CARMENCITA
KABANATA 3: ISANG MADILIM NA KULUNGANMABILIS tumatakbo si Carmencita sa kagubatan habang kulay itim ang buwan. Dahil sa kanyang takot wala na siyang pakialam kung ano man ang naaapakan ng kanyang mga paa. Hindi na rin niya iniisip kung saan siya makakarating.
Walang tigil ang alulong sa paligid na kanyang patuloy na naririnig. Pakiramdam ni Carmencita, buhay ang mga malalaking puno sa paligid. Nakikita niyang may mahahabang kamay ang mga ito. Humahalakhak.
"Tigilan niyo ako!" sigaw ni Carmencita habang siya ay walang tigil sa pag-iyak.
Hanggang sa masilayan niya ang isang malaking sunog. Makapal na usok sa kalangitan. Mas binilisan pa niya ang kanyang takbo paakyat sa tuktok ng bundok. At nang makarating si Carmencita sa lugar, siya ay nagmadaling nagtago sa likod ng isang malaking puno. Tinakpan niya ang kanyang bibig para pigilan ang kanyang sigaw.
Nakita ni Carmencita kung paano saksakin ng tabak ang isang lalaking may hawak ng sanggol.
"Kunin ang sanggol!" sigaw ng matandang babae. Kinuha ng mga kalalakihan ang sanggol at inilapag sa lupa. Bumagsak din ang katawan ng lalaking may hawak sa sanggol.
"Patayin ang sanggol!" sigaw muli ng matandang babae.
Itinaas ng lalaki ang tabak sa ere at nang hahampasin na niya ito ng kanyang tabak, mabilis nawala ang sanggol tulad ng mabilis na hangin na dumaan sa paligid. Pikit-matang napasigaw si Carmencita.
"Hindi!" malakas na sigaw ni Carmencita.
"Iha.. ineng..." yugyog ng isang ginang sa balikat ni Carmencita habang ito ay nakahimlay sa silid-tulugan ng ospital.
Nagmulat ang mga mata ni Carmencita na may luha. Mabilis siyang umupo at lumingon-lingon sa paligid. Isinubsob niya ang kanyang mukha sa kanyang mga tuhod. Napagtanto niyang isang panaginip lamang iyon. Subalit iba ang kanyang pakiramdam. Para sa kanya totoo ang kanyang nakita sa panaginip.
"Iha, ayos ka lang ba?" tanong ng ginang na tumulong sa kanya. Naalala ng ginang ang kawawang sitwasyon ni Carmencita bago niya ito mabundol gamit ang kanyang sasakyan.
*****
SA kanyang pagtakas sa lugar ng Tondo, Maynila. Ang tanging dala lang niya ay ang kanyang sarili. Siya ay nakayapak. Sugat-sugat na ang kanyang mga talampakan. Pasa sa kanyang katawan ay nagmarka na.
Malapit nang sumikat ang araw. Hindi niya alam kung saan siya tutungo. Hindi niya alam kung saang lugar siya dadalhin ng kanyang mga paa.
Pinagtitinginan na siya ng mga taong nadaraanan niya. Ang buong akala niya hindi pa rin siya nakikita ng mga nilalang. Lutang ang kanyang isipan dahil sa pighati at kahirapan na nararanasan niya. Hindi alam ni Carmencita na siya ay patawid sa kalsada at nabundol siya ng isang kotse. Kaya siya ngayon ay nasa ospital.
*****
Hindi sumasagot si Carmencita. Patuloy lamang itong umiiyak. Ngunit nagpatuloy ang ginang sa pagsasalita.
"Sabihin mo sa akin kung ano ang nangyari sa iyo, iha. Baka matulungan kita."
Unti-unting iniaangat ni Carmencita ang kanyang ulo at lumingon sa ginang.
"Nakikita mo ako?" isang katanungan na gumambala sa isipan ng ginang.
"A--ano ang ibig mong sabihin? Nakikita kita at---" hindi pa tapos magsalita ang ginang, nilapitan siya ni Carmencita. Hinawakan niya ang mga kamay ng ginang.
"Totoo po! Nakikita at nahahawakan ninyo ako?" maluha-luhang tanong muli ni Carmencita.
Panay haplos ni Carmencita sa ginang habang ito ay lumuluha at napapangiti. Isang suspetsa ang pumasok sa isipan ng ginang. Lalo na nang makita ng ginang si Carmencita na wala sa sariling naglalakad sa gitna ng kalsada.
"Iha, sandali lang at tatawagin ko ang nurse at doktor," paalam ng ginang sa kanya.
Tumalon-talon naman si Carmencita sa tuwa dahil bumalik na siya sa normal. Sinalat-salat pa niya ang kanyang katawan. Napapailing ang ulo ng ginang habang palabas ito ng pinto.
Umupo si Carmencita sa kama. Sumagi sa kanyang isipan si Romuel. Iniisip niya kung talagang nakalayo na siya sa lugar ng Tondo, Maynila. Ngunit hindi niya muna iyon masyadong pinansin. Ang iniisip ngayon ni Carmencita kung paano siya magpapatuloy sa kanyang buhay.
Sa edad niyang labing-pitong taong gulang kailangan niya pa rin lumaban sa buhay na mayroon siya.
Iniisip niyang kilalanin ang tunay niyang pagkatao. Hahanapin niya ang lugar kung saan siya nagmula. Hahanapin niya ang kanyang tunay na magulang. At ang isa pang gumagambala sa kanya ay ang mga panaginip na dinadalaw siya na parang totoong nangyayari.
"L--lucid..." nabanggit ni Carmencita ang pangalan ng lalaki sa kanyang panaginip.
Subalit talagang kakambal ni Carmencita ang kamalasan at sumpa na hindi siya maging masaya. Ang kani-kanina lang na mga plano niya ay nabura sa pagdating ng mga nurse at doktor.
Sinuot sa kanya ang isang puting damit na gamit sa mental hospital. Itinali siya dito.
"T--teka! Ano ito? Hindi ako isang baliw?" nagpupumiglas si Carmencita.
"Huwag ka ng magwala, hindi makakatulong sa iyo iyan. Doon ka na lang namin susuriin," sagot ng doktor.
"Hindi ako nasisiraan ng ulo! Hindi ako isang baliw!" sumigaw si Carmencita.
Napukol nang kanyang mga mata ang ginang na nakatayo sa labas ng pintuan. Tinadyakan ni Carmencita ang lalaking humahawak sa kanya at tumakbo siya sa ginang.
"Akala ko ba tutulungan mo ako? Heto ba ang sinasabi mong tulong na ipakulong ako sa mental hospital? Hindi ako isang baliw!"
"Sige na iha, sumunod ka na lang sa kanila. Huwag kang matakot, sasamahan kita. Kung hindi ka baliw, mapapatunayan naman nila iyon at pakakawalan ka nila," paliwanag ng ginang.
Dinampot siyang muli ng dalawang lalaking nurse. Kinaladkad siya palabas ng ospital.
"Hindi ako baliw! Hindi ako baliw!" nanlaban si Carmencita. Subalit tinurukan siya ng gamot na pampakalma at ito ay nawalan ng malay.
*****
"Kumusta siya?" tanong ng ginang sa doktor na tumingin kay Carmencita.
"Kailangan pa namin siyang suriin dahil tahimik lamang siya sa loob ng kanyang kwarto," sagot ng doktor.
"Gusto ko sana siyang makita," sabi ng ginang.
Tinulungan ng doktor ang ginang upang masilayan nito si Carmencita. Nakaupo sa isang sulok ang kaawa-awang dilag. Isang kama na may isang unan, isang maliit na lamesa at isang maliit na silya lamang ang makikita sa loob ng silid na kinalalagyan ni Carmencita.
"Naaawa ako sa kanya. Pero ang pinakita niyang kilos sa akin kanina, alam mo iyon doktor? Na, para bang nawawala siya sa kanyang sarili," sabi ng ginang sa doktor. Hindi nila pansin na nakahawak na si Carmencita sa rehas.
"Hindi ako nawawala sa sarili," bulong niya sa ginang.
Nagulat ang ginang at doktor at silang pareho ay napaurong ang mga paa. Namumula ang mga mata ni Carmencita. Nanlilisik.
"Pakawalan niyo ako dito!" sigaw ni Carmencita. Niyugyog niya ang rehas. Naging sanhi ito ng ingay. Narinig ng iba pang mga nakakulong. Ginaya nila ang ginagawa ni Carmencita.
"Romuel, tulungan mo ako!" sigaw ni Carmencita.
Tumakbo ang doktor at tumawag ng nurse na tutulong sa kanya. Kumuha ulit ito ng gamot na pampakalma. Bumalik kaagad ang doktor sa kinaroroonan ni Carmencita. Binuksan ng dalawang nurse na lalaki ang rehas at kaagad itinurok ng doktor ang gamot sa katawan ni Carmencita.
ITUTULOY...
*****
NO PLAGIARISM
All rights reserved - Copyright 2018
Isinulat ni: MC27 (MysteriousCharm27)
![](https://img.wattpad.com/cover/145729965-288-k790350.jpg)
BINABASA MO ANG
Immortals - CARMENCITA (Season 1)
FantasyImmortals Season 1 - Ang babaeng ipinanganak na may kasamang sumpa at kamalasan. Tuklasin ang misteryong bumabalot sa kanyang katauhan at mga nilalang na nakapaligid sa kanya. [Completed] Immortals Season 2 - Isang panibagong nilalang ang susubok sa...