14: Kamatayan o Kasamaan?

852 37 3
                                    

CARMENCITA
KABANATA 14: Kamatayan o Kasamaan?

"Nasaan ako?" bigkas ng bibig ni Romuel, nang magmulat ang kanyang mga mata. Umaagos ang kanyang pawis mula sa kanyang pisngi patungo sa kanyang katawan, habang nakahiga siya sa isang lugar.

Napakainit.
Masikip.
Madilim.

Naninikip ang kanyang dibdib. Gumalaw ang kanyang katawan. Nasagi ng kanyang kaliwang kamay ang isang matigas na bagay. Kaagad naman nahulaan ni Romuel ang bagay na ito dahil sa salat nito— bakal. Mabilis gumawa ng aksyon ang binata dahil nagsimulang maghari ang takot sa kanyang puso. Ngunit sa kanyang pagtayo siya ay nasubsob. Ang bakal na nahawakan niya ay isang kadenang nakasuot sa kanyang paa. Siya ay nataranta.

"Tulong! Tulong!" sigaw ni Romuel. Sa tuwing hinihila niya ang kanyang paa siya ay nasasaktan. Wala rin makita ang kanyang mga mata dahil sa dilim na bumabalot sa kinaroroonan niya.

"Tulong! Tulong! Carmencita..." muli, siya ay sumigaw.

"Ganyan ka ba kaduwag, binata? Mali ba ang pagpili ko sa 'yo?" isang tinig ang naghari sa kadiliman. Kahit walang makita ang mga mata ni Romuel, kanyang ulo ay nagpalingon-lingon.

"Sino ka? Pakawalan mo ako, kailangan kong puntahan—" hindi nadugtungan ni Romuel ang kanyang sasabihin, nang sumabat muli ang tinig.

"Sino? Si Carmencita ba ang sinasabi mo, binata?"

"Sino ka? Magpakita ka sa akin," tinanggal ni Romuel ang kaba at takot na nasa kanyang dibdib.

"Narinig mo lang ang pangalan ng dalagitang 'yon, naramdaman kong nawala ang iyong takot. Mukhang nakalimutan mo ang ginawa niya sa 'yo. Pinagtabuyan ka niya," isang malutong na halakhak ang binitawan ng boses. Kumirot ang puso ni Romuel, nang maalala niya ang huling pag-uusap nila ni Carmencita. Subalit, winaksi niya kaagad ito dahil mas nananaig pa rin ang pag-ibig niya sa dalaga.

"Wala akong pakialam kung pinagtabuyan man ako ni Carmencita. Wala akong pakialam kung lagi akong masasaktan. Dahil alam kong para sa kapakanan ko ang ginawa niya. Nakikita at nababasa ko sa kanyang mga mata ang—"

"Isa kang hangal!" sigaw ng boses, 'saka nagkaroon ng apoy sa paligid. Nagkaroon ng liwanag sa paligid. Sa nasisilayan ni Romuel, para siyang nasa ilalim ng lupa.

"Pagkatapos ng lahat ng ginawa mo at pagsasakripisyo ng mga bagay para sa kanya, na hindi niya binigyan ng halaga. Nais mo pa rin siyang makita? Paano kung—"

"Paano kung?"

"Paano kung sabihin ko sa 'yo ngayon, na kitang-kita ng dalawang mata ni Carmencita na ikaw ang pumatay sa kanyang ama. Nais mo pa rin ba siyang makita?" muli, humalakhak ang boses. Nanginig bigla ang katawan ni Romuel. Umiling-iling ang kanyang ulo.

"H—hindi ako naniniwala sa 'yo! Hindi ko magagawa 'yun!"

"Totoo ngang hindi mo magagawa 'yun, pero nagawa mo nang dahil sa akin."

"A—ano ang ibig mong sabihin?" nalilito na si Romuel.

"Hindi mo ba natatandaan binata? Nang ipagtabuyan ka ni Carmencita, sinalubong at sinundan kita."

Hinawakan ni Romuel ang kanyang ulo. Pumikit ang kanyang mga mata. Pilit niyang inaalala ang nangyari. 'Saka nakita niya ang isang imahe ng itim na bolang apoy na nagpahirap sa kanya. Nagmulat ang mga mata ni Romuel.

"Naalala mo na? Kaya kinamumuhian ka ni Carmencita," paliwanag ng boses. Hindi sumasagot si Romuel, dahil litong-lito at gulong-gulo ang kanyang isipan.

"Kung ako sa 'yo, binata. Maging isa na tayo. Alam mo bang sumama ang pinakamamahal mong si Carmencita sa aking mahal na kapatid na si Lucid. Ang aking kapatid na makapangyarihan. Ang aking kapatid na tunay na minamahal ni Carmencita. Sa tingin mo ba may ibubuga ka o malalabanan mo si Lucid, kung wala kang kapangyarihan?" patuloy na nilalason ng boses ang isipan ni Romuel. Tinakpan ni Romuel ang kanyang dalawang tainga.

"T—tumi—"

"Sa mga oras na ito, sila ay masayang magkasama sa lugar ng aking kapatid. Sa oras na ito, tinanggal ka na ni Carmencita sa kanyang puso't isipan."

"Tumigil ka na!" sumigaw ng malakas si Romuel.

"Bakit, binata? Naduduwag ka bang harapin sila? Natatakot ka ba sa p'wedeng mangyari?"

"Hindi ako naduduwag! Ikaw ang duwag, kung sino ka man."

"Ano ang sabi mo?" dumagundong ang boses na parang kulog.

"Magpakita ka at magpakilala ka sa harapan ko, kung hindi ka duwag!" tuluyan ng naging matapang ang kalooban ni Romuel.

"Kung 'yan ang nais mo, binata."

Sa isang iglap, nakalutang sa ere ang katawan ni Romuel habang may kamay na nakasakal sa kanyang leeg. Nasugat na rin ang kanyang paa dahil nakagapos ito sa isang kadena. Kahit nasasaktan at hirap si Romuel sa paghinga, bumaba ang kanyang mga mata sa nilalang na sumasakal sa kanyang leeg.

Katulad ni Lucid, ito ay isang anyong tao rin. Ngunit matulis ang tainga nito. May itim na bolang nakatatak sa noo nito. Pula ang mga mata. May pangil. May pakpak din ito.

"Ako si Serpentino, pangalawa sa mga prinsipe ng kadiliman," pagpapakilala ni Serpentino sa kanyang sarili kay Romuel. 'Saka niya binitawan ang pagkakasakal sa leeg ng binata.

Bumagsak ang katawan ni Romuel at siya ay naubo. Hindi siya makapaniwalang may kakaibang nilalang na nasa kanyang harapan. Nang lingunin muli ni Romuel si Serpentino, ito ay nakatalikod sa kanya at unti-unting pumapasok ang pakpak sa katawan nito.

"Tama na ang walang kwentang pag-uusap. Mamili ka binata, kasamaan o kamatayan?" 'saka may nabuong apoy sa kamay ni Serpentino. Seryoso niyang nilingon si Romuel. Pati ang kanyang mga mata ay nag-aapoy.

"A—ano ang ibig mong sabihin?"

"Tulad ng sinabi ko sa 'yo kanina. Maging isa tayong dalawa. Binibigyan pa kita ng pagkakataon na mabuhay. Ngunit ang totoo pwede ko pa rin gamitin ang katawan mo kahit patay ka na. Mamili ka, kamatayan o kasamaan?" sagot ni Serpentino at humakbang ang isang paa nito.

Natataranta si Romuel. Ayaw pa niyang mamatay. Nais pa rin niyang masilayan si Carmencita.

"Mabilis akong mawalan ng pasensiya, binata. Sumagot ka!"

Nag-iisip si Romuel. Kahit kailan hindi niya pipiliin ang kasamaan. Kung kamatayan naman ang kanyang pipiliin, magagamit pa rin ni Serpentino ang kanyang katawan. 'Saka biglang may nabuo sa isipan ng binata.

"Ayoko ng maghintay pa sa iyong kasagutan," mabilis nakalapit si Serpentino kay Romuel, ngunit bago maisaksak ang apoy sa puso ng binata kaagad sumagot si Romuel.

"K—kasamaan!" sigaw niya sa mukha ni Serpentino. Nawala ang apoy sa kamay ni Serpentino. Isang malagim na ngiti ang nasa kanyang labi. Nagkatitigan ang kanilang mga mata.

"Simula ngayon, ikaw at ako ay iisa!" huling salitang binitawan ni Serpentino kay Romuel.

ITUTULOY...

*****
NO PLAGIARISM
All rights reserved - Copyright 2018
Isinulat ni: MC27 (MysteriousCharm27)

Immortals - CARMENCITA (Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon