5: Ang Pagsagip

960 47 6
                                    

CARMENCITA
KABANATA 5: ANG PAGSAGIP SA BUHAY NI CARMENCITA

KUMAKAIN sa isang karinderya si Romuel, bago siya tuluyang umuwi sa kanilang bahay galing sa mental ospital, kung saan niya pansamantalang iniwan ang babaeng iniibig niya--- si Carmencita.

Hindi pansin ni Romuel ang balitang inuulat sa telebisyon. Dahil namnam na namnam niya ang mahanghang at manamis-namis na tuyot na adobo. Narinig lang niyang nag-usap ang dalawang lalaki sa kanyang tabi.

"Hindi ako naniniwala diyan sa balita na isang babae lang ang nagsunog diyan sa buong mental ospital."

"Pero pare, ayan ang mga saksi. Iisa lang ang sinasabi nila, isang babae lang ang may gawa sa malaking sunog. Walang nasaktan sa nasabing insidente pero ang buong mental ospital ay nagliyab."

"Hindi talaga ako naniniwala, pare. Nasaan na ngayon ang babaeng sinasabi nila? Mag-isa lang siya ang dami nilang nandiyan sa mental ospital para hindi nila madakip."

"Yun nga e, ang sabi nila hindi siya normal na tao. Mas malala pa sa isang baliw. Wala siyang iniwan na kahit na anong bakas para siya ay makilala at matunton."

"Tama na!" pigil ni Romuel sa dalawang lalaking nag-uusap. Nakatuon ang mga mata niya sa telebisyon. Alam ni Romuel na hindi isang baliw si Carmencita. Sadyang mayroong kakaibang nangyayari lamang sa dalaga.

"Ano ang problema mo? Bakit mo kami sinisigawan?" tanong ng isang lalaki at siya ay tumayo mula sa pagkakaupo.

"Pare, huminahon ka lang. Mukhang hindi naman tayo ang kinakausap," paliwanag ng isa pang lalaki sa kasama dahil hindi nakatingin si Romuel sa kanila.

Mabilis tumayo si Romuel sa kanyang pwesto. Hindi na niya natapos ang kanyang masarap na pagkain dahil hahanapin na naman niyang muli at hahabulin si Carmencita. Handang isakripisyo ni Romuel ang lahat ng sa kanya basta lamang makapiling at matulungan niya ang babaeng minamahal niya.

SAMANTALA, sa pagtakas ni Carmencita mula sa mental ospital. Hindi niya batid ang nangyaring sunog. Siya ay patuloy na tumakbo sa kakahuyan na nasa likurang bahagi ng mental ospital. Bagamat gulong-gulo man ang kanyang isipan, hindi pa rin niya maipaliwanag na parang gumaan ang kanyang pakiramdam.

Walang anumang istraktura sa paligid na binabaybay niya. Tanging ang kalikasan ang kadamay niya. Napalayo na siya sa kagubatan. Halos nasa liblib na lugar na siya.

Manhid na rin ang kanyang mga paa sa mga sugat na natamo niya mula sa kanyang inaapakan na daan. May mga matutulis na bato. Tinik mula sa mga damo. Matatalim na dahon. Siya pa rin ay nakayapak at puti ang kanyang bestidang suot. Nakalugay ang makintab at mahaba niyang buhok.

Hanggang sa natunton niya ang isang talon. Mabilis tumakbo si Carmencita palapit sa tubig. Dahil sa kanyang uhaw, hindi na niya iniisip kung malinis o marumi man ang tubig. Basta gusto niyang uminom. Sumalok siya ng tubig gamit ang kanyang dalawang palad. Walang alinlangan niyang ininom ang tubig na mula sa talon.

Nang makaramdam siya ng kaginhawaan, siya ay napahiga sa lupa. Nagbago muli ang pakiramdam at pananaw ni Carmencita sa buhay, nang mapagtanto niyang siya ay nag-iisa.

Parang bumagsak sa kanya ang isang malaking gusali dahil sa bigat ng kanyang nararamdaman sa katawan. Pagod na pagod siya. Puso, isipan at kaluluwa niya ay nasasadlak na sa kahirapan. Hindi na niya alam kung ano ang kanyang dapat gawin sa kanyang buhay. Titig na titig siya sa maliwanag na buwan.

Hanggang sa naisip ni Carmencita na siya ay nag-iisa lang sa kagubatan. Umupo siyang muli at pinagmasdan ang malawak na tubig na nagmula sa talon.

"Gaano kaya kalalim ang tubig na ito?" tanong ni Carmencita sa kanyang sarili.

"Kung lulusong kaya ako diyan sa tubig, malulunod at mamamatay ako. Maiiwasan ko na kaya ang paghihirap ko sa buhay? Matitigil na kaya ang kamalasan na nararanasan ko? Magiging masaya kaya ako sa kabilang buhay?" muli, tinanong ni Carmencita ang kanyang sarili. Umihip ang malamig na hangin sa kanyang balat.

"Hindi na siguro ako magiging masaya. Hindi ko na siguro mararanasan ang isang buhay na puno ng kulay. Lagi na lang akong nasa dilim. Hinding-hindi na ako makakaalis sa buhay na mayroon ako," patuloy na nagsasalitang mag-isa si Carmencita. Nilalamon na siya ng depresyon. Lalo na, wala na siyang ibang nakikita kung hindi ang kamatayan.

Siya ay muling tumayo. Pinalakad niya ang kanyang mga paa papunta sa tubig. Naramdaman ng kanyang mga paa ang lamig na parang niyebe. Dahil sa lamig ng tubig para itong walang buhay. Nanindigan si Carmencita sa kanyang nais na gawin. Bumilis ang kanyang pagsulong sa tubig hanggang sa umabot na sa kanyang baywang.

Panandalian siyang huminto at tumingala sa langit. Tumama ang liwanag ng buwan sa kanyang mukha. Sa kanyang mga mata, nakaguhit ang kalungkutan at pighati. Dumaloy ang luha sa kanyang pisngi. Agos ng kanyang luha ay parang ang talon sa kanyang harapan.

Yumuko ang kanyang ulo at nakita niya ang repleksiyon ng kanyang sarili habang lumuluha. Siya ay nagdalawang isip puntahan ang mundo ng kamatayan.

"H--hindi tama ito. Hindi ito ang solusyon sa aking masalimuot na buhay. Kailangan ko pa rin mabuhay para lumaban. Marami pa akong gagawin. Kailangan kong malaman ang pinagmulan ko. Kung saang lugar ako nanggaling, kung sino ang aking tunay na magulang. May mga kapatid ba ako? Ano ang klase ng buhay ang mayroon sila? Marami pa akong katanungan at dapat tuklasin sa aking katauhan, kaya dapat huwag akong susuko," kinausap niya ang kanyang sarili sa tubig. Gumalaw ang kanyang katawan pabalik sa pangpang.

Subalit...

Bago nagawa ni Carmencita ang tuluyang paglayo sa tubig, nakita niya sa ilalim ng tubig ang mga aninong mabilis na lumangoy patungo sa kanyang paa. Parang mga itim na ahas na nag-uunahan na kumagat sa kanya. Bago pa makasigaw si Carmencita, mabilis siyang hinila ng mga anino pailalim sa tubig.

Mulat ang kanyang mga mata kahit napakadilim sa kanyang kinalalagyan. Nasasakal na niya ang kanyang sariling leeg, dahil habang lumalalim ang kinaroroonan ng kanyang katawan, unti-unti siyang nawawalan ng hininga. Nawawalan na siya ng pag-asang mabuhay, lalo na alam niyang walang magliligtas sa kanya. Hanggang sa sumagi muli sa kanyang isipan ang huling sinabi sa kanya ni Lucid.

"Tawagin mo ang pangalan ko, kapag kailangan mo ng tulong."

Ngunit hindi makapagsalita si Carmencita. Lalong hindi siya makasigaw. Pumikit ang kanyang mga mata at ginamit niya ang kanyang isipan sa pagtawag sa pangalan ni Lucid.

"Lucid... Lucid..."

"Lucid... Lucid..."

"Lucid... Lucid..."

Anim na beses binanggit ng isipan ni Carmencita ang pangalan ni Lucid, subalit walang dumarating na tulong. Hanggang sa nanlambot na ang kanyang katawan.

"L--lu--" tanging sambit ni Carmencita, pinipigilan niyang malagutan ng hininga. Siya ay patuloy na lumalaban sa mga aninong kumakaladkad sa kanya pailalim sa tubig. Hanggang sa binuka niya ang kanyang bibig.

"Lucid!" sigaw ni Carmencita at nagliwanag ang paligid niya sa madilim na lugar na kinalalagyan niya.

Tumilapon ang mga anino at nawala na parang bula. Itinaas ni Carmencita ang kanyang kamay sa liwanag na nakikita niya. Sa isang iglap, katawan niya ay nasa pangpang na.

Sumuka nang maraming tubig si Carmencita. Walang siyang tigil sa pag-ubo. Niyakap niya ang basa niyang katawan. Nanlalabo ang kanyang paningin. Matinding kirot ang nararamdaman ng kanyang sikmura. Siya ay nanghihina. Sinubukan niyang gumapang palayo sa tubig, nang may naaninag siyang isang anyong lalaki.

"S--sino ka? P--parang a--awa mo na, tulungan mo ako," pakiusap ni Carmencita kahit mahina na ang boses nito.

"Nahirapan akong pumunta sa inyong mundo. Hindi ako maaaring magtagal, Carmencita. Sa muli nating pagkikita," tinig na lang ng lalaki ang kanyang narinig. At siya ay nawala kasing bilis ng hangin.

ITUTULOY...

*****
NO PLAGIARISM
All rights reserved - Copyright 2018
Isinulat ni: MC27 (MysteriousCharm27)

Immortals - CARMENCITA (Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon