19: Taos at Ang Dugo

691 26 3
                                    

CARMENCITA
Kabanata 19: Taos at Ang Dugo

HABANG natutuklasan nina Lucid at Carmencita ang nakaraan sa isla ng mga mangkukulam. Hindi nila batid na maliban kay Serpentino ay mayroong isang nilalang pa na nagmamasid sa kanila— Taos, isang Diyos at ang tunay na Ama ni Carmencita.

"Patawad, anak. Wala akong kasalanan na ako ang naging Ama mo. Nang dahil sa akin, naging magulo ang buhay mo. Gusto kong pagbayaran ang lahat ng nagawa kong kasalanan noon, pero hindi ko ninais na ganito ang—" hindi maituloy ni Taos ang kanyang nasa isipan, nang bigla niyang maalala ang kanyang nakaraan.

*****

"Heto ba ang nilalang na sinasabi ninyong papatay sa lahat ng mga opisyales na sagabal sa ating mga plano?" Isang lalaking nakatalikod na may suot na sumbrero ang nagpakawala ng kanyang tinig.

"Siya si Taos, kilala siyang taga-gawa ng mga tanyag na katana. Ngunit, hindi alam ng karamihan na siya ay isang taong mamamaslang."

"Kung ganun gaano ako kasigurado na susundin niya ang lahat ng aking pinag-uutos? Hindi ba siya magiging isang taksil sa ating samahan?"

"Kailanman hindi naging taksil ang aking katana sa sinumpaan niyang tungkulin. Ako ay iyong pagkatiwalaan. Gusto ko rin mawala ang mga demonyong opisyales ng bansang ito." Si Taos na ang sumagot at isang malakas na halakhak at may kasaman palakpak ang kanyang natanggap na kasagutan.

"Sa tono ng iyong boses, nararamdaman ko ang galit na nagmumula sa iyong puso."

"May mga tao akong dapat singilin sa kanilang kahayupan!" Dugtong ni Taos sa kanyang magiging pinuno.

'Saka niya naaalala ang nangyari sa kanyang sariling pamilya. Habang siya ay nagbebenta ng kanyang mga gawang katana sa bayan. Hindi niya alam na pinatay at ginahasa ang kanyang mahal na asawa sa kanilang sariling bahay sa kabundukan. Pinatay din ang kanyang walang-muwang na sanggol.

Pagdating ni Taos sa kanilang tahanan, tanging abo na lang ng kanyang mga mahal sa buhay ang kanyang nayakap. At ang balitang kanyang nasagap sa mga taong malapit sa kanilang tirahan. Ang hindi maipinta na krimen, ay ang mga opisyales ng sundalo ang may kagagawan nito. Simula nang araw na iyon, walang ibang ginawa si Taos kung hindi lumikha ng isang patalim na kikitil ng buhay. Ipinaloob niya ang kanyang kaluluwa't puso sa talim nito.

Sa una ay nahirapan siyang pumaslang. Ngunit, nang madungisan na ng dugo ang kanyang katana, laging hinahanap ng kanyang sandata ang halimuyak ng dugo. Pakiramdam ni Taos, lalong tumitibay ang kanyang katana. Pakiramdam niya ay lalo siyang lumalakas at bumibilis ang kilos. Isa siyang mapanganib na  anino sa dilim.

"Kung ganun, magsisimula na tayo sa patagong paghihimagsik." Sigaw ng kanilang pinuno.

Ginawa lahat ni Taos ang utos at tungkulin niyang pumaslang ng nilalang. Ngunit sa bawat hininga ng taong kanyang kinukuha ay may kabayaran. Dumating na lang ang araw na naging malabo ang kanyang paningin. Hanggang sa hindi na siya nakakita. Pero, dahil sa kanyang angkin na galing at tapang. Ang nagsilbing kanyang mga mata ay ang kanyang tainga at talas na pakiramdam.

Kahit siya ay walang paningin, gamit pa rin ang kanyang katana ay patuloy siyang pumapaslang. Nalampasan ni Taos ang singil ng kalangitan sa kanya. Kaya naman, kamatayan na ang naging hatol sa kanya ng Kataas-taasan.

"Binigyan kita ng dahilan para magbago sa pamamagitan ng pagkuha ko sa iyong paningin, ngunit ito ay binalewala mo. Kaya ang lahat ng buhay na kinuha mo sa mga nilalang na pinaslang mo ay ang kapalit ay ang buhay mo. Hindi ka likas na masama. Naghari lamang ang galit sa iyong puso. Kaya naman binibigyan pa kita ng isang pagkakataon. Ikaw ngayon ay isa ng immortal. Ngunit, isang walang kamatayan na pagbabantay at pagtatanggol sa mga tao ang gagawin mo upang hugasan ang dungis sa iyong dugo." Liwanag na mayroong tinig lamang ang nakikita ni Taos.

Ginawa lahat ni Taos ang kanyang makakaya bilang isang immortal. Ang pagbabantay sa mga mortal na tao at iligtas sa panganib kung hindi pa oras ng kanilang kamatayan. Naging matagumpay si Taos sa lahat ng kanyang misyon. Kaya natanggap niya ang isang parangal na maging isang Diyos.

*****

"Nang tanggapin ko ang nakalaan na kapalaran sa akin, Anak. Hindi ko alam na kasama ka. Hindi ko alam na sa pangalawang pagkakataon ay magkakaroon akong muli ng isang anak." Dugtong na lang ni Taos sa kanyang sinasabi pagkatapos niyang maalala ang kanyang nakaraan.

"May nararamdaman akong isang malakas na pwersa mula sa isang Diyos! Hindi ako maaaring magkamali, nandito lang siya sa paligid." Naaamoy ni Serpentino ang kapangyarihan ni Taos. Pilit niyang hinahanap kung saan nanggagaling ito, ngunit wala siyang makita.

"At ano ang ginagawa ng tunay na anak ng kadiliman sa lugar na ito? Sino ang kailangan niya? Si Lucid ba o ang aking anak?" 'Saka sumagi sa isipan ni Taos ang isang importanteng bagay na kanyang nakalimutan.

Ang sino mang nilalang ang galing sa bunga ng kasamaan at kabutihan ay ang gustong dugo ng kadiliman upang ang kanilang kapangyarihan ay mas mabigyan ng lakas at bisa.

"Si Carmencita ang pakay niya at hindi si Lucid." Bulong ng isipan ni Taos. Lumipat ang mga mata ni Taos kay Lucid.

"Paano ako nakakasiguro na ligtas sa 'yo si Carmencita, Lucid? Kahit pa sabihin mong gusto mong kumawala sa kadiliman at mas gusto mong gawin ang kabutihan, may dugo ka pa ring nananalaytay galing sa iyong Ama."

Sa bulong na boses ni Taos, naramdaman iyon kaagad ni Lucid. Isang babala na maaaring mawala si Carmencita sa kanyang tabi. Hindi naging mali ang kutob na nabuo sa damdamin ni Lucid. Isang makapal na usok ang humarang sa kanilang dalawa ni Carmencita. Alam na ni Lucid kung sino ang nasa loob ng makapal na usok. Natakot si Carmencita at sumiksik siya sa tagiliran ni Lucid. Humanda naman si Kulaw sa pag-atake. Nakikita din ni Serpentino ang nangyayari sa kanila.

"Sigurado akong sa usok na 'yan nagmumula ang nararamdaman kong malakas na kapangyarihan. Magpakita ka na kung sino ka man," bigkas ng bibig ni Serpentino.

"Huwag kang matakot Carmencita," isang tinig ang narinig ni Carmencita mula sa usok.

"S—sino ka?"

"Ang iyong tunay na Ama," sagot ni Lucid kay Carmencita. Gumalaw ang mga mata ni Carmencita papunta sa mga mata ni Lucid. Nabasa ni Lucid ang pagkagulat sa mukha ng dalaga.

"Hindi ko rin inaasahan ito, Carmencita. Maaaring kunin ka niya mula sa akin."

Dahil sa sinabi ni Lucid, tila ba nagkaroon ng pag-alinlangan ang damdamin ni Carmencita. Nagulat at nagalak siyang makilala at makita si Taos, ngunit kung mahihiwalay siya kay Lucid parang hindi gusto ng kanyang puso.

"Pero, bakit?" Bulong ni Carmencita kay Lucid habang ang kanyang mga mata ay nangungusap.

ITUTULOY...

*****
NO PLAGIARISM
All rights reserved - Copyright
January 16, 2019
Isinulat ni: MC27 (MysteriousCharm27)

No proofread and edit. Photos credit to the owner.

Immortals - CARMENCITA (Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon