4: Hiwaga at Misteryo

978 52 10
                                    

CARMENCITA
KABANATA 4: HIWAGA AT MISTERYO

MADALAS turukan ng gamot ang katawan ni Carmencita. Sa tuwing bumabalik ang kanyang sensasyon siya ay nagwawala sa loob ng kanyang silid na nagsilbing marahas niyang kulungan. Dumaan ang oras at napagod na rin siyang ilaban ang kanyang sarili.

Sa pagtikom ng kanyang bibig. Hindi niya inaasahan ang isang bisita-- si Romuel.

"C--carmencita," tawag ni Romuel habang nasa labas siya ng rehas.

Narinig ni Carmencita ang boses ng binata. Mabilis siyang tumakbo malapit kay Romuel. Inabot niya ang mga kamay ni Romuel.

"Tulungan mo ako, Romuel. Hindi ako isang baliw! Ikaw ang magpapatunay sa kanila na hindi ako nasisiraan ng ulo," tuloy-tuloy bumigkas ng salita ang bibig ni Carmencita. Awang-awa si Romuel sa sinapit ng dalaga.

"Alam ko, Carmen. Ngunit, hindi kita pwedeng ilabas lang dito kaagad. May mga patakaran silang sinusunod dito. Hindi pa sila tapos sa pagsusuri sa iyo kaya hindi nila ako papayagan na kunin ka," paliwanag ni Romuel.

Binitawan ni Carmencita ang pagkakahawak niya sa kamay ni Romuel. Tinalikuran niya ang binata. Itinago niya ang kanyang mga luha.

"Pero, hindi kita pababayaan. Pupuntahan kita lagi dito. Buti na lang nakita ko sa daan ang ginang na tumulong sa iyo sa ospital habang hinahanap ki--"

"Hindi niya ako tinulungan. Siya ang dahilan kung bakit ako narito."

"C--carmen--"

"Bakit ka narito?" nag-iba ang pananalita ni Carmencita.

"Carmencita, hinanap kita kaagad nang mapaniwala ko ang mga tao sa lugar natin na hindi ka na babalik muli. Hindi ka ba masaya na narito---"

"Umalis ka na, hindi ko kailangan ang tulong mo. Baka masundan ka pa ng mga taong gustong pumatay sa akin. Huwag ka ng babalik dito, Romuel."

Napaawang ang bibig ni Romuel. Biglang nagbago ang ihip ng hangin. Bago sila maghiwalay ni Carmencita, pinagtapat din ng dalaga ang kanyang nararamdaman.

"Pero--"

"Umalis ka na!" sigaw ni Carmencita kay Romuel.

Humarap si Carmencita habang nakayuko at tinuro ang daan palayo sa kanyang silid. Walang nagawa si Romuel kung hindi na lang sumunod kay Carmencita. Tutal binigyan lang din naman siya ng oras sa pagbisita dahil gabi na.

Nang umalis si Romuel, naglakad si Carmencita papunta sa silid-tulugan. Humiga siya. Tulala. Hanggang sa pumikit na ang kanyang mga mata. Ilang sandali pa may tinig siyang naririnig na tumatawag sa kanyang pangalan.

"Carmencita," isang malambing na tinig mula sa lalaki.

Gumalaw ang katawan ni Carmencita at bumukas ang kanyang mga mata. Nakikita niya ang maliwanag na buwan. Bilog na bilog ito.

Siya ay nagmadaling bumangon. Hindi siya makapaniwalang nasa labas siya ng mental ospital. Gumala ang kanyang mga mata sa kinaroroonan niya. Alam niyang nakita na niya ang lugar. Nang biglang may yumakap sa kanyang baywang mula sa kanyang likuran.

"Nakalimutan mo na ba ang lugar na ito, Carmencita?"

"S--sino ka?"

"Pati ba ako nakalimutan mo na?"

Nilakasan ni Carmencita ang kanyang loob para makawala sa lalaki. Ngunit mas lalong naging mahigpit ang pagkakayakap ng lalaki sa kanya.

"Saan ka pupunta? Hindi ka pwedeng lumayo sa akin, Carmencita. Ako lang ang tutulong sa iyo," bulong ng lalaki sa tainga ni Carmencita. Parang may kuryenteng gumapang sa katawan ni Carmencita dahil sa malamig na hininga ng lalaki.

"A--ano ang gusto mo?"

"Ikaw!"

"K--kung sino ka man, pakawalan mo ako. Natatakot na ako sa iyo," pagtatapat ni Carmencita.

"Huwag kang matakot sa akin, dahil ako lamang ang lalaking tanging iibigin mo," paliwanag ng lalaki. Atsaka sumagi sa isipan ni Carmencita si Romuel.

"Alam mo bang nababasa ko ang nasa isipan mo. Hindi ang lalaking iyon ang itinadhana sa iyo. Ako ang tanging nilalang na makakasama mo habang buhay. Ang iyong mga pangarap at ilusyon ang nagsilbing bintana para sa akin upang ako'y manatiling buhay dito sa mundo. Ang iyong mga luha sa mata at ang iba't ibang emosyon sa iyong damdamin ang nagsilbing tinig sa akin para ika'y aking mahalin."

Hindi makapaniwala si Carmencita sa kanyang narinig. Nang biglang naramdaman niyang umangat ang kanyang buhok sa likuran at nadama ang isang mainit na dampi ng halik sa kanyang batok.

"Lucid," mahinang bulong ng lalaki sa kanyang pangalan.

Hindi makagalaw ang katawan ni Carmencita dahil may naaamoy siyang isang napakabangong bulaklak. Unti-unting pumipikit ang mga mata ni Carmencita dahil sa matinding halimuyak ng bulaklak. Bigla siyang nahilo. Nanlambot ang kanyang katawan at binuhat siya ng lalaki. Parang hindi siya makahinga ngunit lumalaban siya kahit pikit ang kanyang mga mata.

"Tawagin mo ang pangalan ko, kapag kailangan mo ng tulong," narinig pa ni Carmencita bago niya pinakawalan ang isang malakas na sigaw at hinugot ang pinakamalalim niyang hininga.

"Ayan na naman siya doktor, sinusumpong na naman siya!" sigaw ng nurse sa doktor na halos kakabukas lang nila sa silid ni Carmencita.

Nanlaki ang mga mata ni Carmencita nang makita na naman niya ang makitid na silid na kinalalagyan niya. Hinawakan siya ng dalawang nurse na lalaki. Nilabas ng doktor ang gamot na ituturok kay Carmencita. Nagwawala na naman si Carmencita. Pilit siyang kumakawala sa dalawang nurse na may hawak sa kanya. Atsaka mabilis pumasok sa kanyang isipan ang huling sinabi ni Lucid.

"Lucid!" sigaw ni Carmencita, kahit iniisip niyang panaginip o bangungot lang ang nangyari sa kanya.

Ngunit, sa pagsigaw ni Carmencita sa pangalan ni Lucid. Ang dalawang nurse na humahawak sa kanya ay tumilapon sa dingding. Nabitawan ng doktor ang hawak niyang gamot. Natakot ito sa kanyang nakita. Nang tatakbo ang doktor, umangat ang katawan nito sa ere. Atsaka ito tumilapon sa sahig.

Nanginig ang tuhod ni Carmencita sa kanyang nasaksihan. Siya ay napaluklok. Ngunit parang may naririnig siyang bumubulong sa kanyang tainga na tumakas na siya.

Hindi sinayang ni Carmencita ang pagkakataon na makalayo siya sa mental hospital. Ang bawat pinto na may kandado kusang nagbubukas. Napakahiwaga. Napakamisteryo ang nangyayari kay Carmencita. Bawat inaapakan ng paa ni Carmencita ay nasusunog.

Hindi nagtagal natunton ni Carmencita ang labas ng mental ospital. Hindi niya pansin na unti-unting natutupok ng apoy ang ospital. Hindi niya naririnig ang malalakas na sigaw ng mga tao na nasa loob.

Dahil dinama kaagad ni Carmencita ang sumalubong sa kanya na malamig na hangin. Presko. Itinaas ni Carmencita ang kanyang dalawang kamay at pinikit ang kanyang mga mata. Nilanghap niya ang sariwang hangin. Huminahon ang kanyang damdamin.

Sa pagmulat muli ng kanyang mga mata siya ay tumakbo palayo sa lugar. Iniwan niyang nagliliyab ang mental ospital.

ITUTULOY...

*****
NO PLAGIARISM
All rights reserved - Copyright 2018
Isinulat ni: MC27 (MysteriousCharm27)

Immortals - CARMENCITA (Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon