CARMENCITA
Kabanata 20 - Ang Tunay na PaghaharapSA PAGTAAS ng kamay ni Taos, nagbago ang paligid. Hindi na nakatapak ang mga paa ni Lucid at Carmencita sa isla ng mga mangkukulam. Lumago ang kaba sa dibdib ni Lucid. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa nangyayari. Ganun din naman si Carmencita, imbes na matuwa siya na makita ang kanyang tunay na Ama, takot ang yumakap sa kanyang buong pagkatao.
Samantala, naiwan si Serpentino at Kulaw sa lugar. Bakas sa kanilang mukha ang pagkagulat. Hindi nila inaasahan na may isang nilalang na makapangyarihan ang magpapakita at tinangay si Lucid at Carmencita.
"Huwag ka ng magtago? Kahit hindi ako kasing lakas ninyo, marunong pa rin akong makaramdam ng kapangyarihan ng iba," nagsalita si Kulaw habang ang kanyang galit na mata ay nakatuon sa isang puno.
"Hindi nga maikakaila na isang tapat kang maglilingkod ng aking kapatid. Buong akala ko ay patay ka na." Lumabas si Serpentino sa likod ng punong kanyang pinagtataguan.
"Akalain mo nga naman, ang isang halimaw na katulad mo ay mahaba ang buhay."
"Tumigil ka! Halimaw man ako, pero mas pinakikinggan ko ang natitirang kabutihan na nasa aking puso. Naniniwala ako kay Lucid na makakatakas kami sa kadiliman at—"
"At, ano? Para makatakas kayo sa kinagisnan niyo ng mundo susuwayin niyo ang aming Ama? Kailanman hindi maglalaho ang kasamaan sa mundo ng mga mortal dahil narito tayong lahat upang maglinlang at paglaruan ang mga tao." Humalakhak ng malakas si Serpentino. Susugurin sana siya ni Kulaw, ngunit kaagad siyang pinigilan ni Serpentino.
"Huwag kang magmadali sa kamatayan mo, Kulaw. Hindi kita papatulan. Hahayaan muna kitang makasama ang mahal kong kapatid na traydor. At sa pagkakataon na maghaharap tayong muli, sisiguraduhin kong magiging isang abo ka na." Muli, nagpakawala ng malakas na halakhak si Serpentino. Tinalikuran niya si Kulaw at mabilis na naglaho. Hinayaan muna ni Kulaw si Serpentino, sapagkat siya ay nangangamba sa pagkawala ni Lucid at Carmencita.
"Saan kayo dinala ng Diyos ng taga-bantay ng mga tao?" Bulong ni Kulaw sa hangin.
SA KABILANG BANDA, napuna ni Lucid ang panghihina ng kanyang katawan. May kung anong enerhiya ang bumabalot sa paligid. Parang likido na gumagapang sa kanyang kalamnan. Mahapdi. Masakit. Tinitiis niya ang lahat ng nararanasan niyang paghihirap para kay Carmencita. Ngunit, nanlambot ang kanyang isang tuhod at napaluhod siya sa lupa.
"Lucid..." Tawag ni Carmencita sa pangalan nito at kaagad niya itong inakay patayo.
"Alam kong narinig mo ang bulong ko sa 'yo, kaya sagutin mo ito. Paano ako nakakasiguro na ligtas ang aking anak sa mga kamay mo?"
Hindi makasagot si Lucid, dahil nararamdaman na niya ang sakit hanggang sa kanyang puso. Naninikip ang kanyang dibdib. Hinahabol niya ang kanyang paghinga. Hanggang sa muli siya ay nalaglag sa lupa kahit akay na siya ni Carmencita. Hinawakan ni Lucid ang kanyang sariling leeg dahil hirap na hirap na siyang huminga. Nanliliit ang kanyang mga mata habang nakatingin kay Carmencita.
"Bakit niya ginagawa sa akin ito?" Tanging ang isipan na lang niya ang gumagana.
"Lucid. Lucid." Niyuyugyog ni Carmencita ang mga balikat ni Lucid. Gusto ng pumikit ng kanyang mga mata.
"Paano mo ipagtatanggol ang aking anak, kung sa mahinang enerhiya pa lang na nasa paligid ay natutupok ka na. Ipinag—"
"Tama na!" Sigaw ni Carmencita at naputol ang dapat na sasabihan pa ni Taos.
"Kahit ikaw ang tunay kong Ama, hindi ako papayag na basta mo na lang sasaktan si Lucid. Nakikiusap ako—"
"Hindi mo naiintindihan, Carmencita. Dalawang araw na kang sasapit na ang ikalabing walong taon mo simula ng isilang ka ng iyong Ina. Alam mo ba kung ano ang mangyayari sa 'yo? Alam mo ba kung sinu-sino ang mga lalabas sa kanilang mga lungga para kunin ka? Alam mo ba ang kapahamakan na naghihintay sa 'yo? Kailangan nila ang dugo mo. Gusto nilang inumin ang dugo mo." Paliwanag ni Taos.
"Wala akong pakialam. Kung may isang nilalang man akong pinagkakatiwalaan ngayon, walang iba kung hindi lamang si Lucid." Sabay turo ni Carmencita sa nahihirapan na prinsipe ng kadiliman.
"Mas nais ko siyang kasama kaysa sa 'yo. Naging anak mo lang naman ako dahil sa sumpang iginawad sa 'yo ng aking Lola. Kung wala ang sumpa, hindi ako mabubuhay. Kung binigyan niyo ng pagkakataon ang aking angkan na ipakita ang kabutihan nila, walang ganito."
"Anak, sadyang hindi mo pa naiintindihan ang lahat."
"Wala man akong maintindihan ngayon, pero kaya kong tuklasin ang lahat na kasama si Lucid. Kaya pakawalan mo na kami sa lugar na ito."
Habang nag-uusap ang mag-ama. Hindi nila pansin na tumatalab na kay Lucid ang enerhiya ng halimuyak ng panaginip. Naglakbay si Lucid sa hinaharap. Hindi gustong pahirapan ni Taos si Lucid, kung hindi nais nitong ipakita sa prinsipe ng kadiliman ang mangyayari sa hinaharap.
Apoy na nagkalat sa lupa. Nagpapatayan ang mga tao. Digmaan sa iba't ibang panig ng mundo. Mawawalan ng buhay ang mga may buhay. Tao, halaman, hayop. Matutuyo ang karagatan, ilog. Walang tigil na kidlat na dumadapo sa lupa.
Gayun pa man, hindi pa tuluyang nawawala sa ulirat si Lucid.
Pinilit niyang labanan ang enerhiyang hindi niya nakikita na sumusugod sa kanya. Gusto niyang patunayan kay Taos na kaya niyang protektahan si Carmencita. Kaya niyang pigilan ang kasamaan, kahit sa tingin niya ay kasama siyang maglalaho.
Pilit inilabas ni Lucid ang kanyang itim na pakpak sa likuran. Nanginginig ang kanyang kanang kamay habang inaangat niya ito. Hindi naman siya nabigo at nasalat niya ang kanyang sariling pakpak. Humugot siya sa parte nito.
"Aaahhhhh..." napasigaw si Lucid. Napalingon si Taos at Carmencita sa kanya. Nakita nilang naglaho ang malaking pakpak niya sa kanyang likuran, ngunit may hawak itong isang parte nito na matulis. Sinaksak ni Lucid sa kanyang kaliwang kamay. Para patayin ang sumasakop sa kanyang katauhan. Dahan-dahan siyang tumatayong mag-isa.
"L—lucid.." tumakbo si Carmencita palapit kay Lucid.
"Paano mo..."
"Alam mo kung ano ang tunay kong pakay sa mundo. Huwag mo akong husgahan kaagad, Taos. Dahil ka-pareho lang kita dati. Isa kang masamang nilalang, subalit binigyan ka ng pagkakataon para baguhin ang lahat. Ano ang pagkakaiba ko sa 'yo? Na ang nais ko lang din ay baguhin ang lahat kahit mawala ako," Paliwanag ni Lucid. Hindi makapagsalita si Taos sa litanya ni Lucid.
"Nakita ko iba na mangyayari sa hinaharap. Taos, handa akong lumaban para sa kabutihan. Hindi ko rin hahayaan na kung sino man ang kukuha kay Carmencita. Hindi ko siya sasaktan. Kahit hindi mo sabihin, alam kong ito ang nakatakda sa akin. Ang protektahan ko ang nag-iisang bunga ng kasamaan at kabutihan." Dugtong pa ni Lucid habang nakasabit ang kanyang kaliwang kamay sa balikat ni Carmencita.
"Tama ka. Ikaw ang nakatakdang maglingkod at mag-protekta sa aking anak. Pero may hindi ka pa nalalaman, Lucid. Hindi mo alam kung ano ang tunay na kahulugan ng aking espada at bulaklak na naroon sa iyong kaharian."
Biglang napaisip si Lucid. Tumahimik ang paligid. Sadyang kanilang mga mata ang mga nangungusap. Palakasan sila ng pakiramdam.
ITUTULOY...
*****
NO PLAGIARISM
All rights reserved - Copyright
Isinulat ni: MC27 (MysteriousCharm27)No proofread and edit. Photos credit to the owner.
BINABASA MO ANG
Immortals - CARMENCITA (Season 1)
FantasíaImmortals Season 1 - Ang babaeng ipinanganak na may kasamang sumpa at kamalasan. Tuklasin ang misteryong bumabalot sa kanyang katauhan at mga nilalang na nakapaligid sa kanya. [Completed] Immortals Season 2 - Isang panibagong nilalang ang susubok sa...