CARMENCITA
KABANATA 13: Ang Puso ng Prinsipe ng KadilimanTahimik na nakaupo si Lucid at Carmencita, malapit sa bangin. Pagkatapos nilang sunugin ang katawan ni Renato. Pareho nilang tinatanaw ang magandang kalikasan kahit gabi. Wala sa kanila ang nagsasalita. Hindi alam ni Lucid kung paano niya sisimulan ang kanyang dapat na sabihin. Samantalang si Carmencita naman ay patuloy na nasasaktan ang kanyang damdamin sa pagkawala ng kanyang ama kahit ito ay tanggap na niya.
"Sino ka bang talaga?" bumuka ang bibig ni Carmencita, kahit ang kanyang mga mata ay nakatanaw sa kawalan. Hindi sumasagot si Lucid, iniisip niyang lalayuan siya ni Carmencita.
"Ang sabi mo sa akin kanina, ipagtatapat mo ang lahat. Bibigyan mo ako ng kasagutan sa lahat ng aking mga katanungan. Sino ka bang talaga, Lucid? Sino nga ba o ano ka nga ba?"
Hindi sumagot si Lucid, bagkus tumayo ito sa harapan ni Carmencita at nilahad niya ang kanyang palad. Ang mga mata ni Carmencita ay tumitig sa mukha ng binata. Bahagyang ginalaw ni Lucid ang kanyang palad, isang senyales na sumama si Carmencita sa kanya.
"Sabihin mo sa akin, mapagkakatiwalaan pa ba kita?" muling tanong ni Carmencita.
"Ako ay isa sa mga prinsipe ng kadiliman. Ngayong nabigyan kita ng kasagutan sa iyong unang katanungan, ngayong alam mo na ang aking katauhan, sasama ka pa ba sa akin para malaman mo ang lahat?"
"Kailangan ba nating umalis dito para lang—"
"Dadalhin kita sa aking tirahan at doon walang makakalapit o makakarinig sa ating dalawa kung ano man ang pag-uusapan natin. Ngunit, kung hindi bukal sa iyong kalooban ang pagsama sa akin, ikaw ay mag-isip muna. Kung natatakot ka sa akin dahil sa nalaman mo tungkol sa aking pagkatao, babalikan kita kapag—"
Hindi natapos ni Lucid ang kanyang sasabihin, nang hawakan ni Carmencita ang kanyang nakalahad na palad. Nagtama ang kanilang mga mata na may bahid ng kalungkutan.
"Hindi ako natatakot sa 'yo, Lucid. Kahit alam kong ang isang prinsipe ng kadiliman ay isang uri ng demonyo, hindi ko nakita sa 'yo 'yun. Sasama ako sa 'yo."
Hindi sumagot si Lucid. Lumabas na lang sa kanyang likuran ang malaking pakpak na kulay itim. Hindi naitago ni Carmencita ang kanyang naging reaksyon. Gulat sa kanyang mukha ay litaw na litaw. At dahil hawak pa rin niya ang palad ni Lucid. Mabilis siyang hinila ng binata palapit sa kanya. Nagkalapit ang kanilang mga mukha. Gumalaw ang mga pakpak ni Lucid.
Lumabas ang isang dimensiyonal sa kalangitan. Nababalutan ito ng itim na enerhiya. Habang titig na titig sila sa isa't isa. Mga mata nila ay nagungusap. Naging pula ang mga mata Lucid at tanging tibok ng kanilang mga puso ang tunog na maririnig. Sa isang iglap silang dalawa ay naglaho. Mabilis din nawala ang nakabukas na dimensiyonal sa langit.
"Sige lang, mahal kong kapatid. Ipagpatuloy mo ang pag-ibig mo kay Carmencita. Darating ang araw ito ang sisira sa 'yo."
Isang matinding halakhak ang binitawan ni Serpentino gamit ang katawan ni Romuel mula sa kalayuan. Siya ay nagagalak sa mga susunod na mangyayari.
Samantala, sa pagpasok ni Carmencita at Lucid sa dimensiyonal. Nakapikit ang mga mata ni Carmencita. Iniisip niya kung ang lugar ni Lucid. Ang paraiso ba? Dahan-dahan binuksan ni Carmencita ang kanyang mga mata. Madilim. Kaba sa kanyang dibdib ay tumindi. Lalo na wala sa kanyang tabi si Lucid.
"L—lucid..." mahinang tawag ni Carmencita sa pangalan ng prinsipe ng kadiliman.
Lumibot ang kanyang mga mata. Isang hardin na puno ng kadiliman ang tinutungtungan ng kanyang mga paa. Ang apoy sa paligid ay nagbibigay ng makapal na itim na usok. At ang mga rosas na nagkalat ay puro itim din ang mga ito. Walang buhay ang paligid.
"Lucid, nasaan ka?" hanap ni Carmencita kay Lucid. Humakbang ang kanyang paa, siya ay naglakad. Hindi alam ng dalaga na mayroong mga aninong sumusunod sa kanyang likuran.
Subalit, huminto si Carmencita nang masilayan niya ang isang mumunting liwanag na nasa gitna ng mga bulaklak. Hindi siya maaaring magkamali sa kanyang nakikita. Ilang beses kumurap ang kanyang mga mata. May isang katangi-tanging rosas na naiiba sa lahat. Kalahating itim at kalahating puti ang kulay nito. Nagliliwanag ang parte ng talulot na kulay puti. At sa ibabaw nito, limang metro ang taas. Mayroong nakalutang na isang espada.
Napalingon si Carmencita, nang may maramdaman siyang isang malamig na haplos sa kanyang likuran. Wala siyang nakita. Hindi gumalaw ang katawan niya sa kanyang kinatatayuan, nang may marinig siyang isang bulong. Mabilis siyang lumingon muli sa kanyang likuran. Niyakap niya ang kanyang sarili. Nakakaramdam na siya ng takot.
"Sino ka? Ikaw ba 'yan, Lucid?" Nagpalingon-lingon si Carmencita sa kanyang kaliwa't kanan.
"Hindi ako nakikipagbiruan o nakikipaglaro sa 'yo, Lucid!" tumaas ang tono ng boses ni Carmencita. Atsaka nahagip ng kanyang mga mata ang mga aninong palipad-lipad sa ere. Mabilis umurong ang mga paa ni Carmencita dahil sa takot, ngunit nawalan siya ng balanse. Nasalsal siya sa lupa. Lumaki ang apoy sa paligid. Hanggang sa may isang aninong gumagapang palapit kay Carmencita."H—hindi..." tanging bulong niya sa kanyang sarili.
Hindi makagalaw si Carmencita sa kanyang kinalalagyan dahil sobrang takot na ang kanyang nararamdaman. Nanginginig ang kanyang buong kalamnan. Papalapit nang papalapit ang anino. Hanggang sa narating niya si Carmencita. Tumayo ito sa harapan ni Carmencita at naging anyong demonyo.
"Aahhhh..." sigaw ng dalaga, dahil sa kanyang nakikita. May sungay, pula ang mga mata, naglalaway, matutulis na ngipin at kuko, itim na itim ang balat ng nilalang na nasa kanyang harapan.
"Lapastangan! Walang sino man ang pwedeng pumasok sa sagradong lugar ng prinsipe ng kadiliman, mamatay ka!"
"L—lu.."
"Kulaw, 'wag mong itutuloy ang gagawin mo sa nilalang na 'yan!" boses ni Lucid ang kanilang narinig. Nakapikit si Carmencita habang walang tigil siya sa pagluha. Habang patuloy na nanginginig ang kanyang katawan sa takot. Mabilis nakalapit si Kulaw sa harapan ni Lucid.
"Ano ang ibig mong sabihin? Walang sino man ang pwedeng makakita sa puso mo, alam mo 'yan mahal na prinsipe!" paliwanag ni Kulaw at sabay turo niya sa naiibang rosas na mayroong kulay itim at puti. Huminga nang malalim si Lucid.
"Siya si Carmencita," tanging bigkas ng bibig ni Lucid.
Ang kaninang mabangis na itsura ni Kulaw ay unti-unting naglaho. Naging kalmado ang kanyang aura. Nilingon ni Kulaw si Carmencita. Pikit pa rin ang mga mata nito at takot na takot. Muli, tiningnan ni Kulaw si Lucid, siya ay nagbigay ng galang at biglang naglaho. Tahimik si Lucid, habang ang kanyang mga paa ay humahakbang palapit kay Carmencita. Nang makalapit si Luicd sa dalaga, hinawakan niya ang braso nito.
"Huwag! Lumayo ka sa akin!" malakas na sigaw ang binitawan ni Carmencita. Nagwala ang dalaga. Hinahampas niya ang kanyang mga kamay. Pinapadyak niya ang kanyang mga paa.
"Lumayo ka sa akin! Ayaw ko pang mamatay!" patuloy na sigaw ni Carmencita.
"Carmencita!" sigaw ni Lucid sa pangalan nito.
"Lumayo ka sa akin! Lucid, tulungan mo ako!" parang nawawala sa kanyang sarili si Carmencita. Buong lakas niyakap ni Lucid ang dalaga.
"Carmencita, ako na ito. Tumigil ka na," sigaw ni Lucid. Dahan-dahan tumigil sa pagkilos at pagwawala ang katawan ni Carmencita, nang maramdaman niya ang yakap ni Lucid. Nang mapagtanto ng binata na huminahon na si Carmencita, hinarap niya ito sa kanya.
"Ako na 'to, Carmencita. Walang pwedeng manakit sa 'yo kapag ako ay nasa tabi mo."
"L—lucid..." tanging nabigkas ni Carmencita bago siya nawalan ng malay dahil hindi na niya nakayanan ang bigat ng takot na naramdaman niya sa kanyang puso. Binuhat ni Lucid ang katawan ni Carmencita at unalis sila sa lugar na pinaka-iingatan ni Lucid.
ITUTULOY...
*****
NO PLAGIARISM
All rights reserved - Copyright 2018
Isinulat ni: MC27 (MysteriousCharm27)

BINABASA MO ANG
Immortals - CARMENCITA (Season 1)
FantasyImmortals Season 1 - Ang babaeng ipinanganak na may kasamang sumpa at kamalasan. Tuklasin ang misteryong bumabalot sa kanyang katauhan at mga nilalang na nakapaligid sa kanya. [Completed] Immortals Season 2 - Isang panibagong nilalang ang susubok sa...