17: Ang Mundo at Ang mga Tao

823 36 0
                                    

CARMENCITA
KABANATA 17: Ang Mundo at Ang mga Tao

HINDI binigo ni Lucid ang naging kahilingan ni Carmencita na puntahan ang lugar kung saan nagmula si Miranda at Mina— ang kanyang Lola at Ina. Pinahintulutan sila ng Diyos ng tagabantay sa mga tao— ang tunay na Ama ni Carmencita.

"Handa ka na ba?" Nilahad ni Lucid ang kanyang palad sa harapan ni Carmencita. Tumango ang dalaga.

"Paalala ko lang sa 'yo, hindi isang magandang lugar ang pupuntahan natin."

"Salamat sa paalala, Lucid."

Nasilayan muli ni Carmencita ang malalaking pakpak ni Lucid mula sa likuran nito. Hindi na siya nagulat dahil alam naman na niya ang lahat. Hinawakan niya ang kamay ni Lucid. Hinila siya ng binata at niyakap. Unti-unting lumulutang ang kanilang mga paa. Yumakap din siya kay Lucid. Naramdaman ni Lucid ang kabog ng dibdib ni Carmencita. Hindi maitago ng dalaga ang kanyang takot.

"Huwag kang mag-alala. Hindi kita pababayaan. Dahan-dahan lang tayong lilipad, para makita mo ang ganda ng mundo ninyo. Ngunit, may mga parteng sinisira na ng mga tao ang kalikasan." Paliwanag ni Lucid kay Carmencita habang sila ay nakalutang sa ere kahit hindi pa sila umaalis sa lugar ni Lucid.

"Kulaw, sumunod ka sa amin. Hindi ko alam kung ano ang nag-aabang sa amin, lalo na nariyan ang kapatid kong si Serpentino."

"Masusunod po, Mahal na Prinsipe."

"Yumakap ka sa akin ng mahigpit. Dahil lulusot tayo sa isang portal. Ang daanan ko papunta sa mundo ng mga mortal."

Nakinig kaagad si Carmencita kay Lucid. Sumiksik lalo ang katawan ng dalaga sa katawan ni Lucid. At tulad nang sabi ni Lucid, yumakap si Carmencita ng mahigpit. Ganun din naman ang ginawa ni Lucid. Lumingon ang mga mata ng prinsipe kay Kulaw. Tumango lang ang ulo ni Kulaw, isang hudyat na handa na rin itong sumunod sa kanila.

Isang malalim na hininga lang ang binitawan sabay pikit ng mga mata  ni Lucid, bigla silang naglaho sa kanyang kaharian. Para silang isang mabilis na bulalakaw. Halos hindi mo maaninag kung sila ay mga nilalang. Nasilaw ang mga mata ni Carmencita sa liwanag na sumalubong sa kanya. Naramdaman niya ang init ng kapaligiran na tila ba sila ay napapalibutan ng apoy. Hanggang sa malamig na hangin ang humaplos sa kanyang balat. Naririnig din niya ang malakas na pagaspas ng pakpak ni Lucid.

"Maaari mo nang imulat ang iyong mga mata. Narito na tayo sa kinalakihan mong mundo." Unti-unting nagbukas ang mga mata ni Carmencita. Unang nasilayan ng kanyang mga mata ay ang mga mata ni Lucid na nakatitig sa kanya.

"Pagmasdan mo ang mundo ng mga mortal mula dito sa itaas na kinalalagyan natin. Hindi ba sadyang napakaganda ng mundo. Ang mundong pinagkaloob sa mga tao, ngunit dinudungisan nila ito ng dumi. Ang maaliwalas na kapaligiran ay pinag-aagawan upang gawin nila itong isang masikip na kulungan."

Lumibot ang mga mata ni Carmencita sa ibaba. Hindi man niya halos maintindihan ang mga sinabi ni Lucid, ngunit alam niyang ito ay may kahulugan.

"Darating ang araw, ang mga tao ang mismong sisira sa lupang kanilang tinatapakan."

"A—ano ang ibig mong sabihin?" Bumuka ang bibig ni Carmencita. Subalit, hindi siya sinagot ni Lucid at nagpatuloy na lang ang binata sa paglipad. Dumako si Lucid sa isang parte ng kalangitan, kung saan natatanaw nila ang isang siyudad at isang bulubundukin na puno ng mga puno, bulaklak, sariwang tubig. Huminto muli si Lucid sa paglipad.

"Nakikita mo ba ang pagkakaiba sa dako doon at dako rito? Kung nais mong maintindihan ang aking mga nasambit, pagmasdan mong mabuti ang nakikita ng iyong mga mata. Bagamat iisang lupa lang, ngunit sadyang magkaiba ang buhay nila."

Immortals - CARMENCITA (Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon