat si Aling Iska. Lalong lumakas ang kanyang paniniwala sa kapangyarihan ng itim na buwan.
"Diyos ko! Bakit ganito?" maluha-luhang tanong ni Renato sa Amang nasa langit.
"Hindi ako nagkamali, Renato. Malas ang anak mo. Siya ang dahilan ng pagkawala ng asawa mo. Hindi mo ba naiintindihan ang sinasabi ko?" Muling nagsalita si Aling Iska habang tinuturo ang sanggol."Tumigil ka! Ano ang gusto mo? Patayin ko ang sarili kong anak? Walang kasalanan ang anak ko!" sigaw ni Renato kay Aling Iska at naningkit ang mga mata niya.
“Kung ayaw mong maniwala sa akin, umalis ka na dito sa ating lugar. Isama mo ang iyong malas na anak. Doon kayo manirahan sa bayan. Umalis kayo dito sa tuktok ng bundok. Huwag mong bahiran ng kamalasan o kadiliman ang masaya at payapa nating lugar dito!” sigaw din ni Aling Iska kay Renato. Siya ay tumalikod at mabilis niyang iniwan ang loob ng bahay ni Renato. Nalilito at gulong-gulo na rin ang isipan ni Aling Iska. Kaya nagdesisyon na lang siyang mag-isa.
Halo-halong emosyon ang naghari sa puso ni Renato. Pilit niyang nilalabanan ang handog ng kalungkutan sa kanya.
“Hindi ako magpapatalo sa pighating nararamdaman ko,” bulong ni Renato sa kanyang sarili habang walang tigil ang kanyang mga matang lumuluha.Hinablot niya ang kumot na may dugo at gumawa ito ng isang higaan kung saan niya muna nilapag ang kanyang anak na natutulog. Niyakap niyang mahigpit si Mina.
“Mahal na mahal kita, Mina. Sa iyong pagkawala huwag kang mag-alala. Hinding-hindi ko pababayaan ang ating anak kahit ano man ang mangyari. Itong bahay na ito ang nagsilbing tahanan natin at ito na rin ang magsisilbing hantungan mo. Mahal na mahal kita, asawa ko. Sana kami ay gabayan mo,” humagulgol sa pag-iyak si Renato.
Kahit sobrang sakit ang nararamdaman ng kanyang puso kailangan niyang tanggapin ang masalimuot na nangyari sa kanilang buhay. Tumayo siya at kinuha ang gasera na nakasabit sa dingding-- ang tanging nagbibigay ng liwanag sa kanila. Kinarga niya ang kanyang anak sa kanyang mga bisig habang balot ang katawan nito sa kumot na may dugo pa ni Mina. Lumabas sila sa mumunting bahay nila na gawa sa kubo.
“Paalam, mahal ko.”
Binalibag ni Renato ang gasera na may gasolina at apoy sa bubungan na gawa sa nipa. Nagliyab ang kubo at kasabay nito ang muling pagliwanag ng buwan. Umiyak nang umiyak ang kanyang anak. Itinaas ni Renato sa ere ang sanggol. Hindi pansin ni Renato na nagkaroon ng marka sa batok ng kanyang anak. Isang simbolo ng pakpak na kulay itim.
“Kung totoo man ang sabi-sabi. Isinusumpa ko rin sa ilalim ng liwanag ng buwan. Sa nagliliyab na katawan ng iyong ina. Kahit ano ang pighati o kahirapan ang mararanasan mo aking anak, ito ay malalampasan mo. May darating na tutulong sa iyo. Lalaki kang maganda at busilak ang puso. Ikaw ay tatawagin ko sa pangalan na CARMENCITA!” Hindi alam ni Renato na tinawag na ni Aling Iska ang mga kalalakihan sa kanilang lugar upang patayin ang sanggol. Hindi pansin ni Renato na nasa likuran na niya ang mga ito. Hindi inaasahan ni Renato ang espadang bumaon sa kanyang katawan. Tumulo ang dugo sa kanyang bibig.
“Kunin ninyo ang sanggol!” sigaw ni Aling Iska. Kinuha ng isang lalaki ang sanggol sa mga kamay ni Renato. Bumagsak ang katawan ni Renato sa lupa.
“C—Carmencita!” Pilit inaabot ng kamay ni Renato ang kanyang anak na walang tigil sa pag-iyak. Wala na siyang magawa dahil sa kanyang kalagayan. Ilang segundo na lang nararamdaman na niyang mawawalan na siya ng hininga.
“Patayin ninyo ang sanggol!” sigaw ni Aling Iska.
“H–Hindi!” huling sigaw ni Renato. Kasabay nito ang isang malakas na alulong mula sa gubat.
****
Note: Read at your own risk. No plagiarism. Enjoy reading. Thank you!
![](https://img.wattpad.com/cover/145729965-288-k790350.jpg)
BINABASA MO ANG
Immortals - CARMENCITA (Season 1)
FantasyImmortals Season 1 - Ang babaeng ipinanganak na may kasamang sumpa at kamalasan. Tuklasin ang misteryong bumabalot sa kanyang katauhan at mga nilalang na nakapaligid sa kanya. [Completed] Immortals Season 2 - Isang panibagong nilalang ang susubok sa...