CARMENCITA
KABANATA 9: PAG-AALINLANGANLUMIPAS ang tatlong araw naging masaya at payapa ang pagsasama ng mag-ama sa kabundukan. Dahil nagsusumikap silang pareho na iparamdam ang kanilang pagmamahal sa isa't isa bilang isang ama at isang anak.
Ngunit sa paglipas ng araw, hindi nila alintana ang nauubos na oras sa buhay ni Carmencita. Ang presensiya ni Lucid sa kanilang paligid ay hindi nila nararamdaman. Mga mata ng binata ay patuloy lamang nagmamasid at hinihintay na sumapit ang ika-labing walong taong gulang ni Carmencita.
"Ilang araw na lang, makakasama na kita, Carmencita."
Niyakap ni Lucid ang katawan ng dalaga habang hindi siya nakikita. Para namang binuhusan ng malamig na malamig na tubig ang katawan ni Carmencita at siya ay nagtaka dahil wala namang hangin na dumaan sa kanya. Napaisip at natulala panandalian ang dalaga. Niyakap niya ang sarili.
"Anak," tawag ni Renato sa kanya. Ngunit malayo ang tingin ni Carmencita sa labas ng kubo nila. Lumapit si Renato at tinapik niya ang balikat ng dalaga.
"T--tay!" gulat na sabi ni Carmencita.
"Mukhang malalim ang iniisip mo, para hindi mo marinig ang tawag ko."
"Naku, tay! Wala po 'to, may naalala lang po ako."
"Magandang alaala ba? O, masamang alaala?" nag-alala si Renato.
"Huwag na po kayong mag-alala sa akin, Itay. Wala po 'to, maniwala po kayo sa akin. Hindi po ba aalis kayo at mangunguha ng kahoy? Sige na po, iwan niyo na po ako dito. Ako na po ang bahala sa lulutuin na gulay," sagot na lang ni Carmencita.
"Sigurado ka ba, anak?"
"Opo," sagot muli ni Carmencita at siya ay ngumiti.
"O siya, mag-iingat ka dito. At kung mayroon mang mapadaan na tao sa ating lugar, magtago ka kaagad ah?"
"Opo."
Bago umalis si Renato, nagyakapan pa silang mag-ama. Hindi inalis ni Carmencita ang kanyang tingin sa ama, habang ito ay naglalakad palayo sa kanya. Napabuntong hininga na lang siya, nang hindi na niya masilayan ang kanyang ama. Nang maisipan ni Carmencita na bumalik sa kanyang ginagawa, sa kanyang paglingon, nag-iba ang paligid.
"Ah-- a--ano ang nangyayari? Nasaan ako?" tanong ni Carmencita sa kanyang sarili at hindi siya gumalaw sa kanyang kinatatayuan.
"Ang bilis mo namang makalimot, Carmencita. Darating ang araw na ikaw ay mananatili dito sa lugar na ito," isang tinig ang kanyang narinig mula sa kanyang likuran.
"L--lucid," bigkas ng bibig ni Carmencita. Lumingon ang dalaga sa kanyang likuran at nakita niyang muli ang makisig na pangangatawan at maamong mukha ng binata. Hindi alam ni Carmencita kung ano ang dapat na maramdaman ng kanyang puso sa tuwing nagkikita sila ni Lucid.
"Hindi ka ba nagagalak na nagkita tayong muli?" tanong ni Lucid sa kanya at siya ay napalunok lamang.
"Ah-- kasi..."
"Gusto mo bang mamasyal sa lugar na ito?" ngumiti ang binata sa kanya. Bumilis ang tibok ng puso ni Carmencita.
"Hindi ka naman natatakot sa akin, 'di ba?" patuloy na tanong ni Lucid kay Carmemcita at unti-unti siyang lumalapit sa kinaroroonan ng dalaga. Ilang hakbang lang, tuluyan nang nasa harapan ni Carmencita si Lucid. Walang alinlangan na hinaplos ni Lucid ang pisngi ni Carmencita.
"Sumama ka sa akin at ililibot kita sa lugar. Alam kong magugustuhan mo ang makikita ng mga mata mo," patuloy lang nagsasalita si Lucid, hindi rin maintindihan ni Carmencita na palagay ang loob niya sa binata. Ngumiti ang dalaga at siya ay tumango sa anyaya ni Lucid.
BINABASA MO ANG
Immortals - CARMENCITA (Season 1)
FantasíaImmortals Season 1 - Ang babaeng ipinanganak na may kasamang sumpa at kamalasan. Tuklasin ang misteryong bumabalot sa kanyang katauhan at mga nilalang na nakapaligid sa kanya. [Completed] Immortals Season 2 - Isang panibagong nilalang ang susubok sa...